NAGTIGIL-PASADA ang mga transport group sa pangunguna ng Manibela, kasama ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) at San Andres Bukid Jeepney Operators and Drivers Association (SABJODA), laban sa jeepney phaseout na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Hulyo 24.
Matatandaang ipinasa noong 2017 ang Department Order Blg. 2017-011 o Omnibus Guidelines on the Planning and Identification of Public Road Transportation Services and Franchise Issuance ng Department of Transportation na layong palitan ang mga dyip na mula 15 taon pataas ng mga bago at umaayon sa ligtas at makakalikasang pamantayan ng pamahalaan. Orihinal itong itinakda noong 2020 ngunit nausod hanggang Disyembre 31, 2023 bunsod ng maraming pagkaantala sa pagpapatupad.
Kaugnay nito, ipinaabot ng mga transport group sa pamahalaaan ang kanilang pagtangis para sa hindi naihatid na suportang ipinangako sa pagsasabisa ng PUVMP. Ito na ang pangalawang tigil-pasadang ginawa ngayong taon ng mga naturang grupo matapos ang isang linggong transport strike noong Marso.
Pag-asa mula sa kalsada
Sa pangunguna ni Mody Floranda, pangulo ng PISTON, ipinaramdam ng grupo sa tinahak nilang daan ang paglagablab ng panawagang ibasura ang Omnibus Franchising Guidelines, Oil Deregulation Law, at Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law. Pinihit din ng grupo ang maniobra para sa pagpapalawig ng kasalukuyang prangkisa ng mga dyip sa limang taon, at ang pagkakaloob ng ayuda ng pamahalaan sa lahat ng mga drayber at nangangailangang mamamayan.
Isang rekisito sa ilalim ng PUVMP ang pagbuo ng mga drayber ng kooperatiba o korporasyon upang magawaran ng prangkisa. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plardel (APP) si Junnie Bendoy, opisyal ng PISTON, tungkol dito. Ipinahayag niyang bukod sa pagtapak nito sa kanilang kabuhayan, katuwang din ng pag-arangkada ng mga tradisyonal na dyip ang makasaysayang kultura ng mga Pilipino na mawawala sa lipunan kasabay ng mga ito.
Idinagdag niya rin ang panawagan ng kanilang grupong rehabilitasyon bilang solusyon sa problema ng sektor ng transportasyon. Ani Bendoy, “Kaya tinututulan namin ‘yan, kasi kung halimbawa man, imbes na wala nang utang, tuturuan kang mangutang. Nandiyan yunit mo. bakit hindi mo ayusin kung halimbawang may problema?” Sinang-ayonan naman siya ni Floranda na siyang nagpaliwanag sa rehabilitasyon bilang abot-kayang susi sa pinto ng modernisasyon at pagsasaayos ng pampublikong transportasyon.
Mabigat na hinaing naman ni Floranda ang humigit-kumulang 900,000 na drayber at operator ng dyip na mapagkakaitan ng hanapbuhay sakaling matuloy ang jeepney phaseout. Aniya, “Saan pupunta ‘yung pamilya nito? Saan pupunta ‘yung mga operator at mga drayber kung ito ay tatanggalan ng kabuhayan? Dapat ang gobyerno ay nagpo-produce ng hanapbuhay, hindi siya nagtatanggal ng hanapbuhay.”
Tiniyak niyang handa ang sektor ng transportasyong magsagawa ng iba’t ibang anyo ng pagkilos upang labanan ang jeepney phaseout anoman ang maging bunga ng kanilang isinagawang tigil-pasada.
Bunsod nito, panandaliang binitawan ni Floranda ang manibela upang itaas ang tanglaw ng kanilang adbokasiya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Binigyang-diin niyang nauna nang nagmartsa ang mga transport group sa Mendiola nitong Hulyo 17 bitbit ang kanilang panawagang matalakay sa State of the Nation Address (SONA) ang mga usaping tungkol sa sektor ng transportasyon. Sa kadahilanang ito, inasahan nilang maihahatid ng Pangulo sa sakayan ng hanapbuhay at pag-asa ang pinakahinintay na pagbabalik-respeto sa mga drayber at pasahero ng tradisyonal na dyip.
Pagbagtas sa daang malubak
Pagkadismaya at pagdalamhati ang puminta sa mukha ng mga drayber matapos hindi bigyang-kasagutan ng Pangulo sa kaniyang SONA ang kanilang mga panawagan. Sa halip, nag-iwan lamang ito ng bukas na banta sa kabuhayan ng makasaysayang kuwento ng mga hari ng kalsada. Nananatiling nakaguhit sa hangin ang kanilang mga sigaw na lalo lamang nagpalawak sa pagitan ng mga nasa laylayan at nasa kapangyarihan.
Pagbabahagi ni Lolito Romualdo, drayber ng dyip at miyembro ng SABJODA, sa APP, pera diumano ang nagpaikot sa desisyon ng Pangulo na hindi pasadahan ang kanilang adbokasiya. Sambit niya, “Yayaman sila lalo diyan, eh, kaya nagkakasabwatan sila.”
Gayunpaman, mas pinairal lamang ng pagsubok ang diwa ng masa upang tumutol. Bukod sa nakasabit na puting bimpo sa kanilang mga leeg at ang suot nilang asul na damit, ang katapangan ng mga drayber at operator ang tunay na nangibabaw sa kanilang protesta kontra sa pagmomodernisa ng mga dyip.
“Nakakasama talaga ng loob ‘yung nangyari kanina, kasi hindi kami nabanggit sa SONA niya. Pero ‘wag siyang mag-alala, ‘yung Pangulo natin. ‘Wag siyang mag-alala, lalaban at lalaban kami kahit sa kahuli-hulihan,” pagtindig ni Romualdo.
Sa kabilang banda, matataya naman ng mga numero ang malaking bahagi ng mga pasaherong masasagasaan ng modernisasyon. Ayon sa datos mula sa sarbey na isinagawa ng Statista Research Department, 42% ng mga respondente ang gumagamit ng pampublikong transportasyon sa Pilipinas. Sa bahagdang ito, dyip ang nangungunang moda ng transportasyon kasama ang bus at tren. Sinundan naman ito ng mga pribadong sasakyan na nagtala ng 22.3%.
Samakatuwid, masyadong mabigat na pasakit upang hindi pawalan ng daing ng mga komyuter ang lubos na pagmamahal ng pamasahe sa mga hi-tech na sasakyang pinagagaan ng air-conditioning, GPS tracking, at automated fare collection ang kanilang karanasan at bulsa. Tanikala para sa marami ang kahibangang adhikain ng gobyernong bumibinbin sa nangangalampag na panawagang pagtataas sa sahod ng mga uring manggagawa sa tore ng mga bingi’t bulag.
Samantala, lalo pang nagpalakas ng kompetisyon sa mga drayber ng iba’t ibang pampublikong sasakyan ang naglipanang Transport Network Vehicle Service sa nakalipas na mga taon. Malaki ang ibinawas nito sa ruta at pasahero ng mga drayber na naging sanhi ng pagbaba ng kita ng mga kasapi ng SABJODA.
Hindi rin maikukubli ang pribilehiyadong pagtratong iginagawad sa mga pribadong korporasyon dahil ang mga ito na nga ang mamamahala sa mga dyip sakaling matuloy ang PUVMP. Binibigyan nito ang mga drayber ng opsyong maging simpleng empleyado sa kasunduang isakripisyo nila ang kanilang maaasahang mga sasakyan upang sumandig sa quotang bubuhayin sila sa kakarampot na halaga.
Pagpreno ni John Renzo Magdalita, drayber at board member ng SABJODA, sa panayam ng APP, “Ipatas niya [ni Pangulong Marcos Jr.] ‘yung laban at ‘yung nararapat sa mga mahihirap. Ibalik ‘yung dati. Hindi kami tutol sa modern. Kung mag-modern, wala namang problema. Dagdagan, ‘wag tanggalin ‘yung traditional jeepney. Kasi ‘yan ‘yung kinamulatan ng kahit sino, kahit ng ninuno niya pa. May kultura tayo diyan, eh.”
Para lamang sa mayayaman at hindi para sa tradisyonal ang pagpapakahulugan ng SABJODA sa modernisasyon. Pagpapahayag pa nila, minomonopolisa ng programa ang sektor ng transportasyon sa likod ng ipinangakong pagbabago, at tanging ang pagkalipol ng Pilipino na identidad ang nananatili sa dulo nito.
Pangwakas na himok ng asosasyon, bisitahin ng pamahalaan ang maliliit na drayber na walang kakayahang pumasok dito. Iniwan mang nakaparada ng mga tsuper sa kanilang mga tahanan, hindi mapupuksa ng katahimikang isinauli ng administrasyon ang pamilyar na tinig ng nag-iisang hari sa bansa mula sa kalsadang tunay nitong kinabibilangan. Patunay nito ang pakiramdam ng pagsasantabi at pagkakalimot na pinaingayan ng mga drayber sa daang-bayan ng panahon.
Sa Pilipinas na ilang siglong ninakaw mula sa mga Pilipino, hindi na ngayon papayag pa ang bayang bawiin ang sariling kanila. Patas na kalakaran at likas-kayang kabuhayan lamang para sa mga araw-araw na pinapaso ng modernisasyon ang makapagmamaneho sa isang lipunang lulan ang kaunlaran tungo sa tunay na modernong kinabukasan.