NASINDAK ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa tangkad at tikas ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 68-75, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 1.
Pinangunahan ni Lady Archer Ann Mendoza ang opensa ng Taft mainstays matapos pumoste ng double-double na 23 puntos at 10 rebound. Sa kabilang banda, hinirang namang Player of the Game si Lady Tamaraw Josee Kaputu tangan ang 27 marka, siyam na rebound, at tatlong assist.
Marupok na mga kalasag ang itinambad ng Taft-based squad matapos ang maagang pananalasa nina Lady Tamaraws Queenie Aquino at Jamerin Delos Santos sa unang kwarter ng sagupaan, 0-8. Gayunpaman, nagpumiglas ang opensa ng Berde at Puting koponan nang magpakitang-gilas si Mendoza ng pull up jump shot na kaagad sinundan ni Bettina Binaohan ng umaatikabong tirada mula sa kaliwa, 9-19. Subalit, tuluyang nasilaw ang DLSU sa kinang ng korona ni Tamaraw Kaputu nang isalaksak ang bola sa huling minuto ng laban, 15-24.
Tangan ang hangaring makabawi, matagumpay na nagsumite ng dalawang puntos si Lady Archer Mendoza sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, 18-27. Sa kabila ng paghahabol, nalimitahan pa rin sa pitong puntos ang opensa ng Taft-based squad sa pagpatak ng ikaapat na minuto, 25-36. Gayunpaman, unti-unting tinapyasan ng DLSU ang kalamangan ng Morayta-based squad matapos kumayod ng 7-2 run sa bisa ng mga tira ni Bernice Paraiso mula sa labas ng arko sa pagtatapos ng naturang kwarter, 33-42.
Pagdako ng ikatlong kwarter, umiba ang timpla ng bakbakan matapos paigtingin ng kababaihan ng Taft ang kanilang depensa. Sinundan pa ito ng kapit-bisig na pag-arangkada sa loob nina Lee Sario at Luisa Dela Paz upang mahabol ang Berde at Gintong koponan, 39-44. Bagamat nagyelo na ang momentum ng FEU, agad naman itong binasag ni Kaputu nang kumamada ng isang fastbreak layup, 43-50. Hindi nagpadaig ang Lady Archers ngunit tuluyang nagising ang diwa ng Lady Tamaraws upang masilakbong tapusin ang kwarter, 46-55.
Nagpatuloy ang ragasa ng Lady Tamaraws nang magpakawala ng dalawang tirada sa labas ng arko sina Honey Casingal at Aquino sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter, 46-61. Gayunpaman, umalab ang Animo Spirit nina Luisa San Juan, Angel Villava-Cua, at Binaohan matapos bumulusok ng nagbabagang 8-0 run upang pagdikitin ang bakbakan, 54-61. Hindi rin nagpadaig si Mendoza sa tindi ng Morayta-based squad matapos umarangkada ng sunod-sunod na tirada sa paint, 64-70. Sa nalalabing oras, hindi na nagpatumpik-tumpik ang FEU na tuldukan ang sagupaan nang ipamalas muli ni Kaputu ang kaniyang bagsik sa loob ng arko, 68-75.
Bunsod ng pagkatalong ito, bigong makamtan ng Lady Archers ang unang panalo sa naturang torneo. Samantala, susubukang makapag-uwi ng buena manong panalo ng kababaihan ng Taft kontra sa kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles ngayong darating na Miyerkules, Oktubre 4.
Mga Iskor
DLSU 68 – Mendoza 23, Villava-cua 10, Dela Paz 9, Binaohan 7, Sario 7, Paraiso 6, San Juan 5, Bojang 1, Bacierto 0, Delos Reyes 0
FEU 75 – Kaputu 27, Aquino 13, Delos Santos 10, Manguiat 9, Nagma 5, Salvani 4, Caringal 3, Ong 2, Paras 2, Lopez 0, Dela Torre 0, Del Prado 0, Cabahug 0, Antonio 0
Quarter scores: 15-24, 33-42, 46-55, 68-75