IPINAGDIWANG ng La Salle Dance Company – Folk (LSDC-Folk) ang kanilang ika-11 anibersaryo sa isang pagtatanghal sa Teresa Yuchengco Auditorium bitbit ang temang Abi-Abi, Hulyo 8, mula ika-2:30 ng hapon hanggang ika-6 ng gabi. Kasama rin nila ang Filipiniana Rondalla at UP Filipiniana Dance Group sa kanilang pagdiriwang upang ihandog ang kabigha-bighaning yaman ng kulturang Pilipino.
Sa kanilang pag-alpas mula sa sigalot ng pandemya at sa kuwadradong iskrin ng kompyuter, malaya nilang inindak ang mga paa at inindayog ang katawan sa malawak na entablado. Tumambad sa mga manonood ang malalim na kultura ng kapistahan sa bansa mula sa palamuti hanggang sa mga kasuotan. Umalingawngaw din sa loob ng tanghalan ang tunog ng mga katutubong instrumento na lalong nagbigay-buhay sa lumalaong maghapon.
Nagsimula ang pagtatanghal sa pag-indak nila ng mga katutubong sayaw kabilang ang Kapa Malong-Malong. Sa bawat pagkumpas at tunog ng instrumento, dinala nila papalapit ang madla sa mga tagong lugar sa bansa. Ibinalik naman sa sinaunang panahon ng mga Kastila ang mga manonood sa kasuotan na tila mga Maria Clara at mga sayaw tulad ng Cariñosa.
Ibinida naman sa madla ni Peter Alcedo Jr., tagapagsanay ng LSDC-Folk, ang mga napagtagumpayan nila bilang grupo sa mga nagdaang taon bago tuluyang magwakas ang programa. Isa na rito ang pagkamit ng gintong medalya sa European Association of Folkloric Festivals’ II International Dance Competition “GOLDEN DANCE”. Nasundan din ito ng gintong diploma mula sa XII World Championship of Folklore “World folk 2022”.
Kaugnay nito, pinatunayan ng mga bumubuo ng LSDC-Folk na hindi sila basta madadala sa lumbay ng pandemya. Iginiit naman ng tagapag-ensayong hindi lamang sila sasayaw. Tangan nilang bilang isang grupong kultural ang palaganapin at ipagbunyi ang kulturang Pilipino.
Sa kanilang muling pagbabalik sa entablado, lumitaw din ang kanilang kahusayan at pagiging batikan sa larangan ng kultural na pagsasayaw. Lalong naging pamilyar ang mga iniindak ng mga katawan sa pagpapamalas nila ng iba pang kinalakihang sayaw tulad ng Pandango sa Ilaw at Singkil. Nagtapos naman gamit ang isang orihinal na kanta at pagpapasalamat sa mga miyembro ang programa.
Habi-habi ang samu’t saring estilo ng sayaw, ipinakita ng LSDC-Folk ang kanilang walang kapantay na pagmamahal para sa kulturang Pilipino. Dalawang taon mang pilit na pinabababa ang lipad, patuloy silang aalpas at mag-aabi-abi sa tugtog ng panahon.