PINAAMO ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mababangis na University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses matapos manaig sa makapanindig-balahibong bakbakan sa loob ng limang set, 22-25, 25-18, 14-25, 26-24, 26-24, sa knockout semifinals ng Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 4, sa FilOil EcoOil Centre.
Hinirang bilang Player of the Game si Alleiah Malaluan matapos magsumite ng nagbabagang 25 puntos mula sa 20 atake at limang service ace. Umagapay din sa kaniya si Shevana Laput bitbit ang 23 puntos. Nagpakitang-gilas naman para sa UST si Angeline Poyos tangan ang 29 na puntos.
Nahirapang makalamang ang koponang Berde at Puti sa pagbubukas ng unang set bunsod ng matutuling atake at matatag na depensa ng Golden Tigresses kontra sa mga off-speed attack ng Lady Spikers, 15-all. Sinalanta pa lalo ni Regina Jurado ang nagkukumahog na floor defense ng Taft-based squad na nagresulta ng isang service ace upang tuldukan ang set, 22-25.
Matapos magpalitan ng error ang magkabilang panig, nagpakawala naman ng isang power hit si Taft tower Thea Gagate upang makalamang sa unang technical time out ng ikalawang set, 8-7. Nakaangat pa ng limang puntos ang mga kababaihan ng Taft bunsod ng kargadong service ni Malaluan at depensa sa net ni Amie Provido, 17-12. Hindi naman nagpatinag si Poyos matapos magpakawala ng bomba mula sa crosscourt na agad namang sinagot ni Gagate, 20-16. Gayundin, nagpaulan pa ng puntos sina Malaluan at Provido upang ibulsa ang panalo sa naturang set, 25-18.
Hinigitan nina Jurado at Poyos ang opensa ng Lady Spikers sa ikatlong set na nakapagtala ng 12 atake kompara sa pitong atake ng DLSU. Hirap namang makapag-ambag ng puntos sina Laput at Gagate bunsod ng naghihingalong first ball ng koponan, 9-18. Bunsod nito, hindi na nagawang lumamang ng Lady Spikers at sinundan pa ng attack error mula kay Provido, 14-25.
Mas pinaigting na depensa naman ang ipinamalas ng Taft-based squad matapos putohin ni Maicah Larroza ang mga nagbabagang tirada ng UST, 11-9. Gayunpaman, nagpatuloy ang pananalasa ng Golden Tigresses upang dalhin ang kanilang koponan sa match point, 24-21. Subalit, nagawang baligtarin ng Lady Spikers ang serye bunsod ng kargadong service ni Provido at pamatay na atake nina Gagate at Malaluan, 26-24.
Maagang nakalamang ang Taft mainstays sa huling set matapos payungan ni Gagate ang atake ni Xyza Gula, 5-1. Gayunpaman, nagtamo ng magkakasunod na error ang DLSU na sinabayan pa ng nag-iinit na opensa ng España-based squad, 9-all. Nagpalitan pa ng puntos ang magkabilang koponan hanggang sa umabot sa makapigil-hiningang 24-all na talaan. Sa huli, nanaig ang Lady Spikers matapos magpakawala ng isang crosscourt kill si Malaluan, 26-24.
Bunsod ng pagkapanalo, aabante ang koponang Berde at Puti sa finals ng naturang torneo upang kaharapin ang Adamson University Lady Falcons sa Agosto 9, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.