NIYAKAP ng pamayanang Lasalyano ang iba’t ibang adbokasiya sa isinagawang YAKAP: Kislap ng Pagbabago Advocacy Color Run sa Pamantasang De La Salle-Laguna, Hunyo 24, mula ika-5 hanggang ika-8 ng umaga. Sinimulan ang aktibidad sa isang programa sa harap ng Milagros R. del Rosario Main Stairs.
Layon ng aktibidad na himukin ang mga Lasalyanong maging mitsa ng pagbabago at yakapin ang samu’t saring adbokasiyang katulad ng pagpapaigting ng kamalayan sa kalagayang-kaisipan, pagtutuligsa sa paggamit ng droga, at pagsusulong sa karapatan ng kababaihan at mga bahagi ng LGBTQIA+ na komunidad. Kinalahukan ito ng mahigit 200 mga estudyanteng kumukuha ng Student Affairs Services 2000 at mga alumni ng Pamantasan.
Pinamunuan nina Laguna Campus Student Government Secretary Nikki Platero at Student Discipline and Formation Unit Volunteer Jeriss Basaca ang buong komiteng binubuo ng 19 na student-volunteer. Katuwang nila sa pagsasakatuparan ng programa ang Facilities Management Office, Safety and Security Unit, Health Services Unit, at Office of College Student Affairs.
Sa halagang Php300 registration fee ng aktibidad, makatatanggap ang mga kalahok ng aral mula sa apat na adbokasiyang itinampok sa advocacy run at mga libreng merchandise. Mapupunta naman sa napiling benepisyaryo ang bahagi ng nalikom na pondo mula sa registration fee.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Platero, binigyang-diin niyang hindi lamang dapat sa akademikong aspeto aktibo ang mga estudyante. Bagkus, kinakailangang may kaalaman din ang mga kabataan sa mga suliraning panlipunang kinahaharap ng bansa. Dagdag niya pa, “Hindi dapat natatapos ang tungkulin natin bilang Lasalyano sa apat na sulok ng paaralan, kailangang mulat tayo sa realidad ng komunidad na kinabibilangan natin at bilang mga Lasalyano.”
Sa kabilang banda, nagbigay naman ng mensahe ang dating Laguna Campus Student President Elle Aspilla bilang bahagi ng pagtatapos ng programa. Aniya, hindi natatapos sa pagtakbo ang adbokasiya bagkus nasa kalsada. Hinimok niya rin ang mga lumahok sa programang patuloy na lumaban para sa adbokasiya at sa mga nasa laylayan.
Bagamat hindi naging perpekto para kay Platero ang kinahinatnan ng advocacy run, masasabi pa rin niyang naging matagumpay ang programang himukin ang mga kapwa Lasalyanong magkaroon ng adbokasiyang ipaglalaban. Umaasa rin siyang magsisimula nang yakapin ng bawat Lasalyano ang mga adbokasiyang kanilang ipaglalaban at magiging daan tungo sa pagbabago sa lipunan.