Pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund, tinuligsa ng mga progresibong grupo

Kuha ng Ang Pahayagang Plaridel

BINATIKOS ng mga progresibong grupo, sa pamumuno ng Student Christian Movement of the Philippines ang pagsasabatas ng Maharlika Investment Fund (MIF) sa pamamagitan ng kilos-protesta sa Mendiola Peace Arch, Hulyo 18.

Inilahad ng mga progresibong samahan na League of Filipino Students (LFS), Anakbayan, at Kabataan Party List ang kanilang pagkadismaya sa pamamagitan ng talumpati, rap, at isang satirikal na monologo na pinagbidahan ni “Maria Maharlika.”

Kaugnay nito, kinuwestiyon din ng mga grupo ang bulagsak na paggastos ng pamahalaan sa sunod-sunod na paglalakbay ng pangulo sa iba’t ibang bansa. Nais ng mga organisasyong iayon ng pamahalaan ang paglalaan ng pondo sa mga serbisyong pampubliko katulad ng kalusugan at edukasyon. 

Maling priyoridad
“The MIF is the largest scam in the PH. When we say largest scam, it cannot deliver on its promise na iangat ekonomiya natin,” marubdob na bungad ni Ivan Sucgang, national chairperson ng LFS sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel. Iginiit niyang hindi dapat bigyang-priyoridad ng pamahalaan ang mga batas tulad ng MIF na naglalayong gamitin ang nasyonal na pondo upang paunlarin ang ekonomiya.

Dagdag pa niya, higit na mapapakinabangan ang pondo sa pamamagitan ng pagtugon at paglutas ng mga suliranin ng bansa tulad ng kakulangan sa pondo sa sektor ng edukasyon, mababang kalidad ng edukasyon, at pagtaas ng presyo ng mga bilihin. 


Naniniwala si Sucgang na ang pagtugon sa mga suliraning nabanggit ang magiging daan upang makamit ng mga kabataan at iba pang Pilipino ang isang magandang kinabukasan. Aniya, hindi magdudulot ng tunay na solusyon sa mga suliranin ng bansa ang mga maling priyoridad ng pamahalaan.

Inaasahan naman ni Sucgang na maglalahad lamang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng mga palamuti sa naghihingalong ekonomiya ng bansa. Nahinuha niyang maglalaan lamang ang Pangulo ng malaking atensiyon sa mga makro-ekonomiyang kriterya upang maipahayag na patuloy na umuunlad ang bansa, tulad ng kaniyang ginagawa nitong mga nakaraang buwan. 

Gayunpaman, iginiit niyang hindi dahil sa Pangulo ang pagbaba ng implasyon at pagtaas ng produksiyon. Ipinaliwanag niyang maliban sa kasagsagan ng pandemya, patuloy na tumataas ang gross domestic product. 

Samakatuwid, mas mainam para kay Sucgang na pagtuunan ng pansin ng Pangulo ang kalagayan ng mga mamamayan sa bansa. Naniniwala siyang matatagpuan ang tunay na “state of the nation” sa mga manggagawang nagtitiis sa mababang sahod, mga mangingisdang nasa West Philippine Sea, mga kabataang nakararanas ng krisis sa edukasyon, at mga komyuter na nahihirapang makapasok sa trabaho.

Daluyong ng kabataan
Mahalagang katanungan ang magiging epekto ng MIF ngayong ipinasa na ito. Ayon kay Sucgang, isang malaking scam ang MIF para sa mga mamamayang Pilipino dahil hindi nito matutupad ang pangakong iangat ang ekonomiya ng bansa. Walang kasiguraduhang mapagkakatiwalaan ang pangako ng administrasyong Marcos dahil hindi tiyak na resulta ng pamumuhunan at walang probisyon ang batas na magtatalaga ng mga hakbang sa oras na malugi ito.

Para kay Sucgang, hindi parlyamentaryo ang susunod na hakbang ng pagkilos ng kanilang grupo. Binigyang-diin niyang sa pamamagitan ng makapangyarihan at kolektibong pagkilos ng masa, maaaring maibasura ang mga batas tulad ng MIF.

Samakatuwid, inaasahan niyang napukaw ng kanilang grupo ang puso ng mga tao upang makilahok, makisama, at makialam ang mga kabataan kasama ng mga grupo ng tsuper sa isasagawang transport strike sa darating na ikalawang SONA ng Pangulo, upang ipakita ang kanilang pagtutol sa MIF.

Isa itong mahalagang pagkakataon para ipahayag ang kanilang mga hinaing at hilingin ang tunay na reporma para sa mas nakararami. Sa huli, naniniwala siyang mga mamamayang aktibong nagpapahayag ng kanilang saloobin ang nagbibigay-buhay sa demokrasya ng bansa.