YUMUKOD ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers kontra Far Eastern University Tamaraws, 22-25, 25-20, 23-25, 25-16, 15-17, sa V-League Collegiate Challenge, Agosto 20, sa Paco Arena.
Kinilala si Tamaraw Dryx Saavedra bilang Player of the Game matapos kumamada ng 25 puntos. Sa kabilang banda, nagpasabog naman ng 20 puntos si outside hitter Noel Kampton para sa DLSU.
Palitan ng puntos ang naging eksena sa unang set matapos magsagutan ng off-the-block hit sina Saavedra at Vince Maglinao, 10-all. Gayunpaman, kumalas ang mababangis na Tamaraws nang magpakawala ng umaatikabong atake si Saavedra, 20-23. Sinubukan pang pagdikitin ni Kampton ang talaan ng iskor, subalit agad nang sinelyuhan ni Saavedra ang panalo gamit ang kaniyang off-speed attack, 22-25
Pinaigting naman ng Taft-based squad ang kanilang opensa sa pagpasok ng ikalawang set. Bunsod nito, nakaabante ng anim na puntos ang Green Spikers matapos magpakawala ng quick attack si Nathaniel Del Pilar, 12-6. Sa kabilang banda, kumana naman ng magkakasunod na puntos si Tamaraw Andrei Delicana upang pagdikitin ang iskor, 16-15. Gayunpaman, hindi na nagpahabol ang DLSU nang magsumite ng nagliliyab na atake si Kampton mula sa crosscourt at panapos na off-the-block hit ni JJ Rodriguez, 25-20.
Kargadong service ang naging puhunan ng Green Spikers pagdako ng ikatlong set upang yanigin ang depensa ng kalaban. Buhat nito, hindi pinalagpas ni Del Pilar ang regalong hatid ng FEU, 8-4. Sinubukan namang dumikit ng Tamaraws nang muling paganahin si Saavedra, ngunit agad itong napigilan nang magpakawala ng nagbabagang tirada si Kampton 20-18. Naitabla pa ng Tamaraws ang talaan, 23-all. Samakatuwid, rumatsada na ang Morayta-based squad upang ibulsa ang panalo sa naturang set, 23-25.
Pulidong depensa naman ang ipinamalas ni Rodriguez sa ikaapat na set matapos magtala ng dalawang magkasunod na block, 8-2. Nagpatuloy pa ang pagdomina ng Taft-based squad nang utakan ni Maglinao ang Tamaraws gamit ang kaniyang off-speed hit mula sa dig ni Del Pilar. Samantala, nagpamigay naman ng libreng puntos ang FEU mula sa attack error ni Delicana upang tapusin ang set, 25-16.
Pagdako ng huling set, tila nahirapang makabuwelo ang Taft-mainstays nang mag-apoy ang mga galamay ni Saavedra, 2-5. Nabuhayan naman ang Green Spikers matapos magsumite ng dalawang magkasunod na puntos si team captain JM Ronquillo, 9-8. Nagpamigay pa ng libreng puntos ang FEU, 13-9. Subalit, nagawa pa ring ungusan ng Tamaraws ang katunggali nang tuldukan ni Saavedra ang sagupaan, 15-17.
Dumausdos man, susubukan pa ring makabangon ng koponang Berde at Puti kontra San Beda University Red Spikers sa susunod na Linggo, Agosto 27, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.