Hindi maikakaila ang mayabong na kulturang nakapalibot sa bansa. Ibinubuklod nito ang pagkakakilanlan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa mga kinagisnang tradisyon. Katulad na lamang ng paghahabing isinasabuhay ang identidad ng mga manghahabi sa iba’t ibang tribo. Mula sa pagkapit ng sinulid, pagtutok sa mga detalye ng tela, at aktuwal na paghahabi, sinasalamin nito ang tiyaga at pagsinta sa kulturang minana mula sa ating mga ninuno. Itinaguyod din nito ang patuloy na paggamit ng habihan sa kabila ng sari-saring makabagong paraan ng paggawa ng mga tela at kasuotan. Sa kasamaang palad, unti-unti nang nanipis ang telang kanilang hinahabi sa paglaon ng panahon.
Upang pagyamanin ang diskurso sa paghahabi, binuksan ng Departamento ng Literatura ang “WEavers as One—A Service Learning Experience” sa St. La Salle Hall ng Pamantasang De La Salle nitong Hulyo 20 hanggang 22. Isinagawa ito ng mga estudyante ng Introduction to Literature & the Professions (LITPROF) sa patnubay ng kanilang propesor na si Dr. Richie Balgos. Sa tulong din ng National Commission for Culture and the Arts at Center for Social Concern and Action nabuo ang eksibit na puno ng likhang-sining.
Itinampok sa eksibit ang mga tradisyonal na hinabing kasuotan pati na rin ang mismong proseso ng paghahabi. Ipinakita rin ang pagbibigay-pugay sa mga Manlilikha ng Bayan para sa kanilang mga likhang-sining at kontribusyon para sa pagyabong ng kultura sa Pilipinas.
Paghabi ng makabuluhang kultura
Sa loob ng Pamantasan, napukaw ang atensiyon at kuryosidad ng mga Lasalyano nang makita ang iba’t ibang materyales at produktong bihirang nasisilayan sa siyudad. Sa gitna ng mga natatanging likhang-sining matutunghayan ang paghahabi ni Carina Amisawen, isang katutubo mula sa Bontoc, Mountain Province. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Amisawen, inilahad niya ang kaniyang kuwento bilang manghahabi at ang kabuluhan ng paghahabi sa kanilang kultura.
Bilang indibidwal na nagtatagpi-tagpi ng mga sinulid, isinalaysay ni Amisawen na natutuhan niya ang angking talento at husay mula sa kaniyang ina sapagkat bata pa lamang siya napukaw na ang kaniyang interes sa pagwasiwas at pagtatahi ng mga hibla ng tela. Sa kombinasyon ng mga kulay, nakita niya ang kagandahan ng mga namumukod-tanging disenyo ng tribong kinabibilangan. Aniya, hugis diyamante ang kaniyang paboritong disenyong nagsisilbing simbolo ng birds eye. Dagdag pa niya, mahalaga ang nangyaring pamana dahil sa pagpasa ng kaalaman—napanatili ang kanilang kultura tungo sa susunod na henerasyon. Kaya upang magpatuloy pa rin ang pagpapalago ng kultura, tinuturuan niya ang kaniyang dalawang apo na maghabi.
Bukod sa pagbibigay-halaga sa kultura, malaki rin ang papel nito sa kanilang kabuhayan. “Malaki siyang pagkukunan ng pangangailangan. Gaya ko na hindi nakapagtapos ng pag-aaral [at] walang trabaho,” paglalahad niya. Mapa-lalaki o babae man, mula sa mga kumot hanggang sa mga kasuotan, ibinebenta nila ang kanilang mga produkto sa mga estudyante at nagtatrabaho sa opisina upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa pagtatahi ng makukulay na sinulid at paggawa ng mga kaakit-akit na disenyo, maiuugnay sa pag-aarte ang paghahabi. Naisasabuhay nito ang ating kultura na siyang bumubuhay sa mga mamamayan ng Bontoc.
Paglatag ng ipinagbubunying kultural na eksibit
Sa pagbubuklod ng adbokasiyang kultural at kaniya-kaniyang kakayahan sa pag-oorganisa, pakikipag-usap, at panghihikayat, waring mga sinulid ang sama-samang bumuo sa eksibit. Kinapanayam ng APP si Katrisse Torre, Associate for Curatorial, kaniyang binigyang-diin ang pangunahing layon ng eksibit na pagbibigay-halaga sa sining at kultura ng Pilipinas.
Para sa kaniya, matagumpay ang paglalatag ng eksibit ngunit kaakibat ng bawat tagumpay ang mga dagok na nagbibigay-hirap sa mga taong naghulma at nagsakatuparan ng isang adbokasiya. Aniya, maraming pagsubok ang kanilang kinaharap upang mailatag ang pagbubunyi sa mga manlilikha. Ibinahagi nga ni Torre na naging hamon sa pagpapatupad ng kanilang hangaring eksibit ang pag-ayos ng kanilang iskedyul sapagkat iba-iba ang iskedyul nilang lahat. Gayunpaman, isinalaysay niyang sulit ang pagod at pagsisikap nila sa kabila ng tila pagdaan sa mga butas ng karayom sapagkat nabigyang-pansin sa siyudad ang tradisyon at kulturang unti-unti nang naglalaho.
“So far the Lasallian community accepts us really well, they are very intrigued kasi nga it’s not everyday and city life tapos makakakita sila ng may nagwi-weave sa gitna ng LS lobby,” masayang pagmamalaki ni Torre. Salamin ng mainit na pagtanggap at sabik na pagtungo ng mga Lasalyano sa kaganapan ang pagpapahalaga at kuryosidad ng pamayanan pagdating sa mga obra at likhang-sining ng bansa. Patunay lamang na bukas ang mga Pilipino na mas makilala ang makulay na kultura ng Pilipinas mula sa lente ng sining. Kaya naman, nararapat na mabigyang-puwang ang kultura at tradisyon sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Hinabing pagkakakilanlan
Sa bawat daloy ng sinulid, nahahabi nito ang iba’t ibang kuwentong nagbubuklod sa bawat isa. Katulad na lamang ng mga manghahabi na may mahalagang papel sa pagpapatuloy at pagpapaigting ng mayamang kultura sa Pilipinas.
Sa pagtatapos ng eksibit, masasabing naging matagumpay ito dahil sa pagsasakatuparan ng layuning bigyang-buhay ang mga kumukupas na kultura sa pamamagitan ng pagbida sa mga Manlilikha ng Bayan at kanilang mga kontribusyon sa pagyabong ng sining sa Pilipinas. Ipinakita rin nito ang kahalagahan ng paghahabi at pagkilala sa mga indibidwal na tinaguriang kayamanan ng bansa—mga sinulid na bumuo sa pananahing may karikitan.
Kaya alalahaning hindi natastas ang tela kahit dumaan man ang ilang taong modernisasyon. Hindi rin mawawala ang kanilang presensiya sa lipunang kinabibilangan. Nakatahi ang kanilang pagkakakilanlan at nakagisnang tradisyon sa bawat tela at produktong kanilang ipinapakita. Dala-dala rin nito ang talentong handog ng mga manghahabing tulad ni Amsiwen na ginawang hanapbuhay ang naturang tradisyon upang matustusan ang mga pangangailangan.
Dumaan man ang ilang taon, tuparin natin ang hangaring hindi na mapuputol ang sinulid—magpapatuloy ang paghahabi ng kanilang pagkakakilanlan na magpapalago pa sa likhang-sining ng Pilipinas.