NAAPULA ang ningas ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa mapanlinlang na bagwis ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 87-80, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Adamson Gym, Oktubre 4.
Nagpasiklab si Lady Archer Luisa San Juan ng 29 na puntos matapos kumayod ng pitong tres mula sa kaniyang 15 pagtatangka sa labas ng arko. Umagapay naman sa opensa ng Taft-based squad si point guard Luisa De La Paz bitbit ang 14 na marka. Sa kabilang banda, itinanghal na Player of the Game si Blue Eagle Junize Calago matapos pumoste ng 22 puntos, 10 rebound, at anim na assist.
Nakipagpatintero naman si shooting guard Lee Sario sa depensa ng mga agila sa pagbubukas ng unang kwarter matapos kumamada ng dos, 4-5. Pinagpatuloy ni small forward San Juan ang pagratsada ng koponang Berde at Puti nang tumirada sa labas ng arko, 13-10. Sa huling minuto, muling nagsumite ng tres si San Juan ngunit agad itong sinundan ng jump shot ni Blue Eagle Kacey Dela Rosa upang isara ang nasabing yugto, 23-19.
Tuloy-tuloy na sinalanta ng La Salle ang Loyola-based squad nang magpaulan ng nagbabagang tres sina Lady Archer De La Paz at San Juan sa unang tatlong minuto ng ikalawang kwarter, 31-21. Gayunpaman, nagpalitan ng tirada sina Blue Eagle Calago at DLSU power forward Bettina Binaohan nang isalampak ang kanilang mga paa sa three-point line, 34-28. Subalit, pursigidong kumayod sina Jhazmin Joson at Ylyssa Eufemiano upang makapagtala ng abante para sa Ateneo, 38-39.
Dikdikang sagupaan ang bumalandra sa ikatlong kwarter matapos idikit ni Dela Rosa ang laban nang makaukit ng puntos sa loob, 44-43. Sinagot naman ito ng bumubulusok na tira ni Dela Paz sa labas ng arko upang muling idikit ang bakbakan, 47-46. Nanahimik naman ang kababaihan ng Taft dahilan upang ganap na lumamang ang Blue Eagles, 49-53. Muling nagpakawala si San Juan ng mainit na tres sa nalalabing segundo ng bahagi, 53-52. Bunsod ng momentum, bumida sa free-throw line si Lady Archer Bernice Paraiso upang itabla ang iskor sa pagtatapos ng naturang kwarter, 53-all.
Tangan ang hangaring muling magtala ng kalamangan sa huling yugto ng regulasyon, nagsumite ng dalawang puntos si Paraiso sa loob ng arko, 55-all. Kaagad naman itong pinasawalang-bisa nina Joson at Sarah Makanjuola matapos magpakitang-gilas ng 5-0 run para sa Loyola-based squad, 55-60. Gayunpaman, umarangkada ng tres si Lady Archer San Juan upang tapyasin ang abante ng mga agila sa dalawa, 70-72. Hindi naman nagpatumpik-tumpik pa si Lady Archer Paraiso nang magrehistro ng dalawang puntos mula sa free-throw line upang bitbitin ang tapatan sa overtime, 72-all.
Kaagad na rumagasa ng dalawang marka sa loob ng paint si Blue Eagle Sandra Villacruz pagdako ng overtime, 72-74. Nanatili sa kababaihan ng Loyola Heights ang kalamangan matapos ang malinis na tirada ni Calago mula sa nagmintis na free throw, 76-80. Hindi naman nagpatinag si Lady Archer San Juan at rumatsada ng isang turnaround fade away, 80-82. Sa kabila ng tangkang paghahabol, tuluyang sumuko ang Berde at Puting pangkat sa kanilang karibal sa pagtatapos bakbakan, 80-87.
Bunsod ng pagkatalong ito, nanatiling mailap ang panalo sa hanay ng Lady Archers matapos lumapag sa 0-2 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, makahaharap ng Taft mainstays ang mababangis na University of Santo Tomas Golden Tigresses ngayong darating na Linggo, Oktubre 8, sa ganap na ika-1 ng hapon sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga Iskor:
DLSU 80 – San Juan 29, Dela Paz 14, Binaohan 9, Paraiso 9, Sario 8, Mendoza 6, Villava-cua 3, Delos Reyes 2, Bacierto 0, Bojang 0, Catalan 0.
ADMU 87 – Calago 22, Dela Rosa 14, Makajuola 13, Joson 11, Solis 9, Cancio 7, Villacruz 6, Eufemiano 3, Gastador 2, Angala 0.