Pagmulat sa bangungot ng nakaraan: Kilos-protesta, ikinasa sa DLSU bilang paggunita sa ika-51 na anibersaryo ng Batas Militar

Kuha ng Ang Pahayagang Plaridel

“Marcos panagutin, karapatan ilaban pa rin!”

MATAPANG NA NANINDIGAN ang pamayanang Lasalyano sa ikinasang kilos-protesta na naglalayong sariwain ang madugong kasaysayan ng Batas Militar sa Pilipinas, Setyembre 21. Umikot ang protesta sa Bro. Connon Hall, Yuchengco Hall, Central Plaza, St. Joseph Walk, Henry Sy Sr. Hall Grounds, Cory Aquino Democratic Space, at Velasco Hall. 

Pinangunahan ng mga progresibong grupo ang naturang kilusan na kinabibilangan ng Anakbayan Vito Cruz, Kabataan Partylist Vito Cruz, La Salle Students for Human Rights and Democracy, at University Student Government (USG). Dinaluhan din ito ng mga estudyanteng may mainit na paghahangad na ipahayag ang kanilang hinagpis para sa mga biktima ng rehimeng Marcos Sr. 

Bakas ng kahapon

Buong-lakas na nagpahayag ng suporta si Alex Brotonel, USG president, sa pagsasagawa ng protesta sa Pamantasan. Pinaalalahanan niya ang pamayanang Lasalyanong patuloy na manindigan at makiisa sa mga kilusang tutuligsa sa mga katiwalian ng kasalukuyang rehimen. 

Nagmungkahi rin si Brotonel sa mga Lasalyano na lumabas sa kanilang mga maalwang pamumuhay at gumawa ng mga aksiyong makatutulong upang putulin ang siklo ng panunungkulan ng mga Marcos. Hinimok din niya ang mga Lasalyanong gawin ang kanilang bahagi bilang kabataan na makiisa sa pagbabago at tuldukan ang katiwalian sa pamahalaan para sa susunod na henerasyon.

Pagdidiin ni Brotonel, “Kaya nga hindi tayo pwedeng manahimik dahil nakita naman natin kung ano ang ginawa ni Marcos Sr.; dapat ba na komportable pa rin tayo na alam natin na ang anak ng diktador ay nasa Malacañang na naman?”

Naniniwala si Brotonel na may pananagutan siyang iparating ang mensahe ng protesta sa buong pamayanang Lasalyano. Aniya, “I think it’s just common decency and your humanistic point of view na kailangan mo talagang tumindig, hindi porke’t 51 years ago [na] ‘to nangyari wala na ‘tong repercussions ngayon.” 

Ibinahagi ng mga nakiisa sa protesta ang nag-udyok sa kanilang damdamin na sumali sa nangyaring kilusan. Ayon kay Francis Mendoza, isa sa opisyal ng Anakbayan Vito Cruz, hindi lamang ginugunita ng protesta ang anibersaryo ng Batas Militar dahil inaalala rin nito ang mga naging paglabag sa karapatang pantao noong panahon ng diktadurang Marcos Sr. Maliban dito, layunin din nitong ipakita ang nangyayaring mala-de factong Batas Militar na mayroon sa ating lipunan ngayon. 

Nagbigay-halimbawa naman si Melanie Aquino, chairperson ng Anakbayan Vito Cruz, ng mga nangyayari sa lipunang may pagkakahalintulad sa panahon ng Batas Militar. Isinaad niya ang nangyaring pagdukot sa dalawang kabataang aktibista sa Bataan na sina Jonila Castro at Jhed Tamano; pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag; at pangre-red tag sa mga kabataan. 

“We are fighting for our rights. We want to raise issues. There’s disappearance[s] happening. There are people dying. . . The economy is [getting] worse.” pagdidiin ni Aquino. 

Ipinabatid naman ni Graziele Fernandez, batch president ng FAST2022, ang nagtulak sa kaniya upang makilahok at manguna sa mga programa at protesta. Naging boses ng kilusan si Fernandez gamit ang hawak niyang mikropono habang ibinibida ang inihandang kartelon. 

Paninindigan ni Fernandez, “Hindi sapat na nakiisa lang ako. . . gusto ko rin makita ‘yung sarili ko na nag le-lead. . . Hindi [tayo] titigil habang hindi [natin] nakukuha ‘yung hustisya para sa mga pamilya at para na rin sa mga kinuha ng Marcos Sr. Administration.”

Panagutin ang pasistang rehimen

Halo-halong nag-aalab na damdamin ang namayani sa mga dumalo sa protesta. Iginiit ni Aquino na isang malaking insulto para sa mga biktima ng Batas Militar ang pagbabalik ng isang Marcos sa puwesto. Ayon pa kay Aquino, isang pasistang rehimen si Marcos Sr., dahilan ng pagpapatalsik sa kaniya.

Ani naman ni Kailu Baradas, batch president ng CATCH2T26, banta sa demokrasya na Marcos muli ang namumuno sa bansa. Paglalahad pa niya, “I think that is an absolute atrocity. . . It is not good for the student body of [De La Salle University] to have the son of a dictator come back into office and into power.”

Naniniwala si Fernandez na hindi dapat sisihin ang taumbayan, bagkus iginiit niyang talamak na malakas ang makinarya ng mga Marcos at matagal na nilang pinagplanuhan ang pagbabalik sa puwesto. Ani pa niya, samu’t saring misimpormasyon, disimpormasyon, at pagbaluktot sa kasaysayan ang kanilang ginawa. Binanggit din ni Fernandez na isa pa sa dahilan ng pagbabalik ng isang Marcos ang hindi maayos na sistema ng edukasyon sa bansa. 

Sa kabila ng lahat ng ito, naniniwala ang mga estudyanteng nakidalo sa protesta na mayroon pang pag-asa. Nagtitiwala si John Vincent Abril, ID 122 mula BS Human Biology, na ang kabataan ang magsisilbing mitsa ng pagbabago upang wala nang kasunod na Marcos ang mailuluklok sa puwesto.

Panawagan din ni Aquino, “Huwag matakot. There are ways that you can help. Spread [true] information, join protests, [and] join local [organizations] that align with your beliefs.”

Nagkaroon din ng prayer vigil mula ika-6:00 hanggang ika-8:00 ng gabi sa facade ng St. La Salle Hall na naglayong magbigay ng alay at dasal sa mga bayani at biktima ng Batas Militar.

#ML51
#NeverAgainNeverForget