PINATAHIMIK ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang mabalasik na University of Santo Tomas (UST) Golden Spikers sa loob ng limang set, 25-21, 16-25, 25-21, 22-25, 15-8, sa game 1 ng best-of-three finals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 27.
Kinilala bilang Player of the Game si DLSU team captain JM Ronquillo matapos magsumite ng 19 na puntos mula sa 17 atake at dalawang block. Umalalay rin sa opensa ng Taft-based squad si outside hitter Noel Kampton matapos magpasabog ng 23 marka. Sa kabilang banda, kumamada naman ng puntos si Golden Spiker Josh Ybañez nang mag-ambag ng 23 puntos.
Dikdikang bakbakan ang ipinamalas ng magkabilang koponan sa pagbubukas ng unang set matapos magsagutan ng tirada sina Ybañez at Ronquillo, 12-11. Bunsod nito, mas pinaigting ng DLSU ang kanilang depensa sa net nang salagin ng tambalang Eric Layug at Ronquillo ang nagbabagang atake ni Ybañez, 20-19. Hindi na nagpahabol pa ang Green Spikers nang magpakawala ng panapos na atake si Ronquillo, 25-21.
Sinamantala ni UST playmaker Dux Yambao ang matamlay na depensa ng Green Spikers sa ikalawang set upang makapagtala ng service ace, 1-4. Nakahabol naman agad ang mga nakaberde matapos payungan ni DLSU setter Gene Poquita ang umaatikabong atake ni Ybañez mula sa kaliwa, 8-all. Gayunpaman, hindi na napigilan ng kalalakihan ng Taft ang pag-arangkada ng España-based squad bunsod ng off-the-block hit ni Ybañez, 13-20. Samakatuwid, tinuldukan ni Ybañez ang naturang set matapos matagumpay na tipakin ang tangkang atake ni Ronquillo, 16-25.
Nagkumahog naman ang Taft mainstays pagdako ng ikatlong set matapos maungusan ng UST sa talaan bunsod ng kanilang malapader na depensa sa net, 12-16. Gayunpaman, agad na nakadikit ang Green Spikers nang utakan ni Kampton ang blocker ng katunggali, 18-all. Sinubukan pang humirit ng España-based squad, ngunit hindi ito naging sapat nang magtala ng service error ang kanilang koponan, 24-21. Bunsod nito, tuluyang ibinulsa ng Green Spikers ang naturang set gamit ang umaatikabong atake ni Ronquillo, 25-21.
Maagang nasulot ng Golden Spikers ang kalamangan pagdako ng ikaapat na set matapos ang isang attack error mula kay open hitter Vince Maglinao, 3-6. Naidikit naman kaagad ng Berde at Puting koponan ang talaan nang utakan ni Kampton ang depensa ng kalaban gamit ang isang hulog, 9-all. Sinubukang lumamang ng mga taga-España, ngunit hindi ito umubra matapos ang rumaragasang tirada ni Kampton mula sa likod, 17-all. Gayunpaman, natuldukan ang naturang set bunsod ng palyadong service ni Jules De Jesus, 22-25.
Nagrehistro ng dalawang magkasunod na atake si Green Spiker Maglinao sa pagbulusok ng decider set, 3-1. Agad namang sumagot si Ybañez gamit ang isang crosscourt attack, 5-3. Tangan ang determinasyong manguna sa karera tungo sa korona, nagpundar ang kalalakihan ng Taft ng 7-0 run kaakibat ang off-the-block hit ni Kampton, 14-6. Tuluyang napasakamay ng Green Spikers ang tagumpay matapos ang umaalab na atake ni Kampton mula sa kaliwa, 15-8.
Bunsod ng panalong ito, matagumpay na nakamit ng Green Spikers ang 1-0 panalo-talo kartada sa serye. Samantala, masusubaybayang muli ang sagupaan ng dalawang koponan sa darating na Biyernes, Setyembre 29, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.