NILAMPASO ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang University of Southern Philippines Foundation (USPF) Lady Panthers matapos mamayagpag sa loob ng straight set, 25-14, 25-15, 25-19, sa kanilang sagupaan sa elimination round ng 2023 Shakey’s Super League National Invitationals, Agosto 1, sa FilOil EcoOil Centre.
Nagningning bilang Player of the Game si Alleiah Malaluan matapos maglapag ng 13 puntos. Katuwang naman niya sa opensa sina rookie Lilay Del Castillo at Shevana Laput bitbit ang tig-10 puntos.
Nagpakitang-gilas naman si Ghanna Suan para sa USPF matapos magtala ng 13 puntos. Umagapay din sa kaniya si Mary Louise Querubin nang magtudla ng siyam na marka.
Buena manong kalamangan agad ang inimbak ng Lady Spikers matapos rumatsada ng 10-4 run ang koponan kontra sa naghihikahos na Lady Panthers. Gumawa naman ng ingay si Del Castillo matapos magrehistro ng isang service ace upang bitbitin ang berde at puti sa pitong puntos na abante, 13-6. Tuluyang lumobo ang angat ng DLSU nang kumamada ng dalawang magkasunod na atake si Malaluan, 21-12. Umeksena rin si Julianne Levina matapos buwagin ang block ng kalaban upang tuldukan ang naturang set, 25-14.
Patuloy na naging bentahe para sa kababaihan ng Taft ang kanilang mabibigat na serve upang magtala ng magkakasunod na service ace, 8-3. Sa kabilang banda, hindi naman nagpatinag si Lady Panther Ghanna Suan matapos magpakawala ng umaatikabong atake, 10-7. Niregaluhan naman ni playmaker Julyana Tolentino ang nagliliyab na galamay ni Malaluan upang iakyat ang kalamangan sa pito, 17-10. Pumorsyento rin ang rookie na si Sophia Sindayen gamit ang kaniyang pamatay na crosscourt attack, 23-13. Samakatuwid, waging naibulsa ng Lady Spikers ang panalo sa ikalawang set bunsod ng service error ni Suan, 25-15.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Taft-based squad sa pagbubukas ng ikatlong set nang basagin ni Malaluan ang regalong hatid ng kalaban, 6-2. Sinubukan naman nina Ressel Pedroza at Suan na itaas ang bandila ng USPF matapos manalasa sa zone 6 ng kort, 9-4. Gayunpaman, nanatili ang matikas na dinamiko ng Lady Spikers mula sa matalinong set at hulog ni Ela Raagas, 18-10. Sa huling bahagi ng bakbakan, dinagdagan pa ni Suan ang kanilang marka matapos magpakawala ng dalawang magkasunod na service ace. Subalit, hindi ito naging sapat nang tuluyang selyuhan ni Sindayen ang panalo sa bisa ng off-the-block hit, 25-19.
Bunsod ng pagpanalo, napanatili ng Taft-based squad ang kanilang puwesto sa tuktok ng standings sa Pool A upang makaabante sa quarterfinals ng naturang torneo. Gayundin, kahaharapin ng Lady Spikers ang koponang lalapag sa ikalawang puwesto ng Pool C bukas, Agosto 2, sa ganap na ika-9 ng umaga sa parehong lugar.