PINABAGSAK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 87-76, upang makamtan ang unang panalo sa kanilang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 1.
Pinangunahan ni UAAP Season 85 Rookie of the Year Kevin Quiambao ang kampanya ng Green Archers matapos magsumite ng 14 na puntos, 14 na rebound, at tatlong assist. Nag-ambag din si DLSU point guard Evan Nelle ng 15 puntos, 12 assist, at walong rebound. Sa kabilang panig, nanguna si Xyrus Torres para sa FEU Tamaraws nang pumukol ng 19 na puntos, apat na rebound, at assist. Kaagapay niya sa pagbuhat ng opensa si Jorick Bautista na umukit ng 12 puntos, limang rebound, at dalawang assist.
Maagang kumamada ang Green Archers sa unang kwarter nang magtala ng puntos sina Mike Phillips at Francis Escandor sa loob ng paint, 6-2. Nagpakawala naman ng dalawang magkasunod na marka sina Tamaraw James Tempra at LJ Gonzales upang itabla ang sagupaan, 6-all. Sa kabila nito, nagpasiklab sa labas ng arko sina Mark Nonoy at Nelle, 18-14. Sinubukan pang tapyasan ng dalawang free throw ni Gonzales ang bentahe, ngunit nagbitiw ng fastbreak si CJ Austria upang tuldukan ang unang yugto, 24-19.
Sa pagpasok ng ikalawang kwarter, giniba ni Patrick Sleat ang depensa ng Berde at Puting koponan nang ibaba sa dalawa ang bentahe ng Taft-based squad, 24-22. Mabilis namang kumana ng puntos si Nonoy mula sa umaatikabong layup at tirada sa labas ng arko, 29-22. Samakatuwid, napanatili ng Green Archers ang siyam na markang kalamangan sa kabila ng dikit na palitan ng puntos ng magkabilang koponan sa pagtatapos ng naturang kwarter, 48-39.
Binuksan ni M. Phillips ang ikatlong yugto ng tapatan nang matagumpay na ipasok ang dalawang free throw, 50-39. Sinundan naman ito ng mabisang fastbreak layup ni Nelle upang lalong palobohin ang kalamangan ng Taft-based squad, 54-41. Patuloy na nagpakitang-gilas si Nelle matapos magpakawala ng tirada sa arko, 61-43. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang kalalakihan ng Taft at winakasan ang kwarter sa bisa ng layup ni Jcee Macalalag, 67-55.
Naging mainit ang bakbakan ng dalawang koponan sa pagsapit ng huling yugto ng laro matapos magpalitan ng nagbabagang tira sina Ben Phillips at Gonzales, 69-60. Subalit, naghingalo ang momentum ng Tamaraws nang magpakitang-gilas si Quiambao bunsod ng side step at drive, 77-60. Gayundin, sa huling isang minuto at 24 segundo ng laro, nagpakita ng nag-aalab na alley-oop sina Quiambao at M. Phillips, 84-73. Hindi na nagpapigil pa ang Taft-based squad at tuluyang hinablot ang buena manong tagumpay, 87-76.
Bunsod ng panalong ito, napasakamay ng Green Archers ang 1-0 panalo-talo baraha. Samantala, makahaharap naman ng Berde at Puting pangkat ang kanilang karibal na Ateneo de Manila University Blue Eagles ngayong darating na Miyerkules, Oktubre 4, sa ganap na ika-6 ng gabi.
Mga Iskor:
DLSU 87 – Nelle 14, Quiambao 14, M. Phillips 13, Austria 12, Escandor 11, Nonoy 8, B. Phillips 4, Abadam 2, Manuel 2, Nwankwo 2, Policarpio 2, Macalalag 2, David 0, Gollena 0.
FEU 76 – Torres 19, Bautista 12, Sleat 11, Gonzales 9, Anonuevo 8, Alforque 4, Ona 4, Bagunu 3, Faty 2, Tempra 2, Competente 2. Quarter scores: 24-19, 48-39, 67-55, 87-76