PINARUSAHAN ng De La Salle University Green Spikers ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa loob ng straight sets, 25-21, 25-21, 25-21, sa game 2 ng best-of-three semifinals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 22.
Hinirang na Player of the Game si Green Spiker Noel Kampton matapos magtala ng 26 na puntos mula sa 23 atake, dalawang service ace, at isang block. Nakapag-ambag din si outside hitter Vince Maglinao ng 15 marka tangan ang 12 atake, dalawang service ace, at isang block. Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni open hitter Amil Pacinio Jr. ang opensa ng Blue Eagles matapos magsumite ng 15 puntos.
Binuksan ni Maglinao ang sagupaan gamit ang isang nag-aalab na pipe attack upang bitbitin ang Taft-based squad sa maagang angat, 6-4. Nagpatuloy ang pagratsada ng Green Spikers sa bisa ng off-the-block hit ni Kampton mula sa kaliwa, 19-15. Sumilay naman ang pansamantalang pag-asa sa hanay ng mga agila nang malugod na tanggapin ni opposite hitter Kennedy Batas ang regalo mula sa over-receive ni Kampton, 19-17. Gayunpaman, tuluyang namayani ang mga kalalakihan ng Taft sa pagtatapos ng unang set bunsod ng matalas na crosscourt ni Maglinao, 25-21.
Humataw ng atake si Pacinio pagdako ng ikalawang set upang ibigay ang maagang kalamangan sa Loyola-based squad, 6-8. Hindi naman nagpatinag si open hitter Kampton matapos pagdikitin ang iskor gamit ang down-the-line hit, 8-all. Sinubukang tapyasin ng mga agila ang momentum ng Green Spikers nang magpakawala ng quick attack si middle blocker Jettlee Gopio, 12-14. Gayunpaman, kumayod ng down-the-line hit si Kampton upang ibalik ang kalamangan sa koponan, 16-14. Sa huli, sinelyuhan ng Taft-based squad ang 2-0 bentahe bunsod ng atake ni Maglinao, 25-21.
Mabilis na nakaabante ang koponan ng Berde at Puti sa ikatlong set nang magpasabog ng magkakasunod na umaatikabong atake si Kampton, 14-9. Subalit, agad na nakadikit ang Ateneo nang padaplisin ni Blue Eagle Pacinio ang bola sa malatoreng pader ng Green Spikers, 19-18. Mas pinaigting na depensa naman ang ipinamalas ng Taft-based squad upang tuldukan ang tapatan sa pamamagitan ng kill block ni middle blocker Eric Layug, 25-21.
Bunsod ng panalong ito, matagumpay na naitabla ng Taft mainstays ang serye kontra sa kanilang mga karibal. Masasaksihan ang huling tapatan ng dalawang koponan ngayong darating na Linggo, Setyembre 24, sa parehong lugar sa ganap na ika-4 ng hapon.