IPINAGDIWANG ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ang taunang selebrasyon ng University Vision-Mission Week (UnivWeek) na may temang “Kislap: Liwanag ng Bukang Liwayway,” Hunyo 16 hanggang 30. Layon nitong ipagdiwang ang ika-112 taon ng pagkakatatag ng Pamantasan at itampok ang ika-50 anibersaryo ng pagtanggap ng mga kababaihan bilang mga estudyante ng DLSU.
Nagbigay-kasiyahan ang iba’t ibang mga aktibidad ng UnivWeek na nilahukan ng pamayanang Lasalyano, kabilang ang Animusika, Golden Jubilee Concert, Himig Worship Concert at Sinag Pride Concert. Sinasariwa ng mga pagdiriwang na ito ang makulay na kasaysayan ng Pamantasan, hindi lamang bilang isang institusyon kundi bilang isang pamilyang Lasalyano.
Pagsulyap sa sinag ng kasiyahan
Opisyal na sinimulan ang UnivWeek sa Golden Jubilee Concert na isinagawa sa Corazon Aquino Democratic Space nitong Hunyo 16. Nagpakitang-gilas ng talento sa madla sina ID 103 alumna Barbie Almabis, Aia De Leon, at iba pang mga Lasalyanong grupo tulad ng DLSU Chorale, De La Salle Innersoul, at DLSU Animo Squad.
Binigyang-pagkakataon naman ang mga Lasalyano na ipamalas ang kani-kanilang natatanging talento sa Lasallian Showtime at Battle of the Bands. Naging mainit ang mga pagtatanghal at kompetisyon na ipinamalas ng mga kalahok. Sa huli, hinirang si Bea Muñoz bilang kampeonato sa Lasallian Showtime at ang tinig ng bandang Muffin and The Blueberries naman ang nanaig sa Battle of the Bands.
Idinaos din ang Lasallian Enrichment Alternative Program na may temang “Leap to the Stars,” Hunyo 26 hanggang 29. Inihandog ng iba’t ibang organisasyon ng Pamantasan ang samu’t saring klase at mga aktibidad na layong pagyamanin ang interes ng mga Lasalyano at maging kabahagi ng iba’t ibang adbokasiya. Kabilang na rito ang “#VLOGZ: Voicing Leadership and Opportunities with Gen Z” na naglayong bigyang-diin ang importansya ng responsableng paggawa ng content online, sa pangunguna nina Kia Dugtungan at Ayn Bernos.
Inilunsad naman ang AKBAY Advocacy Summit sa ikalimang palapag ng Pardo Hall na tumatalakay sa mga napapanahong isyu sa lipunan. Bukod pa rito, nakisaya rin ang mga Lasalyano sa Bingohan Na! sa Corazon Aquino Democratic Space na layong makalikom ng pondo sa pagtataguyod ng iba pang mga aktibidad at proyekto sa Pamantasan, at magbigay-tulong sa mga partikular na karidad.
Nagtapos naman ang araw sa pagdiriwang ng Himig Worship Concert sa Chapel of the Most Blessed Sacrament. Naghandog ng awit ng kasiyahan at pananampalataya sina Aiah Mikka R. Bathan, ID 118 mula sa kursong AB in Organizational Communication; Ysabelle Beatrice B. Feria, ID 120 mula sa kursong AB Behavioral Science Major in Organizational and Social Systems Development; at Christ’s Youth In Action.
Dinaluhan naman ng mga estudyante, partikular na ng mga miyembro ng LGBTQIA+ na komunidad, ang kauna-unahang Sinag Pride Concert sa Pamantasan na idinaos sa ika-20 palapag ng Br. Andrew Gonzalez Hall. Binigyang-liwanag ng naging pagdiriwang ang LGBTQIA+ at binigyang-daan ang lalong pagpapalawig ng inklusibidad sa Pamantasan.
Pinag-alab naman ng Animusika ang diwang Lasalyano sa huling araw ng UnivWeek, Hunyo 30. Itinampok sa konsiyerto ang mga nanalo sa Lasallian Showtime at Battle of the Bands, pati na rin ang ilan sa mga tanyag na musikero tulad nina Zild, Zack Tabudlo, Autotelic, at Itchyworms. Binuksan para sa mga Lasalyano at publiko ang programa.
Binusog naman ng UnivWeek Bazaar ang pamayanang Lasalyano sa loob ng 17 araw, mula Hunyo 15 hanggang Hulyo 1. Nilahukan ito ng iba’t ibang mga negosyo tulad ng Taxton Shawarma, NamNam Sisig, Lil Orbits, at Brew and Co. Sinakop ng bazaar ang St. Joseph Hall, Henry Sy Sr. Hall, Bloemen Hall, Velasco Hall, at Miguel Hall.
Tagapatnubay sa likod ng tagumpay
Naging matagumpay ang pagsasagawa ng mga aktibidad sa tulong at pangangasiwa ng UnivWeek Central Committee. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Christella Audrey Garin, project head ng UnivWeek, ibinahagi niya ang inspirasyon sa likod ng temang Kislap, at ang kanilang mga naging karanasan sa paghahanda at pagtataguyod ng mga proyekto.
Ayon kay Garin, sinasalamin ng temang Kislap ang nagniningas na pagnanasa na tumulong para sa iba, partikular na sa mga nangangailangan. “Mariin itong ipinapakita sa tatlong pillars ng tema ngayong taon – Self, the Selfless, and Others – kung saan ang kislap ay nagmumula sa sarili, hanggang sa magkaroon ng iba’t ibang selfless acts, na siyang magdadala ng kislap sa iba,” pagpapaliwanag niya.
Dagdag pa niya, “. . . despite the adversities and challenges, may bagong umaga na darating sa ating lahat—bagong umaga na mas maganda, mas maayos, at mas makakapagbigay ng kasiyahan sating lahat.”
Binigyang-diin din ni Garin na naging mahirap para sa buong komite ang pagtataguyod ng UnivWeek ngayong taon dahil hindi pa nakaranas ng face-to-face na UnivWeek ang karamihan sa mga miyembro nito. Naging hadlang din sa kanilang paghahanda ang mga polisiyang ipinatutupad sa Pamantasan gaya ng pagbawal sa paggamit ng fireworks, lead time sa mga legal na dokumento, at iba’t ibang requirement at permit na kailangang ipasa.
Gayunpaman, naitawid pa rin nila nang maayos ang mga aktibidad sa tulong ng tamang lead time, deadline, at paggawa ng bawat komite ng kani-kaniyang sistema. Siniguro rin nilang naging mabusisi sila sa pagpaplano ng mga komiteng itinatag sa iba’t ibang programa. Higit sa lahat, tiniyak din nilang nakipag-ugnayan sila sa administrasyon at nakiusap nang ilang beses para maisakatuparan ang matagumpay na UnivWeek.
Pinasalamatan din ni Garin ang mga Lasalyano sa pagsuporta at pagtangkilik sa UnivWeek. “UnivWeek is bigger now and will be back better and stronger with the next set of amazing team!” pangako niya.