YUMUKOD ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra defending champions Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 72-77, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 4.
Nanguna para sa Green Archers si Kevin Quiambao matapos pumoste ng 17 puntos, 13 rebound, at pitong assist. Umagapay rin si point guard Evan Nelle nang makapagtala ng 15 puntos, tatlong rebound, at tatlong assist. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Player of the Game Kai Ballungay ang Loyola-based squad matapos magsumite ng 18 puntos, 16 na rebound, at apat na assist. Tumulong din si Blue Eagle Chris Koon at Ateneo rookie Mason Amos matapos magsumite ng pinagsamang 31 marka.
Nagbabagang opensa mula sa dalawang koponan ang nasaksihan sa pagbubukas ng unang kwarter. Bagamat nahirapang malusutan ang bagsik ng Blue Eagles, bumawi si DLSU shooting guard Earl Abadam matapos umarangkada sa labas ng arko, 6-11. Mabilis namang rumesponde ang Loyola-based squad nang paigtingin ang kanilang depensa. Bunsod nito, nangibabaw ang puwersa ng mga agila sa naturang kwarter matapos humirit ng isang buzzer beater shot si Blue Eagle Sean Quitevis, 23-25.
Kaagad na nagbitaw si Koon ng tira mula sa labas ng arko upang palobohin ang kalamangan ng Blue Eagles pagdako ng ikalawang kwarter, 23-28. Bitbit ang hangaring burahin ang kalamangan, umarangkada si Green Archer Nelle sa bisa ng isang layup kaakibat ang foul, 26-28. Sa natitirang limang minuto ng yugto, nagpakawala si Quiambao ng tres upang itabla ang talaan, 31-all. Kasabay ng solidong depensa, hindi na nagpapigil pa ang Green Archers matapos magpaulan ng mga tirada upang ungusan ang kalalakihan ng Loyola, 38-36. Samakatuwid, sinelyuhan ni CJ Austria ang naturang kwarter mula sa free-throw line, 39-37.
Nagpakawala ng limang puntos si Blue Eagle Joseph Obasa sa pagbubukas ng ikatlong yugto, 39-42. Dikdikang pagpuntos naman ang ibinuwelta ng parehong koponan dulot ng ilang mga free throw. Gayunpaman, ipinamalas ng DLSU ang kanilang mabangis na depensa matapos itulak ang Blue Eagles na magtala ng shot-clock violation. Bunsod nito, sinamantala ni Green Archer Nelle ang momentum matapos ang isang floater at dalawang free throws, 54-47.
Sa pagpasok ng huling bahagi ng tapatan, nagsagutan ng apat na lumalagablab na tres sina Amos at Quiambao, 67-70. Mas pinatibay na momentum ang naging atake ng kalalakihan ng Loyola Heights nang umalagwa ng isang nakagigimbal na dunk si Quitevis, 67-71. Sinubukan mang pababain ang kalamangan ngunit bigong makaukit ng unang panalo ang mga nakaberde kontra sa kanilang mga karibal, 72-77.
Bunsod ng pagkatalong ito, bitbit ng Green Archers ang 1-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susunod namang kahaharapin ng DLSU ang University of Santo Tomas Growling Tigers sa darating na Sabado, Oktubre 7, sa ganap na ika-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mga iskor:
DLSU 72 – Quiambao 19, Nelle 15, Abadam 11, Nonoy 9, Austria 5, Cortez 4, Manuel 3, Nwankwo 3, B. Phillips 3, M. Phillips 2, David 0, Escandor 0, Gollena 0.
ADMU 77 – Koon 19, Ballungay 18, Amos 12, Obassa 11, Brown 8, Espinosa 5, Lazaro 2, Quitevis 1, Chiu 1, Credo 0, Bongo 0, Nieto 0, Gomez 0.
Quarter scores: 23-25, 39-37, 54-47, 72-77