PALALAWIGIN ang panunungkulan ng ilang opisyal ng University Student Government (USG) hanggang sa unang termino ng akademikong taon (A.Y.) 2023–2024, alinsunod sa isinabatas na panukala sa ikawalong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Hulyo 26. Tinalakay din sa sesyon ang Grievance Board at Standard Grievance Process na nagtataguyod sa kapakanan ng mga estudyante ng College of Computer Studies (CCS).
Matatandaang kinansela ng DLSU Commission on Elections (COMELEC) ang General Elections (GE) 2023 dahil sa kawalan ng mga kwalipikadong kandidato. Bunsod ito ng hindi pagsunod ng Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon sa itinakdang huling araw ng pagpapasa ng mga kinakailangang dokumento nitong Hunyo 10. Ayon din sa COMELEC, walang independiyenteng kandidato ang naghain ng Certificate of Candidacy.
Pagtangan sa dumudulas na pamahalaan
Ipinabatid ni Chief Legislator Sebastian Diaz na isasagawa ang Special Elections 2023 sa unang termino ng susunod na akademikong taon. Kaugnay nito, iminamandato ng itinaguyod niyang batas ang pananatili ng nakaupong liderato ng mga ehekutibo at lehislatibong sangay sa kanilang puwesto hanggang sa pagtatapos ng naturang termino.
Nakaatas sa Seksyon 2.2 ng Extension and Resignation Guidelines ang pagpapasa ng lahat ng mga opisyal ng USG ng recommitment form na magtatakda ng kanilang pagpapatuloy o paglisan sa posisyon. Ipoproseso naman ang mga pagbibitiw alinsunod sa internal na regulasyon ng bawat yunit na pangangasiwaan ng Executive Secretary, ayon sa Seksyon 2.3 at 2.4.
Kabilang sa pamantayan para sa pagbibitiw ang mga isyung pangkalusugan o pang-akademya, pagtatapos mula sa Pamantasan, pagbabago ng priyoridad, o anomang hadlang sa tungkuling kikilanin ng LA.
Nasasaklaw naman ng Seksyon 3.2 ang panuntunan para sa pagrerekomenda ng mga magbibitiw na opisyal ng hahalili sa kanila mula sa kaparehong opisina. Hindi dapat naihalal sa anomang puwesto ang kahalili bilang pagtalima sa General Procedural Guidelines Code.
Pinuna ni FOCUS2022 Mika Rabacca ang burukratikong proseso nito. Hinimok niya ang paglikha ng pansamantalang sistema upang agarang matugunan ang pagpapalit sa mga opisyal at hindi maapektuhan ang operasyon ng mga opisina. Iminungkahi niyang ibaba sa College Legislative Board ang hurisdiksyon para sa mga pagbibitiw mula sa awtoridad ng LA datapwat dadaan pa rin ang mga ito sa opisina upang suriin.
Tinuligsa naman ito ni EXCEL2023 at dating Chief Legislator Francis Loja. Aniya, isinasantabi ng mas mabilis na proseso ang rason ng LA sa pag-apruba ng mga pagbibitiw tuwing sesyon lamang.
Sinang-ayunan ni BLAZE2022 Richmond Nuguid ang pagpapanatili ng pangangasiwa nito sa LA. Hinikayat din niya ang pagtatalaga ng ad hoc na komite ng mga legislator upang mas mabilis na makilatis at maiproseso ng lupon ang mga pagbibitiw na aaprubahan na lamang sa mga regular na sesyon sa halip na pagbotohan.
Sa kabila nito, inanunsiyo ni Diaz na hindi muna isasapinal ang mga probisyon sa kasalukuyang sesyon.
Ipinagbabawal naman ng Seksyon 3.3 ang mga magbibitiw na opisyal na maglingkod bilang kahalili para sa ibang posisyon sa kasagsagan ng extension. Suhestiyon ni USG President Alex Brotonel, “How about not also allowing incoming candidates to be OIC (Officer-in-Charge), since they will [have to] take a LOA (Leave of Absence), too?”
Nilinaw ni Diaz na hindi posibleng maglatag ng basehan ang LA para dito sapagkat sa anunsiyo lamang ng COMELEC naisasapormal ang mga kandidatura. Binusisi naman ni CATCH2T26 Sai Kabiling ang kawalang-katiyakan ukol sa plano ng mga hahaliling opisyal at kaparusahang matatanggap ng lumabag sa ipanapanukalang probisyon.
Pagkabahala ni Kabiling, “If ever you’re going to be a replacement officer, [it] basically means, ‘di ba, that you have no plans for running? So, how would we keep that in balance if ever? How would you make sure na wala talagang plano tumakbo ‘yung replacement officer?”
Itinaas din ni Rabacca na taliwas sa Bill of Rights ang pagbabawal sa mga OIC na tumakbo sa eleksyon. Pagbubuod ni Diaz sa talakayan, “Not only can we not accurately prohibit incoming candidates to be OICs, but also, it will be unconstitutional or [a] violation of our rights if we don’t let OICs run in the elections.” Saklaw din nito ang mga magpapatuloy ng kanilang panunungkulan para sa extension.
Pagbibigay-diin pa ni Diaz, inaaprubahan lamang ng LA ang LOA batay sa mga probisyong nakatala sa Seksyon 3.1. Samakatuwid, hindi ito isyu sapagkat ipinahahayag ng naghaing opisyal na wala na siyang kakayahang magsilbi pa sa ibang opisina dahil nga sa mga rasong tinukoy nang lumisan siya mula sa kaniyang orihinal na puwesto.
Nakasaad naman sa Seksyon 4 ang pagsasalin ng gampanin ng mga magsisipagtapos na batch sa mga college government nito. Pinagkakalooban din dito ng kalayaang magdesisyon ang mga apektadong batch legislator ukol sa hangganan ng panahon ng kanilang serbisyo. Isinaalang-alang naman nina Diaz ang pagkakaloob ng kompletong termino para sa mga mahistrado ng DLSU Judiciary na iluluklok sa unang buwan ng susunod na akademikong taon.
Pinairal na rin sa LA ang isang kaparehas na sistema upang tiyakin ang tuloy-tuloy na operasyon ng USG sa gitna ng pagbabago sa academic calendar noong akademikong taon 2021–2022. Pagbibigay-paliwanag ni Diaz, “I hope through this bill, we would be able to see a Judiciary that can serve for an entire academic year and hindi sila maapektuhan ng extension ng legislative and executive branches.”
Kabiguan ng eleksyon
Isinasabatas ng Seksyon 1 ng “Measures regarding the postponement of General Elections 2023” na nararapat makipag-ugnayan ang COMELEC sa Committee on Electoral Affairs na kakatawan sa LA tungkol sa mga usaping pang-eleksyon.
Itinalaga ang komite bilang pagtalima sa Artikulo 5 ng Seksyon 6 ng bagong Omnibus Election Code (OEC) na nagpapataw ng obligasyon ng mga pagkaantala ng eleksyon sa COMELEC at LA. Bubuuin ito ng chief legislator, majority at minority floor leader, dalawang kasapi mula sa komite ng Rules and Policies (RnP), isang kasapi mula sa mga komite ng National Affairs (NatAff) at Students’ Rights and Welfare (STRAW), at iba pang mga maaatasang legislator.
Ilalabas na rin ng COMELEC at Committee on Electoral Affairs sa Setyembre 20 o sa ikatlong linggo ng unang termino ng akademikong taon 2023–2024 ang mga plano kasunod ng pagkansela sa GE 2023, kabilang na ang kalendaryo ng eleksyon at ang magiging moda nito.
Pag-alma ni Loja, nararapat na mas paagahin ang petsa nito dahil kinakailangan nang maisagawa ang eleksyon apat na linggo pagkasimula ng terminong kasunod ng pagkaantala, alinsunod sa Seksyon 5.1 ng OEC. Bunsod nito, ilalabas na ang kalendaryo ng eleksyon at mga plano ng COMELEC sa Agosto 16 na huling araw ng kasalukuyang akademikong taon.
Inaprubahan ang panukalang batas sa botong 12 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagbabahagi ni Rabacca, chairperson ng RnP, inaasahan na ng Committee on Electoral Affairs sa pangunguna nila nina Zak Armogenia, chairperson ng NatAff, at Marianne Era, vice chairperson ng RnP, na maidaraos ang inquiry session ukol sa OEC at kabiguan ng GE 2023 kasama ang COMELEC nitong Hulyo 29, Sabado. Patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Office of the Ombudsman para dito.
Ibinalita rin ni Kabiling ang tagumpay ng unang serye ng mga pagdinig para sa PWD Inclusivity na programa ng USG at LA. Salaysay niya, “Ang focus lang talaga ng STRAW ngayon is to ensure that we get as many respondents as we can as a way to supplement the bill.”
Ipinaalam din niyang plano nilang sumangguni sa Lasallian Center for Inclusion, Diversity and Well-being at Office of Student Leadership Involvement, Formation & Empowerment para sa pagsasapinal ng panukalang batas sa kaparehong linggo. Layunin ng proyektong itong mabigyang-ginhawa ang mga person with disability (PWD) sa Pamantasang De La Salle.
Hinaing ng CCS
Isiniwalat ni Kabiling na walang sistematikong proseso ng paghahain ng grievance at konsehong namamahala sa apela ng mga estudyante sa CCS hanggang ngayon. Kaugnay nito, ibinahagi niya ang pagdedeklara ng suporta ng administrasyon ng kolehiyo sa pagtatalaga.
Binibigyang-kapangyarihan ng Artikulo 2 ng resolusyon ang Grievance Board (GB) upang iakda ang Grievance Manual ng kolehiyo. Kabilang sa GB ang mga CATCH batch legislator, isang kinatawan mula sa Computer Studies Government (CSG), college president, at chairperson. Nararapat ding makipag-ugnayan ang board sa administrasyon ng kolehiyo.
Mananatiling kumpidensiyal sa lahat ng pagkakataon ang mga rekord ng GB bukod na lamang sa sitwasyong umusbong ang pangangailangan para ibahagi ito, batay sa pagpapasya ng mga kasapi. Ayon pa rin sa Seksyon 8, maituturing na paglabag na maaaring humantong sa paglilitis ang pagpapakalat ng naturang impormasyon. Sinisiguro naman ng Seksyon 10.3 ang pagbura ng mga rekord sa dulo ng bawat akademikong taon.
Gayundin, dadaan sa mga pagsasanay ang lahat ng bahagi ng board upang matiyak ang kahandaan nito para sa tungkulin, alinsunod sa Seksyon 9. Nakasaad din sa Artikulo 3 na magsisilbing batayan nila ang USG Student Complaints and Grievance Manual, DLSU Student Handbook, Student’s Charter, at USG Constitution.
Idinidetalye naman sa Artikulo 4 ang mga hakbangin ng Standard Grievance Process. Maaaring magpaabot ng kanilang hinaing ang mga estudyante gamit ang mga Google Form na ipakakalat ng GB o sa direktang pakikipag-ugnayan sa mga kasapi nito. Kakailanganin lamang ng mga estudyanteng magpresenta ng mga katibayan na susuriin ng board.
Ipinaalam ni Diaz na naisapubliko na ang programa sa opisyal na page ng CSG at kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga batch legislator sa mga department chair upang itaguyod ang mga polisiyang nakatuon para sa bawat departamento.
Nauna nang ipinasa ang resolusyon nitong Hulyo 4.