NAGREYNA ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers matapos pabagsakin ang lupon ng Adamson University (AdU) Lady Falcons sa loob ng straight sets, 25-19, 25-22, 25-17, sa do-or-die finals ng Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 13, sa FilOil EcoOil Centre.
Kinilala si team captain at playmaker Julia Coronel bilang MVP of the match bitbit ang tatlong puntos at 12 excellent set. Bumida naman sa opensa ng koponan si scoring machine Shevana Laput matapos magsumite ng 13 puntos mula sa 11 attack at dalawang block.
Palitan ng puntos ang naging eksena ng magkabilang koponan sa pagbubukas ng unang set, 12-all. Sa kabilang banda, mabilis na nakatakas ang Lady Spikers nang kumamada ng magkakasunod na puntos si Taft tower Thea Gagate, 17-12. Sinubukan namang padikitin ni Lady Falcon Ishie Lalongisip ang talaan, ngunit hindi ito naging sapat nang basagin ni Amie Provido ang malapader na block ng Adamson, 25-19.
Lalong pinuntirya ng rumaragasang opensa ng Lady Spikers ang depensa ng Lady Falcons upang palobohin ang kanilang kalamangan, 16-7. Gayunpaman, mabilis na nakahabol ang San Marcelino-based squad nang magpasiklab ng mga tirada sina Lucille Almonte at Sharya Ancheta, 20-15. Nakalipad pa ang Lady Falcons tungo sa iskor na 23-22 nang magpamigay ng libreng puntos ang Taft-mainstays, subalit agad nang tinuldukan ni Jyne Soreño ang set gamit ang kaniyang pamatay na block, 25-22.
Nagpatuloy ang pananalasa ng La Salle nang magpasabog ng crosscourt attack si Laput, 14-8. Sa kabilang banda, pilit na binubuhat ni Almonte ang opensa ng kaniyang koponan upang paimpisin ang namamagang angat ng DLSU, 16-12. Gayunpaman, hindi na nagpaawat si Alleiah Malaluan matapos magpakawala ng magkasunod na atake gamit ang kaniyang off-the-block hit at down-the-line kill upang selyuhan ang sagupaan, 25-17.
Matagumpay na nasungkit ng Lady Spikers ang kampeonato sa naturang torneo dulot ng kanilang pagsisikap at pagkakaisa sa loob ng kort. Samakatuwid, humakot naman ng mga parangal ang kababaihan ng Taft sa nagtapos na liga.
Listahan ng mga pinarangalan:
1st Best Open Hitter: Golden Tigress Angeline Poyos
2nd Best Open Hitter: Lady Spiker Alleiah Malaluan
1st Best Middle Blocker: Lady Spiker Thea Gagate
2nd Best Middle Blocker: Lady Spiker Amie Provido
Best Opposite Hitter: Lady Spiker Shevana Laput
Best Libero: Golden Tigress Det Pepito
Best Setter: Lady Falcon Angelica Alcantara
Most Valuable Player: Lady Spiker Shevana Laput