ITINAMPOK sa ikasampung regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga plano ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsasakatuparan ng Special Elections (SE) 2023 sa unang termino ng akademikong taon 2023–2024, Agosto 16.
Muli namang inenmiyendahan sa sesyon ang Incumbency Extension Guidelines ng mga mananatiling opisyal ng University Student Government (USG). Itinatag din ang Legislative Procedures Act at Disability Inclusion Act na nagpapatibay sa awtoridad ng LA at kapakanan ng mga person with disability (PWD) sa Pamantasan.
Kalendaryo ng eleksyon
Tatakbo ang SE 2023 mula ikaapat hanggang ika-13 linggo ng susunod na termino, ayon sa inisyal na planong inilatag ni COMELEC Chairperson Carlos Gaw Jr. Isinaalang-alang sa paglikha ng kalendaryo ng eleksyon ang Omnibus Election Code (OEC), pagbibigay ng sapat na oras para sa mga paghahanda ng komisyon, at talaan ng mga holiday sa Proklamasyon Blg. 90, s. 2022.
Magtatagal ng 29 na araw ang panahon ng paghahain ng Certificate of Candidacy (COC). Isang araw naman ang itinakda para sa pagsusuri ng mga isinumiteng COC at pagdaraos ng seminar, siyam na araw sa pangangampanya, at hindi lalampas sa anim na araw para sa botohan bilang pagtalima sa OEC. Gayundin, isang araw ang ilalaan para sa deklarasyon ng mga nagwagi.
Inanunsiyo pa ni Gaw, “With regard to the Frosh Elections (FE) and the Special Elections, it is in the best interest of COMELEC that these two elections be held at the same time.” Nanindigan siyang pinakamabisang isagawa ang FE at SE 2023 sa ilalim ng iisang kalendaryo dahil maaaring magdulot ng kalituhan at pagbaba sa partisipasyon ng mga botante ang pagdaraos ng dalawang hiwalay at magkasunod na eleksyon.
Iluluklok agad ang mga nagwaging kandidato para sa mga nabakanteng posisyon mula sa oras ng kanilang pag-anunsiyo. Samakatuwid, pormal na manunungkulan ang mga nagwaging ID 123 sa simula ng ikalawang termino.
Kinilatis naman ni FAST2021 Zak Armogenia ang kahandaan ng COMELEC para sa SE 2023. Pagbusisi niya, “Do you have enough manpower for this election?” Tugon ni Gaw, wala pang tiyak na bilang ng kasapi ang COMELEC sapagkat isasagawa pa lamang ang pangangalap ng mga boluntaryo sa umpisa ng eleksyon. Sa kabila nito, ibinahagi niyang may pitong opisyal ang komisyon sa kasalukuyan. Magtatalaga rin siya ng mga bagong komisyoner sa simula ng unang termino.
Ibinalita naman ni FOCUS2022 Mika Rabacca na naidaos na ng Committee on Electoral Affairs ang inquiry session kasama ang Alyansang Tapat sa Lasallista, Santugon sa Tawag ng Panahon, at COMELEC upang enmiyendahan ang OEC.
Tinutukan sa diskurso ang pagbibigay-depinisyon sa kabiguan at pagkaantala ng eleksyon at ang kahulugan ng Make-up Elections. Gayundin, tinalakay maging ang pag-aakda ng probisyong nagmamandato sa mga kandidatong ipasa ang lahat ng mga kinakailangang form at dokumento bago ang simula ng paghahain ng COC at ang pagpapanumbalik ng paghahain ng kandidatura batay sa batch.
Inaasahan ng komiteng maipresenta ang kanilang mga ipinapanukalang pagbabago sa una o ikalawang linggo ng susunod na termino. Nakatakda namang makipagpulong ang COMELEC sa Office of Student Leadership Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) upang isapinal ang kalendaryo ng eleksyon nitong Agosto 17.
Pananagutan ng administrasyon
Tinalakay ni Diaz ang Revised Extension Guidelines bilang tugon ng LA sa kawalang-katiyakang panahon ng pagluluklok sa tungkulin ng mga magwawaging kandidato sa SE 2023. Kinilala rin niya ang nauna nang itinaguyod na sistema ng COMELEC sa sesyon para dito.
Pag-usisa ni EXCEL2023 at dating Chief Legislator Francis Loja, “If this is the case, would it be better to retain the existing Extension Guidelines?” Matatandaang iminamandato nito ang liderato ng USG na maglingkod sa kanilang mga posisyon hanggang sa pagtatapos ng SE 2023. Bunsod nito, hindi inenmiyendahan ang Seksyon 2 ng resolusyon.
Itinaas naman ang Seksyon 4 o Absorption of Terminal Batches upang bigyang-linaw ang kakayahang tumakbo para sa opisina ng mga magsisipagtapos na batch. Isinasalin nito ang pamamahala ng mga naturang batch government sa mga college government sa kasagsagan ng kasalukuyang administrasyon lamang.
Pinagkakalooban din dito ng kalayaan ang mga apektadong opisyal na manatili sa puwesto hanggang sa kanilang pagbibitiw o sa pagtatapos mula sa Pamantasan. Pagpapahalaga ni Diaz, “If we’re gonna be looking at the recommitment process. . . nababawasan by at least half ‘yung batch governments specifically. And, it may make it hard for these terminal batch governments to continue serving as is without some kind of support from their college governments.”
Paiiralin ang polisiya hanggang sa dulo ng unang termino ng susunod na akademikong taon o sa pagpapalit ng administrasyon ng USG.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 19 for, 0 against, at 0 abstain.
Legal na basehan ng pamamahala
Binigyang-estruktura ni Diaz sa Legislative Procedures Act ang eksklusibong kapangyarihan ng LA na mag-isyu ng mga memorial, writ, warrant, subpoena, at tumawag ng pampublikong pagdinig o inquiry. Kikilalaning paglabag sa mandato ng lehislatibong sangay ang anomang uri ng panghihimasok dito ng ibang yunit ng USG, alinsunod sa Artikulo 1, Seksyon 5 ng resolusyon. Pinanunumbalik din ng Seksyon 7 ang majority vote bilang nag-iisang sistema ng pagsasabatas ng mga panukala sa LA.
Inilalatag naman ng Artikulo 2 ang mga hakbangin para sa pampublikong pagdinig na pangangasiwaan ng lupon. Kakailanganin dito ang pag-apruba ng chief legislator o nakaatas na komite sa mga petisyon upang isagawa ang pagdinig. Binibigyang-abilidad naman ang ibang mga legislator upang hamunin ang hurisdiksyon nito. Maaari ding lumikha ng internal na panuntunan ang mga komite na isasaalang-alang ang resolusyon at rekomendasyon ng chief legislator at Legislative Assembly Inner Circle (LAIC).
Nasasaklaw ng Artikulo 3 ang mga legislative inquiry na susunod din sa kaparehong proseso ng mga pampublikong pagdinig. Idinedetalye naman ng Seksyon 24 ang patakaran para sa mga impormal na inquiry. Ipatatawag ito ng chief legislator sa konteksto ng pagpapatupad ng mga batas at polisiya. Sa kabila nito, idaraos lamang ang impormal na inquiry batay sa kasunduan ng mga tanggapan at hindi maaaring gawing mandatoryo.
Pagbubuod ni Diaz, “We, as the Legislative Assembly, have the capacity and the authority to modify these laws, but we can’t really do so without some sort of basis or findings or facts. . . We should really have a system na alam natin na makakausap ‘yung mga estudyante.”
Binigyang-pansin naman sa Artikulo 5 ang mga subpoena. Maaaring umapela ang sinomang legislator upang mag-isyu ng subpoena na lalagdaan ng chief legislator at kumpidensiyal na ipadadala ng Office of the Chief Legislator. Maituturing na contempt para sa isang opisyal o indibidwal ang hindi pagsunod sa mandato nito. Pamamahalaan din ng LAIC ang magiging pananagutan ng kasangkot.
Samantala, nilalaman ng Seksyon 5.3 ang kaparusahan para sa mga opisyal ng USG na hindi tutugon sa subpoena. Maaaring suspindihin ang nagkasala mula sa mga lehislatibong pagpupulong o sa kaniyang opisina nang hanggang 30 araw. Pansamantala namang hahalili sa puwesto ang kaniyang Officer-in-Charge sa kasong ito.
Tinutukan din sa Seksyon 5.4 ang pananagutan para sa mga hindi kasapi ng USG. Bukod sa suspensyon ng indibidwal mula sa mga lehislatibong pagpupulong, maaari ding itaas ng chief legislator ang kaso sa Inspector General o Ombudsman sa sitwasyong ilang beses mangyari ang paglabag. Mareresolba lamang ang contempt sa oras na talimahin ng nasasakdal ang proseso ng subpoena.
“Unless this bill gets approved, subpoenas issued by the Legislative Assembly have no real penalties. We can hold them in contempt, but we don’t really know what that entails, since we’re not really a judicial body,” wika ni Diaz.
Kinompirma naman niyang kinilala na ng USG Judiciary Inspector General ang resolusyon. Pinasalamatan din niya si LA Executive for Projects and Policy Monitoring Franky Alejo bilang kapwa may-akda.
Inaprubahan ang panukalang batas sa botong 19-0-0.
Pagpapatibay sa karapatan
Inihain nina Student Rights and Welfare (STRAW) Chairperson Michelle Engbino, Vice Chairperson Sai Kabiling, at Secretary Cedric Bautista ang Disability Inclusion Act na kinilala ng komite bilang rurok ng kanilang pagsisikap sa nakaraang tatlong buwan. Panimula ni Engbino, “Today is a crucial turning point. . . in terms of providing for one of the stakeholders that remain largely unseen and unrecognized in our student community.”
Inakda ito alinsunod sa Batas Republika Blg. 11650 na nagtataguyod sa karapatan ng mga estudyanteng PWD para sa inklusibo at dekalidad na edukasyon. Matatandaang nagdaos ang STRAW ng serye ng mga pagdinig kasama ang mga miyembro ng naturang komunidad upang tukuyin ang kanilang pangangailangan at kompletuhin ang resolusyon nitong huling termino.
Binibigyang-diin sa Seksyon 5.3 ang mga paglabag sa kanilang karapatan, kabilang na ang diskriminasyon at verbal, pisikal, o emosyonal na pang-aabuso. Iimbestigahan ito ng Commission on Disability Inclusion (CDI) na mamamahala sa programa kasama ang Student Discipline Formation Office.
Ipinapanukala naman ng Seksyon 7 ang pakikiisa ng USG sa mga operasyon ng CDI. Partikular na rito ang pakikipag-ugnayan sa SLIFE at pagpapalaganap ng kamalayan ukol sa mga pasilidad, espasyo, at kagamitang pangkampus para sa mga PWD. Nararapat suriin ng USG ang pagiging epektibo ng mga proyekto ng komisyon at tiyaking maipapasa ang gampanin nito sa mga susunod na opisyal.
Ipinabatid din ng STRAW na inilapit na nila ang resolusyon sa Office of Counseling and Career Services, Office of Student Affairs, Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being, Office of the President, at mga external na organisasyon. Salaysay pa ni Kabiling, pinanimulan nila ang pag-akda nito sa layuning tugunan ang lahat ng PWD sa Pamantasan, kabilang na ang mga empleyado.
Sa kasamaang palad, pinayuhan sila ng mga opisinang limitahan muna sa USG ang hurisdiksyon nito sapagkat hindi pa posible ang pagsasabisa ng inisyatiba para sa buong Pamantasan. Gayunpaman, nagpahayag pa rin ang mga tanggapan ng suporta upang palawigin ang programa sa hinaharap. Idinagdag naman ang probisyong tumitiyak ng pagsasakatuparan nito, sa pangunguna ni Loja.
Isinabatas ang programa sa botong 18-0-0.
Pinasalamatan ni Engbino ang mga ehekutibong opisyal ng Research and Development ng FAST2022, BLAZE2024, at CATCH2T26 para sa pagkalap ng datos na ginamit ng STRAW sa paglikha ng batas.
Paglalahad din ni Armogenia bilang kinatawan ng FAST2021 na nangunguna sa pagtataguyod ng student representation sa mga batch unit, “From our side. . . we want to say that we’re so thankful for you guys for making a lot of these dreams possible.”