Para kanino ka lumalaban? Sa bawat iyak at sigaw, kailangan mong alalahanin ang dahilan ng iyong paglaban. Masalimuot ang katotohanan—walang patutunguhan ang mga salitang walang kabuluhan.
Hanggang saan aabot ang iyong kagitingan? Sa murang edad, nais mo bang masunog sa apoy ng realidad? Bumaklas ka sa bisig ng iyong ina at subukang mamuhay sa ingay ng digmaan, alang-alang sa rebolusyong nais ipaglaban.
Mula sa direksiyon ni Dustin Celestino, inilunsad ang matapang na pelikulang, Ang Duyan ng Magiting, sa loob ng Cinemalaya 19: IlumiNasyon. Ibinunyag dito ang mga sangkap ng rebolusyon; ang mga salitang hanggang salita lamang at mga aksiyong ginagawa ng mga walang magawa. Mala-teatro ang istorya sa bawat eksena, tuwid ang mga diyalogo, at klaro ang nais ipabatid. Gamit ang halu-halong estilo ng pagkukuwento, pinaghalo nito ang magkasalungat na ideolohiya at magkatulad na karanasan—naipakitang biktima tayong lahat ng lipunan at karahasan.
Sugat ng lipunan
Sa nagdaang mga taon, sandamakmak na ang kabataang may tibay na maglingkod para sa bayan. Kabilang dito ang katauhan nina Jose Santos, na ginampanan ni Miggy Jimenez, at Simon Manuel, na ginampanan naman ni Dylan Ray Talon. Nagbalak ang dalawang binatang dumayo sa kabundukan upang lumubog sa pamumuhay ng mga maralitang magsasaka. Sa kasamaang palad, nabomba ang simbahang kanilang tagpuan. Nang maabutan sila ng mga pulis sa pinangyarihan ng krimen, walang awa silang hinuli—pinaratangang terorista, pinahirapan, at ikinulong.
Sa pagbuhos ng mainit na kape sa kanilang ulo hanggang sa lahat ng bahagi ng katawan, impit na sigaw lamang ang kanilang nagawa habang iniinda ang bawat sugat. Pasok sa kaliwang tenga, labas sa kanan. Kinakawawa’t tinapyasan sila ng karapatang ipaglaban ang sarili. Gamit ang salita ng makapangyarihan—nadungisan ang kanilang pagkatao. Hindi sila binigyan ng mga pulis ng pagkakataong pakinggan.
Sa bawat trahedya, may kailangang managot. Ipinakita sa pelikula ang hindi makatarungang realidad na kaakibat ng pagkulong sa mga Pilipino kahit wala mang sapat na ebidensiya. Naranasan ng dalawang binatilyo ang nananalaytay na sistema ng pang-aapi sa Pilipinas. Talamak sa bansa ang pagkulong sa mga indibidwal kahit hindi ito angkop sa batas katulad ng mga aktibistang minamarkahang terorista. Itinuturing na paghihimagsik ang pagpuna sa gobyerno. Iniuugnay ang pagsasamang may layong tumulong sa mga maralita bilang pagbubuklod ng mga rebelde. Sa gayon, mamamataan sa mata ng dalawang binata ang pag-inda ng mga Pilipino sa mga sugat na idinulot ng malulupit at mapaniil na indibidwal—ang mga nasa tuktok ng tatsulok.
Pansamantalang lunas
Walang makapapantay sa pagmamahal ng isang magulang. Sa pagganap ni Paulo O’Hara bilang hepe ng pulis na si Gabriel Ventura, ipinamalas ang kakaibang trahedya at hinagpis ng isang amang nawalan ng anak sa kamay ng kasuklam-suklam na kalaban ng kaniyang propesyon—ang mga terorista.
Sa kabilang banda, sa karakter naman ng isang social worker na si Jill Sebastian, na ginampanan ni Dolly de Leon, ipinakita ang pag-asa at kabutihan ng kapwa Pilipino sa kaniyang paniniwala at paglaban sa pagkainosente nina Jose at Simon. Nagsimula sa pasibong palitan ng paniniwala ang usapan nina Jill at Gabriel ukol sa dalawang kabataang nakulong. Buong tapang na kinumbinsi ni Jill ang pulis na hindi makaturangan ang paratang sa dalawa sapagkat wala silang sapat na ebidensiya. Bakas man ang kaba, maririnig pa rin ang respeto sa kaniyang tono—hindi magpapatinag ngunit gusto pa ring umiwas sa gulo.
Sa dahan-dahang mga bulong, masasagap ang bigat ng bawat salita at banta. Subalit, sa bawat pagbibigay-rason ni Jill sa kanilang mga akusasyon, lalong nagiging agresibo ang pagtugon ng pulis. Para kay Gabriel, makatarungan ang pag-ubos sa mga rebeldeng naghahasik ng karahasan. Dagdag pa niya, sa pagpatay sa dalawa, makakamtan din niya ang hustisya para sa kaniyang anak. Malinaw sa kanilang pagkikisalamuha na mas makapangyarihan ang bigat ng kaniyang pananaw kay Jill sapagkat siya ang may hawak ng baril.
Dahas laban sa dahas. Nakita ito ni Gabriel bilang lunas sa sugat mula sa pagkawala ng kaniyang anak. Lumabo ang guhit ng kaniyang tungkulin bilang isang ama at pulis. Kaya naman, marahas ang kaniyang pakikitungo sa dalawang batang binigyang-paratang.
Salamin ang pagbabanta ng hepe sa realidad na kinahaharap ng mga Pilipino. Paglingkuran at protektahan ang kanilang kinasasakupan ang sinusundang mandato ng pulisya, ngunit sa ngayon mas kinatatakutan pa ang kanilang presensiya kaysa magbigay ng ginhawa. Ang baril na dapat nagbibigay-proteksiyon sa mga ordinaryong mamamayan ang siyang itinututok sa mga Pilipino na dapat nitong protektahan. Maaaring pagluluksa ang rason ng pulis na tulad ni Gabriel. Posible ring nais lamang nilang maresolba ang lahat nang mabilisan. Sa huli, pagpaslang ang kanilang sagot bilang hustisya.
Masisilayan din sa palabas ang kahalagahan ng pamilya sa kulturang Pilipino. Lumabo ang guhit sa pagitan ng tama at mali sa mata ni Gabriel dahil nanaig ang kaniyang pagdadalamhati bilang isang ama bunsod ng pagkawala ng kaniyang anak. Ang madaliang pag-akusa sa dalawang kabataan ang siyang nagpagaan sa bigat ng pagluluksang kaniyang pinapasan.
Kapayapaan sa pag-ugoy ng duyan
Sa duyan ng magiting, walang nagigising. Isang panawagan ang pelikulang Ang Duyan ng Magiting upang maunawaan ang mga taong naagrabyado ng mga makapangyarihan. Pakikiramay din ito para sa mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay dahil sa kapalarang hindi inaasahan. Higit sa lahat, para ito sa mga Pilipino na iniinda ang bawat sugat mula sa laban na idinulot ng mapang-aping lipunan.
Walang pinapanigan ang pelikula. Ilan lamang ito sa mga trahedyang sumasalamin sa iba’t ibang karahasang nararanasan ng mga Pilipino. Sa huli, lahat tayo, biktima. Sa gayon, lalaban ka pa ba para sa kapayapaan o mananahimik ka na lamang sa pag-ugoy ng duyan?