NALULA ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers sa matayog na paglipad ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles sa loob ng straight sets, 17-25, 24-26, 15-25, sa 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 17.
Nanguna para sa puwersa ng Green Spikers si team captain JM Ronquillo tangan ang 14 na puntos. Umagapay naman si DLSU outside hitter Vince Maglinao matapos tumudla ng siyam na puntos mula sa walong atake at isang block. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si ADMU open hitter Jian Salarzon nang magtala ng 11 marka.
Kaagad na pumailanglang ang puwersa ng Blue Eagles sa unang set matapos gatungan ng power tip ni middle blocker Jettlee Gopio ang Taft mainstays, 3-10. Sa kagustuhang pagdikitin ang puntos, sinubukang utakan ng Green Spikers ang kabilang hanay sa bisa ng umaalab na atake ni open hitter Noel Kampton, 13-19. Nagpasiklab din ng off-the-block hit si middle blocker Nath Del Pilar, 14-21. Gayunpaman, naging imposible para sa Taft-based squad na depensahan ang kampo kontra sa umaatikabong atake ni ADMU opposite hitter Kennedy Batas, 17-25.
Gitgitang sagupaan ang bumalandra sa ikalawang set matapos magsagutan ng puntos ang dalawang koponan, 2-all. Wagi namang nasipat ni DLSU playmaker Gene Poquita ang butas sa zone 5 dahilan upang manatiling tabla ang laban, 9-all. Tangan ang hangaring tapyasin ang lumulobong kalamangan ng kalaban, binasag ni rookie Yoyong Mendoza ang matayog na tore ng mga agila, 14-12. Kumamada naman ng isang nag-aalab na atake si kapitan Ronquillo upang muling itabla ang sagupaan, 23-all. Sa kabila ng pagkapit ng berde at puting koponan, tuluyan nang napasakamay ng Blue Eagles ang naturang set, 24-26.
Naungusan ng Green Spikers ng dalawang puntos ang Blue Eagles sa ikatlong set nang hulugan ng atake ni middle blocker JJ Rodriguez ang kabilang kampo, 4-2. Hindi naman pumayag si Blue Eagle Gopio matapos basagin ang tore ng Taft gamit ang quick attack, 4-all. Lumapad muli ang kalamangan ng mga agila nang lumagak ng attack error si Kampton, 11-20. Samakatuwid, tuluyan nang nilampaso ng Blue Eagles ang naghihikahos na kalalakihan ng Taft, 15-25.
Bunsod ng pagkatalo, nakamtan ng Green Spikers ang 4-3 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng elimination round ng naturang torneo. Sa kabilang banda, susubukang makabawi ng Taft mainstays kontra sa mga kalalakihan ng Loyola Heights sa pagbulusok ng best-of-three semifinals sa parehong lugar ngayong darating na Miyerkules, Setyembre 20, sa ganap na ika-2 ng hapon.