Pagbibitiw sa puwesto nina VPIA Janine Siy at Executive Secretary Marco San Juan, binigyang-bisa sa ikasiyam na regular na sesyon ng LA

NILISAN nina Vice President for Internal Affairs Janine Siy at Executive Secretary Marco San Juan ang kanilang mga puwesto sa ikasiyam na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Agosto 2. 

Tinutukan din sa sesyon ang Temporary Resignation Guidelines para sa mas mabisang sistema ng pagbibitiw, mga paghahanda para sa Special Elections (SE) 2023, at ang pagpapanatili ng kasalukuyang disenyo ng mga person with disability (PWD) ID lanyard.

Pagbaba sa tinitingalang puwesto

Pinanimulan ni Chief Legislator Sebastian Diaz ang talakayan sa pagbaba sa puwesto ni Siy nitong Agosto 14 at pagtatalaga kay Ashley Francisco, chief of student welfare ng Office of the Vice President for Internal Affairs, bilang kahalili. Alinsunod ito sa Extension and Resignation Guidelines na nagmamandato sa mga magbibitiw na opisyal na magrekomenda ng hahalili mula sa kaparehong opisina.

Ibinahagi ni Diaz na isinaalang-alang ni Siy sa kaniyang pagbibitiw ang kawalan ng kakayahang magpatuloy sa paglilingkod sa University Student Government (USG) dahil sa kaniyang papalapit na pagtatapos sa Pamantasan. Bukod pa rito, nananatili ang kawalan ng kongkretong plano at petsa mula sa DLSU Commission on Elections (COMELEC) para sa SE 2023.

Binusisi naman ni Zak Armogenia, FAST2021, ang saklaw na kapangyarihan ng hahaliling opisyal. Aniya, “Will she retain the same constitutional powers in the constitution [as the incumbent], the OIC officer?” Sagot ni Diaz, “At most, as OIC, you will be handling the operations and continuing [the] function of the office, and also will serve as the point person for such matters.”

Kinuwestiyon naman ni Sai Kabiling, CATCH2T26, ang pagliban ni Siy sa sesyon. Depensa ni Diaz, nauna nang ipinabatid sa kaniya ni Siy na hindi siya makadadalo dulot ng mga gawaing pang-akademya.

Inaprubahan ang pagbibitiw ni Siy sa botong 11 for, 0 against, at 0 abstain.

Mensahe ni Diaz, “I would like to personally thank Ms. Siy for her service to the USG. . . I wish her all the best, and I know she has everyone’s best intentions when she [made] that decision.”

Kasunod nito, kaniya namang tinutukan ang pagbaba sa puwesto ni San Juan  at ang pagtatakda kay Clarisse Abiera, chief of staff ng Office of the Secretary (OSEC), bilang kahalili. Paglalahad ni San Juan sa kaniyang liham ng pagbibitiw, ito na rin ang kaniyang huling termino bilang estudyante sa Pamantasan.

Ikinabahala ni Kabiling ang magiging proseso ng mga pagbibitiw sa USG gayong mababakante ang OSEC. Paglilinaw ni Diaz, pangangasiwaan ng hahaliling opisyal ang trabaho ng opisinang itala at isapubliko ang mga opisyal na nagbitiw.

Inusisa ni San Juan ang pinagmulan ng naturang mandato sa kadahilanang hindi ito isinagawa ng OSEC sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Pag-ako ni Diaz, “It’s been a lapse on the end of the LA and OSEC, as well, for not doing that. But that’s something that OSEC should be doing.”

Kaugnay nito, iminungkahi ni San Juan ang paglalathala ng talaan ng mga nagbitiw na opisyal at kanilang mga kahalili sa pagbubukas ng susunod na akademikong taon. Hango ito sa inilabas nilang listahan ng mga bagong halal na opisyal noong simula ng kanilang panunungkulan. Pangangasiwaan naman ito ng OSEC sa pamumuno ni Abiera at ng LA.

Pinuri ni Diaz ang suhestiyon ni San Juan at inilapit ito sa komite ng Rules and Policies (RnP) upang suriin. Ipinaabot din niya ang kaniyang pasasalamat sa walang-sawang pagtulong ni San Juan sa mga operasyon ng LA, partikular na sa pagreserba ng mga silid at pagpapakalat ng mga anunsiyo nito.

“It made the life of the LA so much easier. . . If not for him and his leadership, then the LA could be reaching far less than [we] are currently reaching now. So, on behalf of the LA, thank you so much for your service,” wika ni Diaz.

Pagbabahagi rin ni Armogenia, nasaksihan niya ang tinahak ni San Juan bilang estudyanteng lider sa USG, at nagsilbi niyang sandigan upang mamuno noong bago pa lamang siya sa Pamantasan. Sambit niya, “It’s because of this person I’m here today. . . And I hope that along the way, you know that you’ve made such a big impact in people’s lives.”

Gayundin, hindi niya pinalampas ang oportunidad upang humingi ng payo kay San Juan ukol sa kaniyang pinakamahalagang natutuhan bilang Executive Secretary. Pagsasaboses ni San Juan, “Forget everything except being nice to others while having your constituents [and] the students. . . in mind. At the end of the day, that’s what matters.”

Isinapormal ang pagbibitiw ni San Juan sa botong 13-0-0.

Mga hakbang sa pagbaba

Itinaguyod ni Mika Rabacca, FOCUS2022, ang pagpapatupad ng mas epektibong sistema para sa pagbibitiw sa puwesto ng mga opisyal ng USG sa akda niyang Temporary Provisional Resignation Guidelines for Extending Incumbent Officers of A.Y. 2022–2023. Layon nitong tugunan ang pagkaantala sa pagsasapinal ng mga pagbibitiw at tiyakin ang patuloy  na operasyon ng USG kasunod ng pagkansela sa General Elections (GE) 2023.

Ipinagkakaloob ng Seksyon 2 ng probisyon ang pamamahala ng proseso sa mga College Legislative Board (CLB), kabilang na ang pag-apruba sa mga opisyal na bababa sa puwesto. Ayon dito, nararapat munang kilalanin ng USG President, Executive Secretary, Chief Legislator, at Chief Magistrate ang mga liham ng pagbibitiw bago suriin ng CLB at itaas sa LA para pagbotohan.

Minamandato naman ng Seksyon 2.3.1 ang pagsusumite ng CLB ng desisyon nito sa LA sa loob ng tatlong araw matapos magpahayag ng kagustuhang magbitiw sa tungkulin ang isang opisyal. Isasagawa rin ito sa labas ng mga sesyon upang maiwasan ang pagkaantalang dulot ng mga aberya sa pagsasaayos ng pagpupulong.

Pagbibigay-diin pa ni Rabacca, obligasyon ng CLB na resolbahan ang mga pagtutol na maaaring itaas mula sa hindi pagtalima sa USG Constitution, General Procedural Guidelines, o Extension and Resignation Guidelines. Sakaling hindi mapagkasunduan ng lupon, isasalin ang hurisdiksyon ng kaso sa LA na pagpapasyahan sa isang espesyal na sesyon, alinsunod sa Seksyon 2.2.3.1.

Nakasaad naman sa Seksyon 3 na susundin pa rin ang General Procedural Guidelines sa paghalal ng mga opisyal ng ehekutibong sangay sa kasagsagan ng extension. Bibigyang-bisa lamang ang probisyon para sa mga College President at mga yunit ng bawat batch, ayon sa Seksyon 4. Paiiralin  ito hanggang sa unang termino ng susunod na akademikong taon.

Isinabatas ang panukala sa botong 13-0-0.

Pagkukumpuni sa eleksyon

Inanunsiyo ni Diaz na kinompirma na ng USG Judiciary si Carlos Gaw Jr. mula sa School of Economics bilang bagong komisyoner ng COMELEC sa kaparehong araw. Ipinaalam din niyang kasalukuyan siyang nakikipag-ugnayan kay Joaquin Sosa, acting chairperson, ukol sa magiging transisyon ng kanilang tanggapan.

Samakatuwid, si Gaw na ang tatayong kinatawan ng COMELEC para sa mga usaping pang-eleksyon bilang nag-iisang komisyoner. Hinirang naman siyang chairperson ng komisyon nitong Hulyo 5.

Malugod namang ibinalita nina Diaz at Rabacca, chairperson ng RnP, ang matagumpay na pagsasagawa ng unang inquiry session na layong tukuyin ang mga naging suliranin sa GE 2023 at mga nararapat baguhin sa Omnibus Election Code.

Salaysay ni Rabacca, idinaos ng Committee on Electoral Affairs ang inquiry session kasama sina Marv Sayson ng Alyansang Tapat sa Lasallista, at Martin Carreon at Dani Hermano ng Santugon sa Tawag ng Panahon. Gayunpaman, nabigong makadalo ang COMELEC dulot ng mga komplikasyon sa iskedyul. Bunsod nito, binigyang-pokus na lamang sa sesyon ang naging karanasan ng mga partidong politikal sa kabiguan ng GE 2023.

Siniguro rin niyang isasagawa ang ikalawang inquiry session sa oras na tumugon sa kanilang komite ang COMELEC. Agaran naman nilang ilalabas ang kabuuang detalye ng mga usapan sa konklusyon ng mga ito. Wakas ni Armogenia, “To put in the record, we hope for COMELEC’s full cooperation.”

Inklusibo at likas-kayang layunin

Idinetalye ni Alexa Liwag, FOCUS2021, ang panukala nila ni Raphaela Tan, 75th ENG, na pagpapanatili sa disenyo ng mga PWD ID lanyard na itinakda ng President’s Council. Alinsunod ito sa Batas Republika Blg. 7277 na nagmamandato sa mga institusyong kilalanin ang pitong klasipikasyon ng mga PWD. Layon din nitong hindi na rebisahin ang mga naturang lanyard kada taon upang isulong ang likas-kayang kasanayan.

Itinampok sa bagong lanyard ang isang imaheng may iba’t ibang hugis na sumisimbolo sa mga naturang kategorya. Batay sa inilabas na anunsiyo ng Office of the President (OPRES) nitong Hulyo 6, “The goal is to show that members of the PWD community may look just like everyone else.” Ibinagay din ang tela ng lanyard para sa mga indibidwal na may maseselang kondisyon sa balat.

Dagdag ni Liwag, nararapat munang sumangguni sa administrasyon ng Pamantasan ang mga susunod na opisyal ng USG ukol sa mga posibleng pagbabago ng disenyo nito.  Magmumula rin sa OPRES ang pondo ng inisyatiba. Pagtitiyak pa niya, “I’ll ask OPRES regarding the document that shows the President’s Council really approved [of the design].” 

Ipinasa ang resolusyon sa botong 11-0-0.