PINITPIT ng De La Salle University Green Spikers ang mga pakpak ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa loob ng straight sets, 25-17, 25-15, 25-19, sa do-or-die best-of-three semifinals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 24.
Hinirang na Player of the Game si middle blocker Nath Del Pilar matapos magpakitang-gilas ng pitong puntos mula sa limang atake at dalawang block. Namayagpag din ang presensya nina outside hitter Noel Kampton at team captain JM Ronquillo tangan ang pinagsamang 29 na marka. Sa kabilang banda, nalimitahan naman sa siyam na puntos si Blue Eagle Kennedy Batas upang pangunahan ang opensa ng Loyola-based squad.
Maagang kalamangan ang ipinamalas ng Blue Eagles bunsod ng quick attack ni middle blocker Arvin Garcia sa pagbulusok ng unang set, 2-5. Sumagot naman ng 5-0 run ang Taft-based squad kaakibat ang kill block ni Del Pilar kay opposite hitter Batas, 7-5. Nagpatuloy ang paglobo ng puntos ng Berde at Puting koponan sa bisa ng off-the-block hit ni open spiker Vince Maglinao, 19-11. Bunsod nito, napasakamay ng Green Spikers ang 1-0 bentahe matapos tuldukan ni kapitan Ronquillo ang naturang set, 25-17.
Dumaan sa butas ng karayom ang mga nakaberde sa unang bahagi ng ikalawang set nang magtamo ng magkakasunod na attack error, 3-5. Sa kabila nito, nagawang baligtarin ng Green Spikers ang serye matapos payungan ni middle blocker Eric Layug ang rumaragasang atake ng Ateneo, 12-7. Bunsod nito, hindi na nagpaawat ang Green Spikers nang magliyab ang mga kamay ni Layug sa gitna ng net upang selyuhan ang 2-0 bentahe, 25-15.
Tinangkang tupukin ni Blue Eagle Batas ang kalamangan ng Taft-based squad matapos bombahin ang zone 5 pagdako ng ikatlong set, 13-12. Gayunpaman, hindi umubra kay Green Spiker Kampton ang pag-aatungal ng kalalakihan ng Loyola Heights matapos gulpihin ang pader ng koponan gamit ang off-the-block hit, 16-13. Tuluyang niyapos ng mga agila ang pagkatalo nang magpakawala ng down-the-line hit si opposite hitter Ronquillo, 25-19.
Bunsod ng panalo, nakamtan ng Green Spikers ang tiket sa pinal na bahagi ng V-League Collegiate Challenge tangan ang 2-1 panalo-talo kartada sa serye. Samantala, makahaharap ng Taft mainstays ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa best-of-three finals series na mag-uumpisa ngayong darating na Miyerkules, Setyembre 27, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.