PINARUSAHAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang Adamson University Lady Falcons matapos magreyna sa loob ng straight sets, 25-23, 25-12, 25-18, sa game 2 ng finals ng Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 12, sa FilOil EcoOil Centre.
Kinilala bilang Player of the Game si scoring machine Shevana Laput matapos magrehistro ng 18 marka. Umagapay din para sa koponan si middle blocker Amie Provido tangan ang 13 puntos. Pinangunahan naman ni Ayesha Juegos ang kababaihan ng San Marcelino matapos kumamada ng 12 puntos mula sa sampung attack at dalawang ace.
Maagang gitgitan ang ibinungad ng dalawang koponan matapos magsagutan ng puntos sa pagbubukas ng unang set, 17-all. Matapos makaangat ng dalawang puntos ang Lady Falcons bunsod ng umaatikabong atake ni Red Bascon, naitabla naman agad ng Lady Spikers ang talaan gamit ang off-the-block hit ni Alleiah Malaluan at quick attack ni Provido, 23-all. Samakatuwid, ibinulsa ng Taft-based squad ang panalo sa set nang bigong maipasok ni Bascon ang kaniyang service, 25-23.
Binuksan naman ni Thea Gagate ang ikalawang set matapos payungan ang nag-aalab na tirada ni Lucille Almonte, 3-2. Mas pinaigting naman ng DLSU ang kanilang depensa upang pigilan ang namumuong kumpiyansa ni Bascon, 7-4. Kasunod nito, patuloy na nagliyab ang mga galamay ni Laput matapos kumamada ng magkakasunod na puntos, 14-8. Naging bentahe rin ng Lady Spikers ang mga off-the-block hit nina Alleiah Malaluan at Maicah Larroza upang iangat sa siyam ang kanilang kalamangan, 20-11. Tila hindi na nakalipad ang Lady Falcons nang ipamalas ni Gagate ang kaniyang bantay-saradong depensa sa net, 25-12.
Naging mabagal naman ang usad ng Taft-mainstays sa unang bahagi ng ikatlong set nang magpakitang-gilas si Almonte gamit ang kaniyang solidong atake na sinundan pa ng kill block sa tirada ni Laput, 3-5. Agad namang rumesponde si Provido sa bisa ng isang running attack upang itabla ang talaan, 6–all. Nakabuo pa ng 5-0 run ang koponang Berde at Puti sa pamamagitan ng one-two play ni playmaker Julia Coronel, 12-7. Nagpatuloy ang pamamayagpag ng Lady Spikers matapos basagin ni Provido ang regalong hatid ng Lady Falcons, 20-12. Sa huli, naselyuhan na ang panalo ng Taft-based squad bunsod ng service error ni Angelica Alcantara, 25-18.
Buhat ng pagkapanalo, waging naitawid ng Lady Spikers ang kanilang koponan sa do-or-die finals ng naturang torneo. Abangan ang kapana-panabik na huling bakbakan bukas, Agosto 13, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.