MAINIT NA NAKILAHOK ang pamayanang Lasalyano sa Animusika 2023 upang bigyang-buhay ang pagtatapos ng mahigit dalawang linggong selebrasyon ng taunang University Vision-Mission Week (UnivWeek), sa Corazon Aquino Democratic Space, Hunyo 30.
Naging matagumpay ang kasiyahan at tugtugan sa Pamantasan sa pangunguna ng UnivWeek Central Comittee at Office of the Vice President for Lasallian Mission. Inihandog naman ang nalikom na pondo para sa programang EHEMPLO, isang taunang summer immersion na isinasagawa nang isang linggo sa Laur, Nueva Ecija, at Lian, Batangas.
Pagsiklab ng mga tagapagtanghal
Nagbigay-saya ang mga OPM artist na sina Zack Tabuldo, Arthur Miguel, The Itchyworms, Zild, Munimuni, Autotelic, Playertwo, One Click Straight, Kindred, at That Band Astra. Nagpakitang-gilas din ang mga kampeon ng Lasallian Showtime ‘23 at Battle of the Bands ‘23 na sina Bea Muñoz, ID 119 mula sa kursong BS Entrepreneurship, at ang bandang Muffin & the Blueberries. Bukod pa rito, nagbigay-buhay rin sa konsiyerto ang pagtatanghal ng LSDC-Street at La Salle Dance Company Folk.
Nagkaroon ng hiwalay na tiket ang konsiyerto para sa mga manonood. Nagkakahalaga ng Php800 ang tiket para sa mga VIP, Php450 para sa mga outsider, Php350 para sa mga kaakibat na Lasalyanong paaralan kasama ang mga alumni, at libre naman para sa mga estudyante mula sa kampus ng Manila at Laguna. Binigyan naman ng early entrance, VIP section access, Animusika stickers, glowstick, limited edition Animusika shirt, lanyard, at fan ang mga estudyanteng kumuha ng VIP ticket.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Lana Trinity Salazar, team head ng Animusika 2023, inamin niyang hindi naging madali para sa kanila ang paghahanda para sa aktibidad dahil nagkaroon sila ng aberya sa delegasyon ng mga gawain. Gayunpaman, siniguro nilang naitaguyod nang maayos ang Animusika at nabigyang-kasiyahan ang pamayanang Lasalyano.
Pagbida ni Salazar, “The reason why we had a very good event for the Lasallians was because all of the teams were helping out one another. Nagagawa namin siya one-step-at-a-time.” Siniguro rin nilang maayos ang distribusyon ng mga gawain at nagagawa ng bawat miyembro ang mga tungkuling nakaatas sa kanila.
Tinig ng mga tagapangasiwa
Naging bukas din si Salazar sa pagtalakay sa mga isyung inilalahad ng mga nakilahok sa konsiyerto. Kabilang na rito ang kawalan ng kaayusan sa aktibidad at pamamahala sa higit 5,000 dumalo. Bukod pa rito, hindi nasunod ang naitakdang oras para sa buong konsiyerto dahil sa pagkaantala sa oras ng simula ng programa at mga aberya sa kalagitnaan nito.
Nagpahiwatig si Clarissa Patricia Gabrielle Odra, ID 121 mula sa kursong BS Biology major in Medical Biology, ng kaniyang pagkadismaya sa mga tagapangasiwa. Ayon kay Odra, naging epektibo man ang mga ito sa pamamalakad sa Animusika, nadismaya pa rin siya sa pangangasiwa sa mga taong aktibong nakibahagi sa aktibidad.
Inamin naman ni Salazar na mabusisi nilang sinuri ang lahat ng mga komento at mariin nilang isasaalang-alang ang mga ito. Aniya, “I made sure to check and clarify kung ano ba talaga yung nangyari that time. Kasi, mahirap naman magsalita kung hindi mo alam yung tunay na nangyari.” Siniguro rin niya na balido ang mga suhestiyong kanilang natanggap at nangakong sisisiguraduhin at bibigyang-konsiderasyon ito sa mga susunod pang mga taon.
Binigyang-linaw din ni Salazar na binuksan ang konsiyerto sa mga outsider upang makibahagi sa kasiyahan at madama rin nila ang nag-aalab na pagtanggap ng pamayanang Lasalyano. Paliwanag niya, “We opened it for outsiders kasi we want to celebrate it with the people we love, with the people we care about.” Gayundin, isinaalang-alang niya ang hinaing ng mga nakidalo at inamin ding nabigla sila sa mahigit 5,000 bilang.
Ayon naman kay John Rhoderick Campo, head for Integrated Marketing Communication and Production ng UnivWeek, inamin niyang nabigla sila sa dami ng taong dumalo dahil inaasahan lamang nilang aabot sa 2,000 ang manonood ng Animusika. Subalit, pumalo sa humigit kumulang 5,000 manonood ang nakibahagi sa konsiyerto. Kaugnay nito, tiniyak ni Campo na inihanda nila ang pagkakaroon ng safety, crowd, at security plan noong simula pa lamang ng UnivWeek.
“Nagsimula kaming mamigay ng tubig noong [Animusika] concert at naglagay din kami ng mga Medic Point Person sa tulong ng Lasallian Ambassadors (LAmb).” Aminado rin si Campo na mataas ang populasyon ng Pamantasan kaya naman nagtalaga rin sila ng mga grupo na naglalayong magbigay-tulong sa mga katuwang na concessionaire, kompanya, at organizer.
Datapwat, inihayag ni Salazar na marami pa rin silang natatanggap na positibong komento at inilalahad na naging maayos ang takbo ng event. Paglalahad niya, “I know na nagkaroon ng lapses ang Animusika and we really made sure to check that one-by-one. But, putting that aside, I hope that everyone was able to have a blast during Animusika.” Ipinaalala rin niyang dapat isaalang-alang ang pangunahing layunin ng konsiyerto na isakatuparan ang adbokasiyang ipinangako sa mga karidad na nais nilang tulungan.
“Once you go to Animusika, it’s not just about having fun, you are also helping out. So, congratulations to everybody,” pagtatapos niya.