NAGHARI ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers matapos patulugin ang mababangis na University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers sa loob ng apat na set, 25-22, 27-29, 29-27, 25-18, sa game 2 ng best-of-three finals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 29.
Itinanghal na Player of the Game si DLSU outside hitter Noel Kampton matapos magpasiklab ng 22 puntos mula sa 21 atake at isang service ace. Umalalay rin sa opensa si team captain JM Ronquillo tangan ang 21 puntos. Sa kabilang banda, tumirada naman ng 27 marka si Most Valuable Player (MVP) Josh Ybañez upang pangunahan ang pinal na kampanya ng Golden Spikers.
Maagang kumayod ang Green Spikers sa unang bahagi ng sagupaan sa bisa ng atake ni open hitter Vince Maglinao mula sa kaliwa, 9-2. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Taft-based squad nang malugod na tanggapin ni Kampton ang regalo mula sa mga tigre, 14-8. Tangan ang momentum, malayang nagpakawala ng crosscourt hit si Maglinao, 20-17. Tuluyang naudlot ang tangkang paghahabol ng Golden Spikers nang tipakin ni Best Opposite Hitter Ronquillo ang atake ni Ybañez, 25-22.
Naghikahos naman ang Taft-based squad pagdako ng ikalawang set matapos yanigin ng UST ang kanilang depensa, 11-16. Subalit, agad namang nakabangon sa lusak ang mga nakaberde nang magpamigay ng libreng puntos ang Golden Spikers, 21-22. Naitabla pa ng Green Spikers ang talaan nang magpasabog ng umaatikabong atake si Kampton, 27-all. Gayunpaman, hindi naging sapat ang pagkayod ng Taft mainstays matapos magtala ng magkasunod na error, 27-29.
Gitgitang salpukan ang namutawi sa umpisa ng ikatlong set nang magpasabog ng down- the-line hit si Golden Spiker Ybañez, 7-all. Gayunpaman, hindi nabahala ang kalalakihan ng Taft sa pagratsada ng mga tigre matapos lampasuhin ng combination play ni Maglinao ang zone 6, 16-12. Hindi napigilan ang opensa ng Green Spikers nang pagtibayin ng Ronquillo-Nath Del Pilar tandem ang pader ng Taft, 28-27. Tuluyang pinana ni Maglinao ang España-based squad matapos kumamada ng atake upang wakasan ang naturang set, 29-27.
Binuksan ni Finals MVP Kampton ang ikaapat na set gamit ang manipis na crosscourt attack upang bitbitin sa tatlong puntos na angat ang Taft mainstays, 8-5. Matagumpay namang naisagawa ng Berde at Puting koponan ang 5-0 run bunsod ng atake ni Maglinao mula sa kaliwa, 15-7. Bunsod nito, tuluyang sumilay sa hanay ng Green Spikers ang tagumpay nang tuldukan ni middle blocker Del Pilar ang sagupaan, 25-18.
Samakatuwid, napasakamay ng kalalakihan ng Taft ang gintong medalya dala-dala ang 2-0 panalo-talo kartada sa serye. Samantala, hinirang ding Best Setter si DLSU playmaker Gene Poquita at Best Libero si Menard Guerrero sa naturang torneo.