KINALADKAD sa putik ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of Perpetual Help System DALTA (UPHSD) Altas sa loob ng straight sets, 25-20, 25-19, 25-19, sa 2023 V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 15.
Hinirang na Player of the Game si DLSU rookie Yoyong Mendoza matapos tumudla ng 17 puntos kaakibat ang walong excellent reception at apat na excellent dig. Sumaklolo naman sa kaniya sina team captain JM Ronquillo at outside hitter Noel Kampton nang magtala ng tig-14 na marka. Sa kabilang banda, kumamada ng 12 puntos si outside hitter Jefferson Marapoc upang pangunahan ang opensa ng UPHSD.
Nagtala ng maagang kalamangan ang Green Spikers sa pagbulusok ng unang set nang kumana ng puntos si Kampton mula sa zone 4, 8-4. Nagpatuloy ang pananalasa ng Taft-based squad gamit ang off-speed hit ni Ronquillo mula sa kanan, 16-10. Bunsod nito, tuluyang pinawalang-bisa ng Green Spikers ang tangkang paghahabol ng Altas nang tuldukan ni Mendoza ang naturang set, 25-20.
Tumambad naman sa ikalawang set ang nag-aapoy na atake ni UPHSD open hitter Marapoc, 0-1. Subalit, nanaig ang alab ng kalalakihan ng Taft nang ratsadahan ng puntos ni opposite hitter Ronquillo ang Altas gamit ang off-the-block hit, 4-2. Sa hangaring makalamang, bigong naitawid ni open hitter Mendoza ang puntos matapos payungan ni middle blocker KC Andare ang kaniyang atake, 10-all. Tuluyan namang nasulot ng Green Spikers ang momentum nang lampasuhin ang hanay ng Altas sa dulong bahagi ng naturang set, 25-19.
Maagang nakamtan ng Taft mainstays ang dalawang puntos na abante sa ikatlong set sa bisa ng dalawang magkasunod na atake ni Kampton, 11-9. Hindi naman nagpatinag ang Las Piñas-based squad nang sumagot ng atake si Altas Marapoc mula sa likod upang itabla ang sagupaan, 11-all. Gayunpaman, nanaig pa rin ang tore ng Green Spikers nang tipakin ni middle blocker Nath Del Pilar ang tangkang backrow attack ni Marapoc, 22-19. Samakatuwid, tuluyang sinelyuhan ng kalalakihan ng Taft ang panalo matapos makinabang sa attack error ng UPHSD, 25-19.
Bunsod ng panalong ito, napasakamay ng Green Spikers ang 4-2 panalo-talo kartada. Gayundin, aakyat patungong final four ang koponang Berde at Puti sa naturang torneo. Sunod na kahaharapin ng DLSU ang Ateneo de Manila University Blue Eagles sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar ngayong darating na Linggo, Setyembre 17.