NAANTALA ang pag-enmiyenda sa Omnibus Election Code (OEC) dulot ng kakulangan sa oras na ipinagkaloob ng Legislative Assembly (LA) sa DLSU Commission on Elections (COMELEC) upang suriin ito sa ika-12 regular na sesyon, Setyembre 20. Gayunpaman, susunod pa rin ang Special Elections (SE) 2023 sa inilabas na kalendaryo ng COMELEC nitong Setyembre 19.
Ikinasa rin sa sesyon ang pagpapalawig ng mandato ng DLSU Commission on Human Rights (CHR) at ang pagpapakilala sa Transparency Policy ng College of Computer Studies (CCS).
Papel ng mga kandidato
Tinugunan nina Sai Kabiling, CATCH2T26, at Mika Rabacca, FOCUS2022, ang mga naging komplikasyon sa General Elections (GE) 2023 sa paghahain ng nirebisahang OEC. Matatandaang nagdaos ang Committee on Electoral Affairs ng mga inquiry session kasama ang Alyansang Tapat sa Lasallista, Santugon sa Tawag ng Panahon, at COMELEC nitong ikatlong termino ng akademikong taon 2022–2023 upang tukuyin ang mga naging sanhi ng pagkansela sa eleksyon.
Pinangunahan ni Marianne Era, FAST2020, ang pagtalakay sa pagdaragdag ng colors form sa talaan ng mga dokumentong kinakailangang ipasa ng mga kandidato. Paglalahad niya, “There will be no first come, first served basis anymore. So, any candidate, political party or coalition can use the same color.”
Pinahihintulutan nito ang mga partidong politikal, koalisyon, at independiyenteng kandidatong pumili ng hanggang tatlong kulay para sa pangangampanya, maliban sa berde at puting kakatawan sa COMELEC at University Student Government (USG). Ipinaalala rin nina Era at Chief Legislator Sebastian Diaz na ang paggamit sa mga colors form bilang dokumentasyon ng opensa ng mga kandidato ang pangunahing layunin ng pagtulak sa panukala.
Kaugnay ito ng naunang itinaguyod ni dating COMELEC Acting Chairperson Joaquin Sosa na pagtanggal ng mga opisyal na kulay para sa eleksyon. Pagbibigay-diin ni COMELEC Chairperson Carlos Gaw Jr., “The reason why the colors were removed in the first place was because we wanted to give equal opportunities to all candidates. Moreover, it is not [the] COMELEC’s duty to safeguard the political colors of each candidate.”
Pasisinayaan naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) sa oras na maisapubliko ang kabuuan ng mga rekisito at hindi dapat mas aaga rito. Samantala, ipagbabawal na ang pagtatakda ng komisyon sa kaparehong araw ng pag-anunsiyo ng pagbabago sa mga rekisito bilang petsa ng pagkompleto nito.
Magsisilbi namang batayan para sa pagpapahaba ng paghahain ng COC ang mga natural na kalamidad, pagbabago sa academic calendar, at anomang hadlang sa pagproseso ng mga dokumento.
Maglalaan din ang COMELEC ng dalawang araw upang sundin ng mga kandidato ang mga rebisyon sa talaan ng mga opisyal na dokumento, maliban na lamang sa kasong magkaroon ng pagkaantala sa pagpapasa ng mga ito dahil sa sistema ng mga opisina sa Pamantasan.
Ibinahagi nina Diaz at Gaw na nakaranas ng similar na suliranin ang mga apektadong estudyante nitong GE 2023, partikular na sa pagkuha ng Certificate of Good Moral Character. Ipinasa ng Student Discipline Formation Office sa komisyon ang responsibilidad sa pagkalap nito, ngunit hindi naging sapat ang panahong nakatakda sa lumang OEC para sa kabuoang proseso.
Bunsod nito, inaatas na sa mga partidong politikal at independiyenteng kandidato ang pagkalap ng mga inaasahang papeles.
Kahulugan ng eleksyon
Binibigyang-linaw din sa bagong OEC ang kahulugan ng iba’t ibang uri ng eleksyon, kabilang na ang depinisyon para sa pagkaantala, pagkabigo, at pagkansela ng mga ito. Panimula ni Diaz, “This is a specific proposal on COMELEC’s end. . . But we also took the liberty of proposing a definition for Make-up Elections (ME), since it has [not] been. . . [adopted] by the COMELEC and the USG since we started having elections in this University.”
Kinuwestiyon ni Gaw ang pagkakaiba ng pagkabigo at pagkansela ng eleksyon sapagkat pareho lamang humahantong ang mga ito sa pagkabakante ng puwesto bunsod ng kawalan ng kwalipikadong kandidato. Ibinuod naman ni Kabiling na nararapat munang magkaroon ng isang eleksyon upang matawag itong kabiguan dahil nangangahulugan ang pagkanselang hindi ito naisagawa.
Dagdag pa ni Diaz, “A distinction would be better, at least on our end, because failure of election is constituency-specific din, so on a batch level, there could be a failure of elections because they don’t reach the 50 percent or so required. . . Usually, when we say cancellation of elections, it’s for an entire election cycle being canceled.”
Tinuligsa naman ito ni Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator, sapagkat nasasaklaw na ng kahulugan ng pagkaantala ang pagkansela. Aniya, tanging pagpapalit o pagkaantala ng petsa ang tinalakay sa panukala, samantalang nangangahulugan ang pagkanselang hindi na idaraos pa ang eleksyon.
Bunsod nito, maituturing nang kabiguan ang pagkabakante sa mga posisyon kada yunit dahil sa kakulangan ng mga kwalipikadong kandidato. Maaantala naman ang isang eleksyon dulot ng paglipat sa petsa nito. Gayundin, tatawaging SE ang eleksyong isasagawa bunga ng kabiguan ng GE at ME para sa pagkaantala.
Iminungkahi naman ni Gaw ang paglikha ng isang channel na tutugon sa mga katanungan ng mga kandidato tungkol sa COC. Humiling din siya ng mas mahabang oras upang repasuhin ang OEC sapagkat natanggap lamang ito ng COMELEC nitong umaga ng Setyembre 19.
Kinilala naman ng lupon na hindi makaaapekto sa mga partidong politikal ang limang araw na pagkaantala sa pagsasapinal ng OEC. Samakatuwid, walang magiging pagbabago sa kalendaryo ng SE 2023 at nagpatawag na lamang ng espesyal na sesyon ang LA nitong Lunes, Setyembre 25.
Pagwawakas ni Gaw, “As it stands, we don’t have any more problems regarding it [OEC], but we just want to really ensure that it’s okay with us.”
Pagsulong sa karapatang pantao
Itinaguyod ni Zak Armogenia, FAST2021, ang pag-enmiyenda sa pangalan ng Martial Law Commemoration and Human Rights Commission bilang CHR. Pinapalawig nito ang responsibilidad ng komisyong pangalagaan ang karapatang pantao ng pamayanang Lasalyano nang hindi nalilimitahan sa pag-alala sa mga paglabag ng rehimeng Marcos Sr. lamang.
Iminamandato nitong magkaroon ng paggunita ang USG sa mga Lasalyano at Pilipinong nagsakripisyo noong Batas Militar at mga similar na panahon ng dahas at paniniil. Titiyakin din ng CHR ang pagpreserba ng mga naturang pangyayari sa kasaysayan, pagtuturo nito sa loob ng mga silid-aralan, at pagsasagawa ng mga pananaliksik ukol sa paksa.
Ilulunsad din ang taunang Human Rights Commemoration Week. Kalakip nito, nararapat nang makipag-ugnayan ang USG sa iba pang mga organisasyon para sa pagsasakatuparan ng mga proyektong sumusuporta sa karapatang pantao at buksan ang Human Rights Commemoration Space or Corner para sa lahat ng ito.
Sasangguni na rin ang USG sa mga legal na tanggapan upang bigyang-suporta ang mga estudyanteng may hinaing ukol sa paglabag sa karapatang pantao at pagtitibayin ang mga polisiya para rito. Samantala, patuloy na susubaybayan ng CHR ang kasalukuyang sitwasyon ng karapatang pantao maging sa labas ng Pamantasan.
Binusisi naman ni Ina Peñaflor, BLAZE2023, ang mga hakbangin para sa probisyong nagmamandatong kilatisin ang mga inisyatiba ng komisyon, subalit ipinabatid ni Armogenia na nakasalalay ito sa itatalagang komisyoner. Ikinabahala rin ni Peñaflor ang nakasaad na pag-agapay ng mga eksternal na awtoridad sa operasyon ng CHR dahil sa posibleng paggamit nila sa Pamantasan bilang personal na plataporma para sa politika.
Pagsalag ni Armogenia, pangangasiwaan ng Committee on National Issues and Concerns ang mga usapan sa pagitan ng CHR at mga naturang awtoridad. Binigyang-atensyon din niya ang ilang mga kwalipikasyong dapat isaalang-alang sa paghirang ng chairperson at mga komisyoner ng CHR. “We would like to highlight that the most important fact is the person must have taken and passed at least one course or subject in Philippine History in the University or an equivalent in other higher education institutions,” wika niya.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 13 for, 0 against, at 0 abstain.
Paglilingkod sa CCS
Pinasadahan ni Diaz sa LA floor ang Transparency Policy Act na inaprubahan ng College Legislative Board (CLB) ng CCS nitong Setyembre 19. Isasapubliko na ang ulat ng mga student unit sa naturang kolehiyo kada termino upang paigtingin ang karapatan para sa impormasyon ng mga estudyante sa CCS.
Dati nang nagsusumite ng mga ulat sa opisina ng kanilang associate dean ang lahat ng organisasyon sa ilalim ng ONECCS bilang bahagi ng internal na operasyon nito.
Maglalaman ang mga ulat ng kabuoang impormasyon ukol sa mga inisyatiba at proyekto, partnership, katayuang pinansiyal, at kalagayan ng bawat yunit na pamamahalaan ng Transparency Evaluation Committee (TEC). Pamumunuan naman ang komite ng college president. Kabilang din dito ang chief operating officer ng Computer Studies Government, bise presidente, chairperson for finance, at chairperson for project management.
Kinakailangang maglathala ang mga yunit sa kanilang sari-sariling social media page ng mga larawang may kalakip na link ng dokumento o kumpletong detalye ng mga ulat. Magreresulta naman sa karampatang parusa ang hindi pagsunod.
Maaaring suspindihin hanggang 30 araw ang pampublikong operasyon ng hindi susunod na yunit. May kapangyarihan din ang TEC na dumulog sa opisina ng Ombudsman upang padalhan ang mga ito ng pormal na direktibong sumunod. Gayundin, nasasaklaw ng hurisdiksyon ng komite ang pansamantalang pagbabawal sa paglagda sa mga dokumento ng naturang yunit para sa susunod na termino. Isasalin naman sa CLB ang hurisdiksyon ng kaso sakaling makitaan ng hindi pagsunod ang TEC.
Pagbabahagi ni Diaz bilang may-akda, “We want to make sure na the units would already distill and summarize these information for students in CCS specifically. I personally would vote for something similar university-wide, but I would want to see it first in CCS. If the same is applicable. . . then maybe other College Legislative Boards could follow suit.”