NAKATAKAS sa gapos ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang National University (NU) Bulldogs, 25-19, 25-23, 15-25, 22-25, 11-15, sa V-League Collegiate Challenge sa Paco Arena, Setyembre 6.
Sa kabila ng pagkatalo, nagpasiklab ng 29 na puntos si team captain JM Ronquillo upang pangunahan ang opensa ng Green Spikers. Hinirang naman bilang Player of the Game si NU team captain Leo Aringo matapos magrehistro ng 23 puntos mula sa 22 atake at isang service ace. Naghari din sa hanay ng Bulldogs si outside hitter Michaelo Buddin matapos kumamada ng 26 na marka mula sa 23 atake, dalawang service ace, at isang block.
Maagang umarangkada ang Green Spikers sa unang set matapos payungan ni DLSU outside hitter Noel Kampton ang tirada ni Jade Disquitado, 5-3. Sinubukang humabol ng Bulldogs ngunit hindi ito hinayaan ni Kampton nang magpakawala ng isang rumaragasang crosscourt shot, 16-13. Tuluyan pang lumayo ang mga nakaberde matapos ang nagbabagang backrow attack ni Ronquillo, 23-18. Samakatuwid, nagwakas ang set nang magtala ng error ang panig ng NU, 25-19.
Nagpalitan naman ng atake ang dalawang koponan pagdako ng ikalawang set, 6-all. Bahagyang pumiglas sa pagkapit ang Green Spikers nang makalusot ang down-the-line hit ni Buddin, 14-16. Agad naman itong sinagot ni Kampton matapos magpakawala ng dalawang magkasunod na atake, 16-all. Unti-unting sumilip ang pag-asa sa hanay ng Berde at Puti nang utakan ni Ronquillo ang Bulldogs gamit ang kaniyang hulog, 23-all. Tuluyang nakamkam ng Taft mainstays ang 2-0 bentahe nang maghandog ng dalawang libreng puntos ang NU, 25-23.
Umentrada naman si JJ Rodriguez sa ikatlong set sa bisa ng kaniyang magkasunod na block, 3-all. Sa kabilang banda, kumawala naman ang Bulldogs sa piit ng Green Spikers matapos magtala ng magkakasunod na error, 11-19. Nanatili naman ang kapit ng Taft-based squad gawa ng matalinong hulog ni Kampton, 14-23. Subalit, agad nang natuldukan ang set nang magtala ng service error si Nath Del Pilar, 15-25.
Bitbit ang hangaring makabawi, lumamang kaagad ang mga nakaberde mula sa umaatikabong atake ni Vince Maglinao, 5-1. Gayunpaman, kumaripas ng takbo ang Bulldogs upang ungusan ang Green Spikers bunsod ng running attack ni Choi Diao, 15-18. Hindi na nagawang humabol pa ng DLSU nang selyuhan ni Aringo ang naturang set, 22-25.
Mas pinaigting na depensa naman ang ipinamalas ng Taft-based squad sa huling set matapos payungan ang nag-aalab na palo ni Buddin, 1-all. Pinahinto naman ni Maglinao ang pagratsada ng NU matapos sumumbat ng isang down-the-line hit, 2-4. Samantala, muling umeksena si Buddin sa dulong bahagi ng set matapos kumamada ng magkakasunod na atake, 9-13. Sinubukan pang padikitin ni kapitan Ronquillo ang talaan sa bisa ng down-the-line hit, subalit tuluyan nang tinuldukan ng Jhocson-based squad ang sagupaan, 11-15.
Bunsod ng pagkatalo, napasakamay ng Green Spikers ang 2-2 panalo-talo kartada. Susubukan namang makabawi ng koponang Berde at Puti kontra Emilio Aguinaldo College Generals ngayong Biyernes, Setyembre 8, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong lugar.