BINIGYANG-BUHAY ng pamayanang Lasalyano ang diwa ng katapangan sa pagpiglas at pag-alala sa ika-51 taon mula noong idineklara ang Batas Militar. Sa gitna ng lantarang pagtangkang baluktutin ang kasaysayan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., anak ng dating diktador, nakikiisa ang Pamantasang De La Salle (DLSU) sa pagsariwa ng makatotohanang naratibo ng mapaniil na rehimen.
Bahagi ng isang linggong paggunita ng Pamantasan sa Batas Militar, itinampok sa ikaanim na palapag ng Learning Commons ang pampublikong eksibisyong pinamagatang “For Democracy & Human Rights” mula Setyembre 18 hanggang 22. Inihandog ito ng Center for Youth Advocacy and Networking katuwang ang Friedrich Ebert Stiftung – Philippine Office at DLSU.
Ibinida sa eksibisyon ang naging gampanin ng mga Lasalyanong bayani at martir sa pagkamit ng kasarinlang kasalukuyang tinatamasa. Tinalakay nito mula sa pag-usbong ng ilusyong bagong lipunan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. hanggang sa mapatalsik sa puwesto ang naturang diktador. Ipinamalas sa bawat paskil at datos ang kuwento ng masalimuot na nakaraang hindi mabigyang-hustisya hanggang sa kasalukuyan.
Sandata ng mamamayan
Hindi mapagkakailang mabigat na gampanin ang paniningil ng hustisya. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Xiao Chua, isang historyador at propesor, binigyang-diin niyang tiyaga lamang sa pag-uulit ng kuwento ang tanging sandata ng sambayanan upang mapanagot ang pamilyang Marcos. Bunsod nito, patuloy na nakikibahagi ang pamayanang Lasalyano sa pagliyab ng kandila alang-alang sa mga biktima ng karahasan at pakikiramay sa mga pamilya ng mga pumanaw sa madugong yugto ng kasaysayan.
“Lalo sa ngayon na gustong lumimot ng tao, katapangan ang umalala,” iginiit ni Chua.
Mayroong katumbas na bakas ng kasaysayan ang bawat karatulang nakapaskil sa eksibisyon. Kabilang dito ang alaala ng malupit na paglabag sa karapatang pantao at pagkagahaman sa kapangyarihang nagbabalatkayong panibagong lipunang sasalba sa demokrasya. Nakatala rito ang mga pangyayaring umiral sa panahon ng diktadurang Marcos Sr., kabilang ang mga pamamaraang ginamit upang patahimikin ang mga tumutuligsa sa rehimen.
Marubdob ding binigyang-pugay ang mga Lasalyanong bayani at martyr. Kabilang dito ang aktibista, abogado, at dating patnugot ng The LaSallian na si William Tiu Chua at ang Grand Old Man of Philippine Politics na si Lorenzo M. Tañada.
Itinampok din ang ilang mga pahayag ng mga namayapang bayani bilang paggunita sa kanilang sentimyento sa gitna ng madilim na bahagi ng kasaysayan. Isa rito ang pahayag ni Jose “Ka Pepe” Diokno, tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Aniya, “And so law in the land died. I grieve for it but I do not despair over it. I know with a certainty, no argument can turn, no wind can shake. That from it, dust will rise a new and better law; more just, more human, and more humane. . .”
Tila nawala ang pag-asang makakamit ang pananagutan sa batas noong maupo si Pangulong Marcos Jr. sa puwesto. Pabatid ni Chua, “Kung hindi natin sila mapanagot sa batas, mapanagot man natin sila sa kasaysayan.” Kaya naman, mananatiling masigasig ang mapagpalayang sigaw ng mga Lasalyano. Patuloy na maniningil ang sambayanan sa pamamagitan ng walang kasawaang pagbuklat ng mga pahina mula sa madilim na kabanata ng kasaysayang Pilipino.
Katapangan ng kabataan
Noon pa man hanggang ngayon, mababakas ang katapangan ng kabataan sa patuloy na pakikilahok sa iba’t ibang aktibidad na nagbibigay-buhay sa alaala ng Batas Militar. Kabilang na rito ang pagsama sa martsa sa EDSA at ang taon-taong pag-oorganisa at pagsasaayos ng mga eksibisyon upang alalahanin ang kabayanihan ng mga Lasalyanong umanib sa pag-aalsa.
Sa panayam ng APP kay Dinah*, isang estudyante ng Political Science sa DLSU, isinaad niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng eksibisyon para maimulat ang mata ng mga Lasalyano sa dahas na hinarap ng mga Pilipino sa ilalim ng diktadurang Marcos Sr. Iginiit din niyang isang paalala ang eksibisyon na nangyari ang Batas Militar dahil sa kasakiman ng mga namuno sa bansa.
“Hindi dapat tayo maging kampante sa kasalukuyang sitwasyon ng ating bansa dahil mayroon pa ring pagkakataon na mangyari ito ulit. Ang Martial Law Exhibit ay isang paalala na patuloy nating protektahan ang demokrasya na ipinaglaban ng mga Pilipino at huwag nating hayaang masayang ang kanilang pagsisikap na maitaguyod ito,” marubdob na sambit ni Dinah.
Inaalala ang ika-51 taon ng pagsasabatas ng Batas Militar sa Pamantasan upang bigyang-halaga ang mga napinsalang buhay. Pinahahalagahan din ang pagsusumikap ng iba’t ibang miyembro ng lipunan na walang sawang isinisigaw ang mensahe ng nakaraan lalo’t higit na lumalaki ang posibilidad na matakpan ang katotohanan. Bitbit ng pamayanang Lasalyano ang katapangang panatilihin ang karumaldumal na alaala ng rehimeng Marcos Sr. sa harap ng pagkikibit-balikat ng kaniyang anak—hindi natatapos ang laban para sa katotohanan.
*Hindi tunay na pangalan