LUMIYAB sa hanay ng De La Salle University Green Spikers ang pag-asang makabalik sa rurok ng tagumpay matapos bumuwelta sa Final Four ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Men’s Volleyball Tournament. Bagamat hindi nakamit ang podium finish, nananatiling makasaysayan ang naiukit na karangalan ng Taft-based squad matapos kilalanin bilang isa sa mga dapat na abangan sa darating na mga season ng UAAP.
Kinang ng pagbabalik
Matapos ang sampung taong paghihikahos, natamo ng Green Spikers ang ikaapat na puwesto sa UAAP Season 85 buhat ng kanilang husay at determinasyon. Bunsod nito, hindi maitago ang kagalakan ng buong koponan matapos makamit ang isa sa kanilang matagal ng minimithing layunin na buhayin ang diwa ng pangkat.
Namuhunan ang Green Spikers sa kumpiyansang ipinagkaloob ng sistema ni Coach Arnold Laniog sa bawat bakbakang kanilang kinaharap nitong Season 85. Sa kabila ng kakulangan sa team chemistry sa loob ng kort, kumapit ang koponan sa bawat aral at paalalang ibinigay ng kanilang mga tagapag-ensayo.
Kaakibat nito, pinagtuunan din ng pansin ni Coach Laniog ang kalagayang-kaisipan ng kaniyang mga manlalaro upang mapanatili ang kanilang pokus sa malalaking paligsahan tulad ng UAAP. “May ginagawa kami twice a week kasi nga nag-pandemic maraming tinamaan sa mental aspect nila. Binibigyan talaga namin ng enough time to meditate,” pagbabahagi ni Coach Laniog sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).
Daing man ang bawat hirap at pagod, naniniwala si team captain Vince Maglinao na magbubunga ang bawat sakripisyo na kanilang ibinubuhos sa pag-eensayo. Sa panayam ng kapitan kasama ang APP, ibinahagi niyang malaki rin ang naging gampanin ng kanilang masugid na paghahanda at pagpapanatili ng disiplina sa katawan upang makamtan ang kanilang mga hangarin bilang isang koponan.
Pag-ahon sa kalbaryo
Sa mundo ng volleyball, mahalagang mapanatili ang komposisyon ng bawat manlalaro bilang susi ng pagkakaisa. Ibinahagi ni Coach Laniog na nagsisilbing tulay ang kanilang pag-eensayo bilang isang grupo upang mas tumibay pa ang kanilang samahan. “Individually maganda skill ng players, pero sa chemistry sa loob [ng kort] doon talaga kami kinapos,” giit ni Coach Laniog.
Dumaan sa matinding pagsubok ang Green Spikers nang ipatupad ang online training bunsod ng pandemya. Ayon kay Maglinao, mahigit limang buwan lamang ang kanilang naging paghahanda bago sumalang sa entablado ng UAAP. Kinulang man sa panahon, hindi ito naging rason upang mawalan ng pag-asa ang koponan.
Nagkaroon din ng malaking pagbabago sa koponang Berde at Puti matapos madagdagan ng mga bagong alas. Kaakibat ng pagpasok ng mga panibagong manlalaro ng Green Spikers, nagsilbi itong oportunidad upang paigtingin ang paghahanda sa torneo. Bukod pa rito, hindi lamang nadagdagan ng mga dekalibreng atleta ang koponan bagkus, naging badya ito ng panibagong kabanata para sa kanilang kampanya.
Paghasa ng panibagong pag-asa
Malinaw sa alaala ng Green Spikers ang kanilang naging pagkukulang sa nagdaang Season 85 matapos yumukod sa stepladder semifinals kontra Far Eastern University Tamaraws. Gayunpaman, pinanghawakan nila ang pagkatalong ito bilang motibasyon upang umabante sa kanilang susunod na ekspedisyon bilang isang mas matatag na koponan.
Bunsod nito, malugod na ibinahagi ni Coach Laniog ang kanilang mga paghahandang isinasagawa para sa susunod na season ng UAAP. Bukod sa mga nakagawiang ensayo, isiniwalat ng tagapagsanay ang kanilang planong pagsali sa mga One Day League (ODL). Binigyang-katwiran ni Coach Laniog na isang mabilis na paraan upang makapagpundar ng mas solidong karanasan ang pagsuong sa mga ODL ng Green Spikers bago muling sumabak sa UAAP.
Sa kabila ng pagkalagas ng dalawang pangunahing miyembro ng Green Spikers sa presensya nina Season 85 2nd best middle blocker Billie Anima at setter Paul Serrano, tinitiyak ni Coach Laniog na hindi ito hahadlang sa kanilang pagpasok sa Season 86. Ibinunyag ng beteranong coach ang pagsama ng apat na blue chip recruits upang mas paigtingin ang kampanya ng koponan. “We’re targeting na mas maiangat pa, from 4th to 3rd, 2nd o sa championship,” pagtatapos ni Coach Laniog.
Taos-pusong pasasalamat naman ang ipinarating ng koponan para sa suporta ng pamayanang Lasalyano. Hinahangad ng koponan ang patuloy na pagtangkilik ng komunidad habang bitbit ang kanilang pangakong maiangat pa ang Pamantasan sa larangan ng volleyball. “Sobrang thankful kami kasi roon kami humuhugot ng lakas kapag naglalaro kami, kapag nakikita namin talaga na may nanonood sa games namin,” nagagalak na pahayag ni Maglinao.
Sa pagpatak ng panibagong kabanata para sa koponan, tinatayang isang malaking pagkakataon ito upang mas magliyab ang samahan ng grupo. Sa kabila ng pagkakadapa, buong-tapang na babangon ang Green Spikers upang tuluyang gisingin ang umusbong na pag-asa patungo sa pagkamit ng gintong medalya sa susunod na season ng UAAP.