PINALUHOD ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang Jose Maria College Foundation (JMC) Royals matapos ipalasap ang kanilang bagsik sa loob ng straight set, 25-18, 25-14, 25-19, sa knockout quarterfinals ng Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 2, sa FilOil EcoOil Centre.
Nanguna si Shevana Laput para sa Taft-based squad matapos magsumite ng 16 na puntos. Sumaklolo rin sa kaniya si Alleiah Malaluan tangan ang 11 puntos.
Sa pagpasok na unang yugto ng sagupaan, tila nangangapa pa ang Lady Spikers matapos magpamigay ng libreng puntos sa kalaban bunsod ng magkakasunod na error, 1-4. Sa kabilang banda, mabilis namang nakahabol ang Taft mainstays nang kargahan ni Thea Gagate ang kaniyang serve, 6-5. Gayundin, pinaangat pa ng Lady Spikers ang kanilang kalamangan matapos magsumite ng magkasunod na puntos si Jyne Soreño mula sa kaniyang crosscourt at off-speed attack, 14-11.
Sinubukan namang pagdikitin ni Royal Ashley Hilig ang talaan gamit ang kaniyang off-the-block hit, 14-13, ngunit agad naman itong sinagot ng kill block ng tambalang Laput at Gagate, 16-13. Kasunod nito, humarurot na ng takbo ang koponang Berde at Puti nang magliyab ang mga galamay ni Malaluan, 19-15. Sinubukan pang makahirit ng puntos ng JMC, ngunit hindi ito naging sapat nang magtala ng magkasunod na service ace si Amie Provido at panapos na power tip mula kay Gagate upang tuldukan ang unang set, 25-18.
Naging makipot naman ang talaan ng iskor ng magkabilang koponan matapos magpalitan ng atake, 8-all. Samantala, napako naman ang iskor ng JMC sa siyam bunsod ng mabibigat na serve ni Soreño, 12-9. Sa kabilang banda, nautakan naman ni Johma Palero ang depensa ng La Salle nang padulasin ang bola sa kamay ng kaniyang blocker, 15-10. Nagtala pa ng magkakasunod na error ang DLSU. Subalit, agad nang ibinulsa ni Provido ang ikalawang set sa pamamagitan ng isang service ace, 25-14.
Nagpatuloy ang pananalasa ng Lady Spikers matapos magpakawala ng umaatikbong quick attack si Gagate, 6-1. Gayunpaman, agad na nakadikit ang Royals nang magsumite ng apat na error ang DLSU, 8-6. Bunsod nito, kayod-kalabaw na opensa ang ipinamalas ng kababaihan ng Taft upang iangat ang kanilang kalamangan sa pito, 17-10. Sa huling bahagi ng bakbakan, tila nabuhayan pa ang JMC nang makabuo ng 5-0 run, ngunit sinelyuhan na ni Jessa Ordiales ang panalo gamit ang kaniyang crosscourt attack, 25-19
Bunsod ng pagkapanalo, didiretso ang koponang Berde at Puti sa semifinals ng naturang torneo upang kaharapin ang mananalo sa pagitan ng University of Santo Tomas Golden Tigresses at Enderun Colleges Titans sa Biyernes, Agosto 4, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong lugar.