NANGULILA ang mga residente ng Brgy. Cembo at West Rembo nang magbago ang kanilang nakasanayang pamumuhay matapos kamakailang mapabilang ang kanilang Enlisted Men’s Barrio (EMBO) sa lungsod ng Taguig. Hatid ng pagpalit ng pamumuno ang pag-aalinlangan ng mga dating Makatizen sa kanilang natatanggap na benepisyo at hindi tiyak na kapalaran sa ilalim ng panibagong pamunuan. Higit pa rito, pinagtatalunan ng dalawang lungsod ang takdang pagmamay-ari ng mga pasilidad sa mga bagong sakop na lugar. Sa kasalukuyang mainit na tensyon, naiipit ang mga mamamayan sa gitna ng agawan.
Dekada nobenta nang magsimula ang labanan sa korte ng Makati at Taguig ukol sa agawan ng teritoryo, partikular na ang mga EMBO at ang Bonifacio Global City (BGC) na dating bahagi ng Fort Bonifacio Military Reservation. Sa matinding hidwaang hukuman, nakamit ng lungsod ng Taguig ang panalo nitong 2023.
Gayunpaman, hindi pa lubos na nagwawagi ang bandila ng Taguig sa mga bagong sakop na EMBO sapagkat nananatiling lamang sa mga puso ng mga dating Makatizen ang magiting na pamamahala ng Makati. Sa gitna ng matinding tunggalian, nadadamay sa alitan ang mga naninirahan.
Kasaysayang daloy ng alitan
Paglipas ng panahon, mas lalong naging masalimuot ang alitan sa pagitan ng Makati at Taguig dahil sa maraming aspektong nagdulot ng komplikasyon. Kinapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Rod*, dating propesor ng kasaysayan mula sa Mapua University, upang mabigyang-linaw ang naging daloy ng kasuhan.
“Ang agawan ng teritoryo ay naging complex na kasi halo-halo na ang historical, legal, economic at political circumstances dito,” pagbibigay-diin ni Rod. Kasama na rito ang larangan ng kasaysayang kabilang sa pangunahing batayan ng pag-angkin.
Nagsimula ang halos tatlong dekadang labanan sa hukuman noong 1993 nang maghain ng territorial dispute ang Taguig sa motibong angkinin ang Fort Bonifacio Military Reservation at ang mga bahagi ng Parcel 3 at 4 sa ilalim ng Psu-2031. Nabibilang sa mga parsel ang mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside, at Post Proper Southside. Gamit ang nasabing survey map, nakasaad ditong kabilang ang mga EMBO at ang Fort Bonifacio sa lalawigan ng Taguig.
Ipinaglalaban ng Taguig na matatagpuan sa ilalim ng hurisdiksyon ng kanilang lungsod ang mga nasabing pook sa pamamagitan ng paglalahad ng mga ebidensya tulad ng kanilang pangunahing armas—ang Psu-2031. Kaugnay nito, maraming mga proklamasyon, lokal na pamahalaan, pangrehiyong hukuman, at mga ahensya ng pamahalaang gumagamit sa naturang mapa. Sa katunayan, noong 1992, itinatag ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na nagsilbing pangunahing mapa ang Psu-2031.
Pinabulaanan naman ito ng Makati sa pamamagitan ng paglalahad ng ilang mga ebidensya tulad ng mapang likha ni Engr. Francisco Almeda, Jr. Pinagtitibay ng mapang ito ang ideyang bahagi ng Makati ang mga pinagtatalunang teritoryo. Bukod pa rito, sa pagpirma ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ng Presidential Decree No. 557, mas pinalakas nito ang pag-angkin ng Makati sapagkat kinikilala nito ang mga nasabing pook bilang barangay. Nagsilbi ring patunay ang dokumentong ito sa politikal na partisipasyon ng mga lugar. Higit pa rito, pinatutunayan ng mga census ng National Census and Statistics Office na matatagpuan ang mga EMBO sa lalawigan ng Makati.
Lumipas ang ilang dekadang kasuhan, umusbong ang tagumpay ng Taguig noong Disyembre 2021. Sa resoluyong inilabas ng Korte Suprema ukol sa tunggalian, nakasaad na napasasailalim ang Fort Bonifacio at ang sampung EMBO sa hurisdiksyon ng Taguig. Naghain ng petisyon ang Makati kontra sa desisyong ito, ngunit tiniyak na mas malakas ang bisa ng Psu-2031 kompara sa mga likhang mapa ng Makati. Ipinasyang labag sa Konstitusyon ang mga pahayag ng Makati sa kadahilanang walang ginampanang tungkulin ang plebisito.
Pinal man ang pasyang ibinaba ng Korte Suprema (SC), patunay itong magkaiba ang pagkapanalo sa papel at pagkapanalo sa realidad. Kumiling man ang batas sa Taguig, nananatiling Makati pa rin ang sigaw ng puso ng mamamayan ng mga bagong sakop na barangay.
Sagupaan ng dalawang Goliat
Bistado sa marami na dalawang marangyang higante ang Makati at Taguig. Bilang tahanan ng mga distrito ng negosyo, tinatagurian ang dalawang lungsod bilang ilan sa pinakamayaman sa bansa. Gayunpaman, sa konteksto ng pamamahala, mas kilala sa magiting na pamamalakad ang Makati dahil sa mga inihahandog nitong proyekto. Ngayong nasa kamay na ng Taguig ang mga EMBO at BGC, nangangamba si Makati Mayor Abby Binay sa kakayahan ng Taguig na pantayan ang kanilang nagdaang pamamalakad.
Nitong Hulyo, malugod na sinalubong ni Taguig Mayor Lani Cayetano ang kaniyang mga responsibilidad bilang tagapamalakad ng BGC at ilang mga EMBO. Alinsunod dito, nagpanukala ang lungsod ng Taguig ng “joint transition team” upang mas maayos at mapabilis ang paglipat ng higit 300,000 residente.
Gayunpaman, inihayag din ni Binay na sila pa rin ang nagmamay-ari ng mga pasilidad na bagong sakop ng Taguig sapagkat naglaan sila ng bilyon-bilyong piso sa pagpapatayo ng mga naturang gusali. Kasama na rito ang University of Makati, ilang barangay hall, 14 na pampublikong paaralan, at mga ospital. Kanilang ipinaglalabang hindi maaaring angkinin ng Taguig ang kanilang pinaglaanan ng perang bayan.
Higit pa rito, may sari-sariling naratibo ang bawat lungsod na salungat sa isa’t isa. Nitong Agosto, nagsagawa ang Taguig ng Brigada Eskwela sa Makati Science High School at sa Fort Bonifacio nang walang writ of execution, isang legal na dokumentong nagpapatupad ng paglipat ng isang ari-arian bilang bunga ng isang pasiyang hudisyal. Dahil dito, nagbabalak ang Makati na kasuhan ang Taguig. Bilang pagtutol, inihayag ng Taguig na pinal ang ibinabang resolusyon ng SC at hindi na kakailanganin ang writ of execution sa Office of Court Administrator.
Nananalaytay ang pagdududa ng alkalde ng Makati sa kakayahan ng Taguig na sustentuhan ang panibago nitong teritoryo. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panliligaw ng alkalde ng Taguig sa kaniyang mga panibagong kinasasakupan.
Pinsalang hatid ng tunggaliang panteritoryo
Sa tuluyang pagtatalo, damang-dama ng mga residente ang mga kahihinatnan ng alitan. Dala ng hidwaang ito ang malaking pagbabago sa kanilang kinagisnang lugar. Tila mag-iiba ang kanilang nakasanayang buhay nang mapalitan ang kanilang nakasanayang alkalde.
Kabilang na rito si Shirley Jaluwin, isang tindera sa Brgy. Cembo Talipapa at 37 taon nang residente ng naturang barangay. Inihayag ni Jaluwin sa APP na nakatatanggap siya ng iba’t ibang benepisyo tulad ng gamot, ayudang pera, at malalaking diskwento sa mga bayarin sa ospital mula sa pamunuan ng lungsod ng Makati.
“Pinakamaganda is ‘yung mga gamot talaga, dinedeliver dito sa’min. Umabot ng mga milyon ang aming bill pero gawa ng mga card na bigay—’yung blue, white, yellow, nasa 200 (na libo) na lang ang binayaran namin. ‘Yung mga gamot din pati’y libre. ‘Yun talaga maganda kay (Mayora) Abby, binibigay lahat,” pawari ni Jaluwin.
Kasama sa mga nakikinabang sa mga insyatiba ng Makati si Yolanda Soliven, isang nanay mula sa West Rembo na ipinagmamalaki ang mga natatanggap ng kaniyang pamilya kada-taon. Kaniyang ipinaliwanag sa APP na tuwing pasukan, hinahandugan sila ng LGU ng kagamitang pang-eskuwela, mula sa mga libro hanggang sa mga damit. Laking gulat din ng residente na mamahalin ang ayudang sapatos. Iginiit niya ang kaniyang nararamdamang pagkabalisa sa kalagitnaan ng alitan.
Alinsunod sa mga benepisyong inihandog ng pamahalaan ng Makati, tumatatak sa isipan ng mga mamamayan ang pagkawala nito sa pag-upo ng panibagong alkalde. Ani Soliven, “Halos lahat kami dito, stressed talaga, super. ‘Di namin matanggap eh. ‘Yung puso namin sa Makati na eh, na kay Mayora na. Kung si Mayor (Cayetano) naman, pano na kami?”. Sa pagpapalit ng bagong alkalde, tumatanto sa mga mamamayan ang pagdadalawang-isip sa kakayahan ng kanilang bagong alkalde. Pahayag ni Soliven, malabong matapatan ng bagong alkalde ang dating pamumuno ni Mayor Binay. Kaniyang binigyang-diin ang serbisyo nito sa Makati, partikular sa sektor ng edukasyon.
Malinaw sa kanilang mga emosyong ipinahiwatig na hindi nila matanggap ang mga kaganapan sa politika. Sa gitna ng pag-aalala at pangangamba, nagiging mas mahalaga ang kanilang tungkulin bilang mga mamamayan na maging modelo, magkaroon ng boses, at maging bahagi ng solusyon.
Kapalarang walang katiyakan
Hatid ng tensyon ang pag-aalala ng mga residente ukol sa kanilang kinabukasan. Bunga ng biglaang pagpalit ng lokal na pamahalaan ang samu’t saring tanong ng mga mamamayan hinggil sa kanilang inaasahang benepisyo. Napasakamay man ng Taguig ang mga pinag-aagawang barangay, bitbit din nito ang pagkupas ng matiwasay na pamumuhay ng mga residente.
Naiipit ang mga mamamayang nais lamang makipagsapalaran sa araw-araw sa kalagitnaan ng alitan ng dalawang higanteng lungsod. Sa magulong politikal na klima tungo sa mga hindi magkasundo-sundong hangarin, malabong makamit ang layong pag-unlad sa ilalim ng iisang bandila.
Mababakas ang kapanglawan at kawalan ng pag-asa sa mukha ng mga dating Makatizen nang magbago ang kanilang nakasanayang buhay. Sa kinabukasang walang katiyakan, walang takas sa kanilang haharaping tiyak na mapaghamong kapalaran.