KINAPOS ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa matayog na paglipad ng Adamson University (AdU) Lady Falcons sa makapigil-hiningang sagupaan sa loob ng limang set, 25-22, 17-25, 25-17, 25-27, 14-16, sa kanilang unang paghaharap sa finals ng Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 9, sa FilOil EcoOil Centre.
Nanguna para sa koponang Berde at Puti si opposite hitter Shevana Laput matapos magsumite ng 30 puntos mula sa 22 atake, apat na block, at apat na service ace. Nag-ambag din sa opensa sina Thea Gagate at Alleiah Malaluan tangan ang tig-14 na marka. Nagningning naman para sa Lady Falcons si team captain Lucille Almonte matapos magtala ng 24 na puntos mula sa 20 atake, tatlong service ace, at isang block.
Solidong opensa ang ibinungad ng Lady Spikers sa unang bahagi ng bakbakan nang magpakawala si Malaluan ng off-the-block hit, 5-2. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Lady Falcons nang kalampagin ni Ayesha Juegos ang zone 1 ng kort, 12-13. Gayunpaman, muling nagpasiklab si Laput matapos magpakawala ng umaatikabong atake at dalawang service ace, 20-17. Nagpatuloy pa ang pamamayagpag ng Taft-mainstays nang ipalasap ni Gagate ang kaniyang quick attack upang isara ang set, 25-22.
Bumulusok naman ng takbo ang Lady Falcons nang pigilang makapuntos ang kababaihan ng Taft pagdako ng ikalawang set, 0-6. Nanatili pa sa komportableng kalamangan ang San Marcelino-based squad nang magpasabog ng isang quick attack si Lorene Toring, 10-18. Bunsod nito, tuluyang dumapa ang Lady Spikers nang magpakawala ng backrow attack si Juegos upang tuldukan ang set, 17-25.
Nagpalitan naman ng puntos ang magkabilang koponan pagpasok ng ikatlong set, 9-8. Sa kabilang banda, pinalobo naman ni Amie Provido ang kalamangan ng DLSU matapos basagin ang regalong hatid ng Adamson, 19-15. Buhat nito, hindi na nakalipad ang Lady Falcons nang rumatsada ng magkakasunod na atake si Jyne Soreño, 25-17.
Nakapagtatag ng limang puntos na angat ang Taft-based squad bunsod ng mga kargadong serve ni Maicah Larroza sa pagbubukas ng ikaapat na set, 6-1. Nagpakitang-gilas naman si Gagate matapos umeksena sa gitna mula sa one-hand set ni Ela Raagas, 20-11. Subalit, mabilis na nakahabol ang Adamson nang makabuo ng 8-0 run, 20-19. Gayundin, tuluyang pumagaspas ang mga pakpak ng Lady Falcons matapos kumabig ng crosscourt attack si Red Bacson upang wakasan ang set, 25-27.
Umarangkada agad ang San Marcelino-based squad sa huling set nang paigtingin ni Sharya Ancheta ang kaniyang depensa sa net, 1-3. Sinubukan pang itabla ni Laput ang talaan, ngunit tuluyang nabasag ang dinamika ng mga kababaihan ng Taft nang magtala ng mga unforced error, 11-9. Buhat nito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Lady Falcons upang selyuhan ang panalo, 16-14.
Bunsod ng pagkatalo, nadungisan ang malinis na panalo-talo kartada ng Lady Spikers sa naturang torneo. Samantala, susubukang makabawi ng Taft-based squad kontra Lady Falcons sa game 2 ng best-of-three finals na gaganapin sa Agosto 12 sa parehong oras at lugar.