USG President Brotonel, ibinida ang mga naisakatuparang proyekto sa State of Student Governance

mula DLSU USG

MASAYANG IBINAHAGI ni University Student Government (USG) President Alex Brotonel sa inilunsad na kauna-unahang State of Student Governance ngayong A.Y. 2023-2024 ang mga naisakatuparang programa at nakabinbing proyekto ng kanilang opisina, Setyembre 13 sa Amphitheater. Matatandaang pinalawig ang panunungkulan ng kasalukuyang USG kaugnay ng pagkansela sa General Elections 2023.

Pagtaguyod sa mga proyektong ipinangako ng OPRES

Nagbalik-tanaw si Brotonel sa mga pagsubok na kinaharap ng kaniyang administrasyon at ipinagmalaking hindi nila inurungan ang mga ito. Aniya, tuluyan nilang ipinaglaban ang mga platapormang kanilang ipinangako bago maupo sa puwesto at manungkulan.

Inilatag ni Brotonel na namigay ang USG ng suportang pangtransportasyon at pagkain sa mga needs-based na iskolar ng Pamantasan. Nakapamahagi sila ng 52 food stubs na nagkakahalaga ng diskwentong Php50 sa Perico’s Canteen. Pinahapyawan din niyang halos apat na raang estudyante ang nabigyan ng beep card. Naglalaman ng Php1500 ang mga card na ipinamahagi sa mga iskolar, samantalang Php200 naman para sa 277 ordinaryong Lasalyano. 

Ipinagmalaki rin ni Brotonel ang malawakang kampanya ng Pride Celebration nitong Hunyo. Isinagawa ang mga aktibidad tulad ng Pride Light nitong Hunyo 1 at Pride March nitong Hunyo 14 sa facade ng St. La Salle Hall. Aniya, nakatataba ng pusong matunghayan na nakaramdam ng kaligtasan sa Pamantasan ang mga miyembro ng LGBTQIA+.

Kaugnay nito, inilunsad din ang resolusyong nagbibigay-pahintulot sa mga estudyanteng gamitin ang kanilang mga lived name at ninanais na panghalip panao sa AnimoSpace. Ibabase ang pangalan sa kagustuhan ng estudyante upang maiwasan ang “deadnaming” o ang pagtawag sa pangalang hindi na nila ginagamit. Halimbawa nito ang mga transgender na iniba ang kanilang birth name. 

Isinulong din ng administrasyon ang mga programang nakasentro sa mga estudyanteng mayroong kapansanan (PWD), kagaya ng pagpasa ng resolusyon ukol sa mga customized PWD ID lanyard. Layon nitong ipaalala sa mga Lasalyanong tumugon sa mga pangangailangan ng mga estudyanteng may espesyal na pangangailangan. Binigyang-pribilehiyo rin ng Office of the President ang mga piling PWD na maagang makapag-enlist upang madaling makakuha ng mga silid-aralan sa mabababang palapag.

Samantala, itinampok din ni Brotonel na matagumpay na nakapagsagawa ang Office of the Vice President for Internal Affairs at Office of the Vice President for External Affairs ng mga face-to-face na programa tulad ng University Vision-Mission Week at Filipino Youth Summit. 

Nakabuo naman ng iba’t ibang mga scholarship program ang Office of the Treasurer upang matugunan ang problemang dulot ng pagtaas ng matrikula sa Pamantasan. Ilan sa mga ito ang Single Parent Assistance Grant, PWD Assistance Grant, Dean’s Lister Grant, Achiever’s Grant, at Lasallian Scholar Program.

Sa kabilang banda, sinisiguro ni Brotonel na magpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyang termino ang libreng pagpapa-print sa DLSU Student Co-Operative, pamamahagi ng face mask at alcohol, at pamimigay ng DLSU booklet.

Mga inisyatibang aasahan

Layong palawigin ng USG ang pamimigay ng Adobe Creative Cloud sa mga Lasalyano dahil labing-walong estudyante pa lamang sa kasalukuyan ang nabigyan ng subskripsyon na magtatagal hanggang Oktubre 31. Bukod pa rito, ipinaalam ni Brotonel na marapat ding abangan ng mga Lasalyano ang ilulunsad na Human Immunodeficiency Virus (HIV) Testing Program at pamamahagi ng libreng columnar pad at laboratory journal. 

Gayundin, ipinapangako ng USG na sila na ang magbabayad sa ipapalit na kagamitan sakaling mayroong mabasag na aparato ang mga estudyanteng mayroong panlaboratoryong klase. Kabilang dito ang mga estudyante mula sa College of Liberal Arts, College of Science, Br. Andrew Gonzalez FSC College of Education, at Gokongwei College of Engineering.

Nagtapos sa pasasalamat sa iba’t ibang mga opisina tulad ng Security Office, Commission on Audit, at Student Leadership Involvement, Formation, and Empowerment ang naging talumpati ni Brotonel. Bukod pa rito, nangako siyang hindi tatalikuran ng USG ang kanilang responsibilidad at patuloy silang maninilbihan para sa pamayanang Lasalyano. 

“Ito na po ang aking huling termino bilang inyong USG President, kung kaya’t gusto kong humingi ng pasasalamat sa buong pamayanang Lasalyano, sa tiwala, sa mga kritisismo, at suporta na aming natanggap,” pagwawakas ni Brotonel.