PANINIIL ang hinaharap hanggang ngayon ng mga katutubong Molbog at Palaw’an sa sapilitang pag-agaw sa kanilang mga lupaing ninuno. Tago mula sa mga kuko ng industriya at pagsulong ng teknolohiya, dating matatagpuan ang payapang paninirahan ng mga katutubo sa mga isla ng Bugsuk at Pandanan sa Balabac, Palawan.
Bago pa man ang pagsunggab ng kanluraning ideya ng kaunlaran, maginhawa’t maunlad na naninirahan ang mga katutubo sa mga isla—pinakikinabangan ang mga lupaing tinataniman at karagatang pinangingisdaan. Subalit, noong kalagitnaan ng dekada sitenta, nakitil ang armonya ng payapang pamumuhay ng mga katutubo nang kamkamin ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr. ang mga islang ito upang bigyang-daan ang kaniyang konsepto ng “progreso” sa ilalim ng kaniyang mga korporasyon.
Batay sa teknikalidad, maituturing nang bahagi ng lupaing ninuno ang mga islang ito, kasama ang kanilang nilipatang Marihangin, sapagkat dekada kwarenta pa nang manirahan sila rito. Gayunpaman, hindi ito iginalang ng mga Cojuangco at puwersahang pinalayas ang mga katutubo mula sa mga isla sa tulong ng militar.
Bilang tugon ng mga katutubong Molbog at Palaw’an, binuo ang grupong Sambilog upang bigyang-boses ang kanilang hanay at sanggain ang panunupil ng mga mapang-aping korporasyong kanilang nilalabanan. Mahigit dalawang dekada nang ipinaglalaban ng grupo ang kanilang karapatan, ngunit mistulang David laban kay Goliat ang sagupaan. Hanggang ngayon, natutulog pa rin ang kanilang kaso. Bagamat pilit itong ibinabaon sa limot, hindi nito mapapawi ang halos limang dekadang pagkukuyom ng hinanakit ng mga katutubo.
Eksibisyon ng kapangyarihang marahas
Inimbitahan ng Pambansang Kilusan ng mga Samahang Magsasaka (PAKISAMA) ang Ang Pahayagang Plaridel sa isang talakayang kanilang inorganisa. Pinangunahan ang balitaktakan nina Atty. Christian Monsod, dating chairman ng Commission on Elections, Timothy Salomon ng National Land Coalition, at sampung kinatawan ng Sambilog.
Isinagawa ang talakayang ito upang magkaroon ng plataporma ang mga Molbog at Palaw’an na mabigyang-liwanag muli ang kaso ng land-grabbing ng pamilyang Cojuangco sa mga isla ng Bugsuk at Pandanan, at ang karahasang dinadanas nila ngayon sa kamay ng San Miguel Corporation (SMC) sa isla ng Marihangin. Isinalaysay ni Socrates Banzuela, executive director ng PAKISAMA, na mahigit 34 na taon nang naantala ang proseso ng pamamahagi ng mga lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) para sa mga katutubo. Matatandaang noong 2005, nagbuklod ang Sambilog upang magsumite ng Certificate of Ancestral Domain Claim sa National Commission of Indigenous Peoples.
Bukod pa rito, noong Hunyo 2014 pa lamang, ginawaran na ng Notice of Coverage (NOC) ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang 10,825 ektaryang lupain na sakop ang mga isla ng Bugsuk, Pandanan, at Marihangin. Subalit, hanggang ngayon, wala pa ring abante ang pamamahagi ng mga titulo sa mga lehitimong benepisyaryo ng CARP.
Sa pagsasalaysay ni Salvacion Atilano, miyembro ng board of directors ng Sambilog, puwersahang pinaalis ang mga katutubo noong 1974 mula sa mga isla ng Bugsuk at Pandanan para sa dalawang korporasyon ni Cojuangco. Isa rito ang Agricultural Investment Inc.—kasalukuyang nasa kamay ng SMC—na sumasakop sa mga nasabing lupaing ninuno sa malaking bahagi ng Bugsuk, maliban sa pinakatimog na bahagi ng isla. Ang Jewelmer Corporation naman ang sumasakop sa mga karagatang bahagi ng Pandanan, mga traditional fishing ground, at rutang pandagat na nakapalibot sa kanlurang bahagi ng Bugsuk na ginagamit ng mga katutubo.
Paglalahad niya, “Wala po kaming magawa. Bawat puno ng niyog, may mga Armalite na nakasandal. Hindi ka puwedeng magsabing no.” Dulot nito, nauwi sa matinding laro ng intimidasyon at eksibisyon ng kapangyarihan sa presensya ng militar ang sapilitang land swapping agreement at “pagbili” ni Cojuangco sa mga lupa.
Dagdag pa ni Atilano, sapilitang inilipat ang lahat ng residente ng mga baranggay sa isla ng Bugsuk sa iba’t ibang bahagi ng Palawan. Sa gitna ng dahas at pagbabanta, tanggapin man nila ang bayad o hindi, wala na silang magawa kundi umalis. Sa kasalukuyan, pinagbabawalan pa ring manirahan o bumisita ang mga katutubo sa malaking bahagi ng Bugsuk. Gayundin, hindi sila pinahihintulutang mangisda malapit sa Pandanan dulot ng mga pearl farm na itinanim ng Jewelmer Corporation.
Ayon sa Sambilog, nag-abiso ng katwiran ang DAR na batay sa validation exercise na isinagawa nila nitong Mayo na hindi angkop bilang agricultural land ang isla ng Marihangin. Subalit, ipinaliwanag ni Monsod na hindi maaaring maisama sa NOC na ibinigay ng DAR ang isla sapagkat hindi ito napabibilang sa nasabing klasipikasyon ng lupa. Hindi rin niya tiyak ang katotohanan sa exemption order na inilabas bunsod ng agarang paglabas nito at kawalan ng kopya ng mga katutubo.
Nitong Hunyo, nag-organisa ng isang diyalogo si Atty. Marvin Bernal, DAR Regional Director ng MIMAROPA, upang mamagitan sa SMC at sa komunidad ng Marihangin, at talakayin ang exemption order sa isla at ang usaping relokasyon ng mga residente. Sa kasamaang palad, nauwi sa malatalumpating pagpapahayag ng mga benepisyo at pagpapaganda ng mga proyektong isasagawa ng SMC sa mga isla ang usapan.
Kuwento ng isang miyembro ng Sambilog, inalok ang mga residente ng trabaho, kabayarang nagkakahalagang Php300,000 para sa may mga lupa, at Php100,000 naman para sa mga dayong naninirahan. Imbes na magkaayos sa usapan, nauwi sa pananakot, pagbabantang pagpapalayas, pagpapakulong, at legal harrassment ng SMC ang pagtanggi ng mga katutubo.
Pagsangga sa bugso ng mapaniil na hangin
Bagamat tila isang imposibleng laban ang kinahaharap ng mga katutubo, matibay ang pundasyon ng kanilang mga kinatatayuan ukol sa kanilang ancestral domain claim. Binanggit ng panig ni Monsod, “Sa ilalim ng batas, traditionally, sa inyo ‘yan. Legal [confirmation] na lang ng title sa inyo dahil matagal na kayo ang may-ari. . . Ang dami niyong basehan sa batas na dapat ituloy ng DAR ‘yung [issuance] ng coverage.” Bukod pa sa desisyon ng Sandiganbayan na pumapabor sa mga katutubo, maaari din nilang labanan ang biglaang pag-issue ng exemption order ng DAR partikular sa isla ng Marihangin.
Ipinabatid ni Salomon na, batay sa Indigenous Peoples Rights Act ng 1997, na hindi nakadepende sa layunin o gamit ng lupain ang pag-aari ng mga katutubo. Pang-agrikultura man o hindi, hindi maaaring ipagkait ang lupain sapagkat nakasaad sa batas na sila ang nagmamay-ari ng mga ito. Binanggit niya ring malayo na ang narating ng pakikipaglaban ng Sambilog—hindi lamang sa 37 ektaryang isla ng Marihangin, pati na rin sa lahat ng sakop ng lupaing ninuno ng mga katutubo.
Ukol naman sa ginagawa ng SMC sa Marihangin, dagdag ni Salomon na bukod sa desisyon mula sa Sandiganbayan, may pagpapatibay pa ng batas na nagtataguyod ng pag-aari ng mga katutubo. Binanggit din ni Salomon na ilegal ang ginagawa ng SMC na pilit na nag-aalok ng kabayaran at relokasyon para sa mga residente ng isla sapagkat bilang sakop ng ancestral domain, hindi maaaring “ibenta” ang mga lupain.
Sa isinalaysay ng mga residente ng Marihangin na umiiral na paniniil ng mga korporasyon, malinaw na pabor sa mga katutubo ang batas. Idinadaan na lamang ito ng SMC sa kapangyarihan at impluwensya. Wika ni Salomon, “Alam nilang talo na sila sa batas, so dinadaan nila sa karahasan. . . Desperado na po kasi sila.”
Bilang pag-asa para sa mga katutubo at para sa mga susunod na hakbang na maaari nilang tahakin, hirit ng panig ni Monsod na malinaw ang mga batayan at mga karapatan ng mga katutubo ukol sa kanilang ipinaglalabang mga lupaing ninuno. Dagdag nila na walang kapangyarihan ang DAR, SMC, at sinomang ahensya o korporasyon na maaaring pumigil sa pag-usad ng kanilang kaso.
Batas bilang armas
Mahalagang may kamalayan ang mga katutubo ukol sa batas, sa kanilang mga karapatan, at sa tulong na maaari nilang makuha mula sa mga abogado at sa mga non-governmental organization. Pawari ni Lolita Antonio, isang social worker, “Doon sa mga ibinahagi [ninyo] ngayon, ‘yung mga harrassment, malaking bagay talaga na kailangan pa nilang matutuhan kung paano nila ito haharapin. Kahit yung simpleng affidavit lang, na isa sa mga ginawa naming pagkilos [sa Calawit issue].”
Idinagdag niya pang kinakailangang paghandaan nang husto at sama-samang magbuklod at tumindig ang mga katutubo para sa labang kanilang hinaharap. Hinihikayat niyang kalakip ng bagong kaalaman ukol sa kanilang mga karapatan ang tungkuling kilalanin nang husto ang kinakalaban upang matiyak ang tama at patas na paraan upang sanggain ang mapaniil na hangin.
Halos limang dekada nang kinukuyom ng mga katutubo ang galit at sama ng loob sa mga umagaw at gumahasa ng kanilang mga lupaing ninuno. Sa patuloy na paniniil ng mga multo ng nakaraan, nililibak pa rin sila ng mga karahasang dulot ng mga Cojuangco, at sa kasalukuyan ng SMC. Ngayong patas na ang laban, hustisya at pananagutan ang mga pangunahing hinaing ng mga katutubo. Bagamat idinadaan na lamang sa taktikang intimidasyon at karahasan, hindi nag-iisa ang mga Molbog at Palaw’an. Gaano man kalaki ang kanilang kasangga, batas ang kanilang pangunahing armas na dadalhin ang laban sa digmaang patas.