WAGING IHAWLA ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang mababangis na University of Santo Tomas Golden Spikers, 26-28, 25-18, 28-26, 25-21, sa V-League Collegiate Challenge, Agosto 18, sa Paco Arena.
Kinilala bilang Player of the Game si team captain JM Ronquillo matapos kumamada ng 27 puntos mula sa 23 atake at apat na block. Kumayod din mula sa gitna si JJ Rodriguez nang tumudla ng 12 marka mula sa pitong atake, tatlong service ace, at dalawang block. Sa kabilang banda, nanguna para sa hanay ng Golden Spikers si middle blocker Rainer Flor tangan ang 13 puntos.
Gitgitang sagupaan ang ibinungad ng dalawang koponan sa unang set matapos magsagutan ng atake, 5-all. Sa kabilang banda, nakaabante ng dalawang puntos ang Golden Spikers nang magtala ng service error si Green Spiker Noel Kampton, 13-15. Gayunpaman, muling nabuhay ang kalalakihan ng Taft matapos angkinin ang set point sa bisa ng crosscourt attack ni Ronquillo, 24-23. Subalit, nanaig ang bangis ng mga tigre sa huling bahagi ng set gamit ang quick attack ni Flor, 26-28.
Tangan ang hangaring makabawi, pumorsyento agad sa gitna si Rodriguez, 2-1. Naitabla naman sa 15-all ang talaan nang magpalitan ng error ang magkabilang koponan. Bunsod nito, binasag ni kapitan Ronquillo ang katahimikan matapos umiskor ng magkakasunod na puntos, 20-18. Hindi na nagpahabol pa ang Taft-based squad nang selyuhan ang panalo sa ikalawang set gamit ang kill block nina Ronquillo at Maglinao, 25-18.
Napasakamay ng Green Spikers ang kalamangan pagdako ng ikatlong set matapos magpakawala ng magkasunod na service ace si Rodriguez, 6-4. Nagawa namang itabla ng España-based squad ang iskor sa bisa ng down-the-line hit ni Neil Catap, 17-all. Nakapagpundar pa ng 4-0 run ang Golden Spikers, 17-21, ngunit agad itong nahabol ng DLSU, 22-23. Kasunod nito, umabot pa sa 24-all ang talaan ng iskor bunsod ng kill block ni Green Spiker Nate Del Pilar sa atake ni Flor. Gayundin, tuluyang pinaamo ng koponang Berde at Puti ang mga tigre upang tuldukan ang set, 28-26.
Nagliyab naman ang mga galamay ni Green Spiker rookie Yoyong Mendoza sa pagpasok ng ikaapat na set, 6-4. Gumana rin ang tambalang Rodriguez at Ronquillo sa net upang payungan ang atake ni Golden Spiker Sherwin Umandal, 13-7. Tila hindi nagpapigil ang Taft-based squad sa pagpuntos matapos magpasabog ng isang crosscourt attack si Ronquillo at sinabayan pa ng mga panapos na atake ni Mendoza upang tuluyang selyuhan ang bakbakan, 25-21.
Bunsod ng panalong ito, nakamtan ng Green Spikers ang 1-0 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na makahaharap ng Taft-based squad ang koponan ng Far Eastern University Tamaraws sa darating na Linggo, Agosto 20, sa parehong oras at lugar.