BIGONG MAKAALPAS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa hagupit ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng limang set, 23-25, 25-21, 22-25, 25-14, 11-15, sa kanilang unang paghaharap sa best-of-three semifinals series ng 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 20.
Pinangunahan ni team captain JM Ronquillo ang opensa ng Green Spikers matapos magpakawala ng 26 na puntos mula sa 20 atake at anim na block. Sa kabilang banda, hinirang muli bilang Player of the Game si Blue Eagle Jian Salarzon matapos magsumite ng 24 na puntos mula sa 20 atake at apat na block.
Nagpupumiglas na opensa ang ibinalandra ng dalawang koponan sa unang set ng sagupaan nang papalyahin ni ADMU outside hitter Amil Pacinio Jr. ang bola sa mga braso ni DLSU playmaker Gene Poquita, 2-4. Gayunpaman, agarang uminit ang palad ni La Salle middle blocker JJ Rodriguez matapos magpakawala ng dalawang service ace, 10-8. Bitbit ang momentum, sinalisi ni Ronquillo ang tirada kontra sa malapader na depensa ng Loyola-based squad, 22-21. Subalit, hindi na napigilan ng kalalakihan ng Taft ang pagdagundong ng mga atake ni Salarzon, 23-25.
Dikdikang sagupaan naman ang ipinamalas ng magkabilang koponan sa ikalawang set nang magpalitan ng atake sina Blue Eagle Jeric Sendon at DLSU rookie Uriel Mendoza, 9-all. Kinalaunan, humarurot na ng takbo ang Taft mainstays nang magliyab ang mga galamay ni outside hitter Noel Kampton, 17-13. Sa kabila nito, nagawa pang dumikit ng Ateneo matapos magpakawala ng umaatikabong atake si Salarzon mula sa crosscourt, 23-20. Subalit, agad nang tinuldukan ni Rodriguez ang naturang set, 25-21.
Nagpaulan ng mabibigat na service aces ang Green Spikers pagdako ng ikatlong set, 3-0. Mahigpit na depensa naman ang naging puhunan ng dalawang koponan sa kalagitnaan ng set nang magpalitan ng block points sina middle blocker Nath Del Pilar at Blue Eagle Pacinio, 11-all. Samantala, nagtala ng isang attack error si Mendoza dahilan upang tuluyang lumamang ang mga agila, 18-20. Samakatuwid, napasakamay ng Blue Eagles ang set bunsod ng hulog ni Pacinio, 22-25.
Pulidong depensa naman ang ipinamalas ni Ronquillo sa pagbubukas ng ikaapat na set matapos payungan ang tirada ni Blue Eagle Kennedy Batas, 2-0. Nang masulot ang maagang momentum, pinalobo ng kalalakihan ng Taft ang kanilang kalamangan gamit ang 11-0 run, 15-4. Hindi rin nagsayang ng pagkakataon si second-stringer Von Marata matapos magpakawala ng umaalab na down-the-line hit, 20-10. Kaakibat nito, sinelyuhan ni Kampton ang naturang set matapos magpakawala ng isang backrow attack, 25-14.
Nakatitindig-balahibong bakbakan ang ibinungad sa ikalimang set nang bulabugin ni DLSU outside hitter Vince Maglinao ang kampo ng mga agila sa bisa ng down-the-line hit, 3-4. Sa kabila nito, dahan-dahang naghingalo ang puwersa ng Green Spikers mula sa rumaragasang atake ni Pacinio, 4-7. Sinubukang pagningasin ni Ronquillo ang pumupusyaw na dilaab ng Berde at Puti matapos bombahin ang zone 6 ng kort, 10-9. Gayunpaman, tuluyang naghari ang matayog na depensa ng Blue Eagles mula sa mga kamay nina Pacinio at Salarzon, 11-15.
Bunsod ng pagkatalo, bigong makamtan ng Taft-based squad ang 1-0 bentahe sa best-of-three semifinals ng naturang torneo. Samantala, matutunghayang muli ang tapatan ng magkaribal sa parehong lugar ngayong darating na Biyernes, Setyembre 22, sa ganap na ika-4 ng hapon.