Sinta, ‘di mo ba alam? Halos ‘di na makatulog kakaisip, ikaw ang dahilan. Sa pagdribol at paglipad ng bola, unti-unting tumibok ang mga puso. Balisa’t palinga-linga sa nadarama ng dibdib—nabuo sa makitid na kort ang pag-ibig ng dalawang dalagang atleta ng volleyball.
Ikaw ang pahinga, ang tanging ninanais kahit ‘di ka naman sa’kin papunta. Tila mawalan ng hininga sa bawat titig ng mata at haplos ng balat. Hindi na minsan mamataan ang mata dahil sa dambuhalang ngiting sinasakop ang kabuuan ng mukha.
Bakit ganito? ‘Di ko naman ‘to ginusto pero sige lang ikaw pa rin. Mawala man ang kislap sa busilig ng mata, hindi kukupas ang pag-irog na nararamdaman. Sa harap ng anomang balakid, uuwi pa rin sa itinuturing na tahanan.
Sa direksiyon ni Samantha Lee, nasilayan ang pelikulang pinamagatang Rookie na gumalugad sa romantikong relasyon ng dalawang dalaga. Kabilang ang naturang likhang-sining sa sari-saring obrang inihandog ng Cinemalaya 19: IlumiNasyon. Maliban sa pagtampok sa isang queer relationship, tinalakay din sa palabas ang iba-ibang identidad ng kababaihang bahagi ng LGBTQIA+. Gayundin, sinipat ng kanilang istorya ang kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mga kasarian at pagtrato sa mga babae bilang instrumentong nagbibigay saya lamang sa kalalakihan.
Namumulaklak na paggiliw
Hindi natatakpan ang puwang sa pusong malimit na nakararanas ng diskriminasyon. Nais mang ipangalandakan ang tunay na identidad, nawawalan ng lakas ang pusong nais kumawala sa bitag ng mapanghusgang lipunan. Sa dahang-dahang pagliwanag ng iskrin, agarang matatanaw ang kinahaharap na katotohanan ni Ace, na ginampanan ni Pat Tingjuy, ukol sa kaibahan ng pagtingin sa kababaihan at kalalakihan. Tila ninakawan ng saya ang kaniyang mukha nang naintindihang hindi siya sineseryoso ng mga lalaking kalaro sa basketball.
Nagpatuloy ang iniindang malumbaw na damdamin ni Ace hanggang nagtungo siya sa kaniyang bagong paaralan sa San Lorenzo na pinamumunuan ng mga madre. Dulot ito ng kakapusan ng basketball varsity team sa paaralan. Nag-umpisa rito ang pagtulak ng paligid upang makilala ni Ace si Jana, na ginampanan ni Aya Fernandez, isang atletang bahagi ng Angels o ang volleyball team ng paaralan.
Sa kanilang pagsasama bilang magkakampi, nanaig ang hindi pagtugma ng kanilang mga ugali sapagkat magkaiba ang antas ng kanilang dedikasyon sa isport. Bilang baguhan makikita ang kawalan ng alam ni Ace sa laro habang damang-dama naman ang inaalay na dugo’t pawis ng beteranong si Jana sa volleyball. Gayunpaman, sa pag-iba ng anyo ng paglalaro ni Ace—nagiba nito ang nangingibabaw na yamot ni Jana tungo sa kaniya. Hudyat ng pagsisimula ng kanilang romantikong pagtingin sa isa’t isa.
Nakapapanibagong atake ang lumitaw nang lumubog na ang kuwento sa romantikong relasyon ni Ace at Jana. Kabaligtaran ng masalimuot na realidad, walang kalaliman ang mga pang-aaping natanggap ng kanilang pag-iibigan. Tila ipinasok ng palabas ang mga manonood sa mundong sang-ayon ang halos lahat sa relasyon ng dalawang babae. Sa pagnormalisa ng isang queer relationship, matibay nitong ipinamalas na walang masama sa ganitong klaseng pagsinta. Patunay itong hindi kinakailangang maging kakaiba at masidhi ang naturang pagpapahayag ng kanilang kuwento dahil katulad ng relasyon sa pagitan ng isang lalaki at babae—wala itong ipinagkaiba. Naiparating din nitong hindi kailangang maging pangunahing pokus ng mga palabas ang relasyon upang mabigyan ng maayos na representasyon ang mga babaeng bahagi ng LGBTQIA+.
Nasaksihan din sa palabas ang isang malusog na pag-iibigan. Hindi nito ginamit ang mga miyembro ng LGBTQIA+ upang maglantad ng mahahalay na eksena. Salungat ito sa ibang palabas na kadalasan silang inilalarawan sa seksuwal na paraan. Inihatid lamang nito ang inosenteng pagmamahalan ng dalawang dalaga gamit ang unti-unting pagtigil ng mundo at paglalim ng kanilang pagtingin. Sariwang naibahagi ito sa mga manonood nang walang bakas ng malisya o labis na pagdampis ng mga balat.
Subalit, may tangan pa ring puwang sa napiling paraan ng pagtalakay dahil hindi nito sinasalamin ang realidad. Sa gayon, matatantong nakulangan ito ng pagtambad ng katotohanan; nawalan ng pagkilala sa kahindik-hindik na kirot na araw-araw na nararanasan ng mga homosexual. Gayunpaman, lumitaw pa rin sa pelikula ang isang kultural na aspektong malimit na humahadlang sa pagkakapantay-pantay ng mga kasarian sa Pilipinas—ang Katolikong relihiyon. Ipinakita rito na sa bawat pagpapahayag at pananamit na hindi angkop sa mga nakasanayang kasarian, mangangaral at titiyakin nilang hindi ito karaniwan dahil sa pagiging alinsuwag sa mga relihiyosong paniniwala.
Kababaihan sa mundo ng kalalakihan
Tanyag man ang palabas na nakapokus sa pagbuo ng relasyon sa pagitan ng dalawang babae, hindi natapos dito ang kabuluhan ng likhang-sining. Isinalaysay din nito ang masidhing epekto ng daigdig na mas binibigyang-halaga ang kalalakihan; ang mundong nagtatanggal ng halaga sa pagkatao ng mga babae.
Bahagyang ipinasilip sa palabas ang pamantayan ng karikitan at dangal na malimit inaalala ng kababaihan sa kanilang bawat galaw. Mahusay nitong itinatak sa loob ng ilang segundo ang pagnormalisa ng mga pamantayan na nag-iiwas sa kababaihan na ipasilay ang kanilang payak na sarili. Binigyang-diin dito ang konserbatibong kultura ng bansa sa hindi paggamit ng kasama ni Jana sa koponan ng tampon para sa regla sapagkat hindi pa siya nakararanas ng pagtatalik. Sa kabilang banda, itinambad naman ang malubhang pagpapahalaga ng lipunan sa itsura at imahen ng mga babae nang nag-alala ang isa pa nilang kakampi ukol sa hindi niya naahit na buhok sa kili-kili.
Maselan mang paksa, mas sumisid pa ang palabas sa isang mundong mas angat ang pagtingin sa kalalakihan. Umpisa pa lamang binigyang-pahiwatig na ang kalamangan ng mga lalaki nang inilantad ang hindi parehong pakahulugan ng maikling shorts para sa mga atleta. Naranasan dito ni Ace at iba pang miyembro ng Angels ang nakadidiring pahayag at galaw ni Coach Kel, na ginampanan ni Mikoy Morales. Paalalang kahit ginagamit ito upang makagalaw nang mabuti ang mga manlalaro, nakikita ito ng ibang lalaki bilang paraan upang matanaw ang binti ng mga babae. Bukod dito, masidhi pang lumubog ang istorya nang naganap na ang kagimbal-gimbal na pang-aabusong seksuwal. Ipinasilay dito ang kasindak-sindak na karanasan ng kababaihan—na kahit pilitin mang itong itago mananatili pa ring nakalibing sa kariwaraan ang isang babae.
Mapangahas din ang pagsipat sa iba’t ibang aspektong nagtutulak sa mga babaeng manahimik at hindi lumaban sa mga salarin. Inihayag nilang nanatiling tikom ang kanilang bibig dahil sa maaaaring makuhang diskriminasyon mula sa ibang tao. Dagdag din sa takot ang posibleng negatibong reaksiyon, kawalang-tiwala, at punang matatanggap mula sa mga mahal sa buhay, relihiyon, at lipunan. Repleksiyon ito ng nakasusuyang realidad na paglalakip ng sisi sa mga biktima sa kabila ng abusong dinanas. Tila mas kinikitil nito ang dangal at kapurihan ng mga babaeng nakaranas ng pang-aabuso kaysa sa mga lalaking gumawa ng panlalapastangan sa kanilang pagkatao.
Gayunpaman, kakikitaan din ng kapintasan ang ginamit na atake upang ihayag ito sa pelikula. Mapapansin sa reaksiyon ng mga manonood na nilapatan ng katatawanan ang mababaw na proseso ng kanilang pagkuha ng hustisya. Gayundin, may mabibigat na isyung tulad ng seksuwal na pang-aabusong tila naresolba na lamang sapagkat mas nais bigyang-pokus ng palabas ang relasyon nina Ace at Jana. Sa ibang lente, masasabing salamin din ito ng realidad sapagkat malimit na ginagamit ng iba ang sariling suntok at sipa upang makamit ang hustisya. Subalit, bilang lunsaran ng mga makabuluhang mensahe, mahalagang seryoso ang atake rito upang maipabatid ang malinaw na implikasyon ng pang-aabuso—nararapat bigyan ng lalim ang mga isyung pumapalibot sa lahat ng tao.
Sa pagbagsak ng bola
Matatanaw na hindi lamang kuwento ng pagmamahalan at representasyon ang Rookie sapagkat pagsisid din ito sa sari-saring isyung kinahaharap sa lipunan. Hindi man perpekto ang ang nagawang pagtalakay sa mga isyu, hakbang pa rin ito upang mabigyan ng lunduyan ang mga kontrobersiyal na kaganapang sinasalubong ng bawat isa.
Sa kabilang banda, itinatak din ng pelikula na anoman ang kasarian at kasuotan ng isang babae—hindi sila ligtas sa pagmamalabis at pagmamalupit ng kalalakihan. Sa gayon, naihatid nitong nararapat bumangon ang lahat sa katotohanang kinakailangan ng lahat magkapit-bisig upang tulungan ang mga natumba nating kapwa.
Pinakamahalaga sa lahat ang pagbibigay ng representasyon sa iba’t ibang buhay ng kababaihan. Binigyan nito ng lagusan ang karanasan at pagsintang bihirang masilayan sa malalawak na iskrin. Sa kaigihan ng pelikulang Rookie, tumibay muli ang daanang mag-aakay sa lahat na baguhin ang pagtingin sa mga kasarian.