Matapos ang halos tatlong taon ng pagkalugmok ng bansa sa krisis pangkalusugan, tinatanaw na magkakaroon na ng transisyon tungo sa matatag na kaunlarang hatid ng bagong normal. Sa pagsasakatuparan ng mithiing ito, kinakailangang pisikal na dumalo ang mga mamamayan sa kani-kanilang mga trabaho upang puspusang mapayabong ang ekonomiya ng bansa. Dito papasok ang mabigat na gampanin ng masasandigang sistema ng transportasyon sa pagbuwelta ng bansa tungo sa pambansang kaunlaran.
Taliwas sa mithiing ito, nakabinbin ang planong pagpapasapribado ng pamahalaan sa ilang pangunahing pampublikong transportasyon—ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang EDSA Carousel Busway. Dulot ito ng malawakang pagbabalik sa pisikal na moda ng mga paaralan at trabaho ng mga Pilipino.
Matatandaang inanunsiyo ni Department of Transportation (DoTr) Secretary Jaime Bautista nitong 2022 na nakatakdang isagawa ang plano matapos ang ilang pag-aaral hinggil dito. Gayundin, nasa proseso na ang ahensya sa pagkompleto ng alituntunin na pagbabatayan sa pribatisasyon at pagbubukas sa pribadong sektor ng proseso ng bidding.
Pagmaneho sa tamang landas
Ayon sa Management Association of the Philippines, nais ipatupad ng pamahalaan ang pribatisasyon ng NAIA at EDSA Carousel upang tugunan ang krisis sa pampublikong transportasyon. Sa katunayan, nabanggit ng DoTr na sisimulan sa unang quarter ng taon ang bidding para sa EDSA Carousel. Ipinaliwanag ni Al Benedict Magday, Bank Officer IV sa Departamento ng Ekonomikong Pananaliksik ng Bangko Sentral ng Pilipinas, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang implikasyon ng pagsasapribado ng NAIA at EDSA Carousel sa ekonomiya ng bansa.
“In general, the business of government is governance,” panimula ni Magday nang tanungin ang dahilan ng pamahalaan para humantong sa ganitong desisyon. Sa madaling salita, tungkulin ng pamahalaan na magsagawa ng pasiya na makaaambag sa kaunlaran ng bansa.
Malugod na hinikayat ni Magday na makatutulong ang planong pribatisasyon sa pagtaas ng kita ng mga kompanya, paglago ng ekonomiya ng bansa, at posibleng pagkakaroon ng trabaho ng mga tao. Binanggit pa niya na magdudulot ito ng mas mabisang operasyon, partikular na sa mga pribadong sektor.
Iginiit ni Magday na naglalayong maghandog ng serbisyong maunlad ang pribatisasyon. Sa usapin ng kalagayan ng mga komyuter, sinabi nya na magiging kapaki-pakinabang ang pribatisasyon lalo na at unti-unting nanunumbalik ang modang face-to-face sa mga paaralan at kompanya. Dagdag pa niya, ang aktibidad ng mga mamamayan ang magpapalakas sa ekonomiya ng Pilipinas. Gayunpaman, hindi sang-ayon ang mga ordinaryong mamamayan sa benepisyong hatid ng planong ito. Katulad ng sinabi ng NAGKAISA Labor Coalition, “Transforming the system into a cooperative-run busway or tramway may create [an] alternative economy.”
Bilang pagtatapos, binigyang-diin naman ni Magday na ang kapakanan ng mamamayang Pilipino ang nararapat na pangunahing priyoridad ng pamahalaan. “The government should always be for the people,” wika ni Magday. Umaayon ang mga salita ni Magday sa sentimyento ng mga mamamayan sapagkat matagal nang idinadaing ang pag-unlad ng sistema ng transportasyon sa Pilipinas.
Lubak-lubak na daan
Hindi na bago para sa mga Pilipino ang paglalaan ng mahigit dalawang oras para lamang sa pagko-commute patungo sa kanilang mga paroroonan. Sa araw-araw na pakikipagsapalaran sa bako-bakong sistema ng transportasyon, ipinahayag ni Ma. Anna Villanueva, propesor mula sa Departamento ng Filipino ng Pamantasang De La Salle, ang panibagong pasakit na maaaring ihatid ng pagsasapribado ng EDSA Carousel at NAIA.
Sa pagbabahagi ni Villanueva sa APP, pinangangambahan ng mga gaya niyang komyuter ang lalong pagtaas ng pamasahe sakaling maisaktuparan ang iminumungkahing hakbang ng DOTr.
Aniya, dahil sa kakapusan ng kinikita ng mga Pilipino para sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, maaaring magdulot sa pagdami ng mga manggagawang hindi makapapasok sa kanilang mga trabaho o hindi makakakain para lamang makapasok ang napipintong plano ng administrasyon.
Bukod pa rito, tinutulan ni Villanueva ang pagpasa ng responsibilidad ng suliranin sa transportasyon sa mga pribadong kompanya. Giit niya, “Panahon na para harapin ng pamahalaan ang suliranin tungkol dito, hindi laging ang solusyon ay ipasa sa pribadong namumuhunan.” Batay sa kaniyang karanasan, magbubunga lamang umano ito ng lalong pagdoble ng pamasahe para maging pambawi sa kapital na ginamit ng pribadong sektor.
Kaugnay nito, mas pinaigting ni Villanueva ang panawagang isaalang-alang ng pamahalaan ang kalagayan ng publiko at mga transport group. Naninindigan siyang kinaikailangang seryosohin ang pagsalubong sa suliranin at lumihis na sa mga panandaliang solusyong lalong nakabubutas ng bulsa.
Mula sa perspektiba ng isang pasahero, iminungkahi ni Villanueva ang ilang mga alternatibong aksiyon sa planong pagsasapribado ng NAIA at EDSA Carousel. “[Maaaring] ayusin ang number coding scheme sa paraang makababawas talaga ng pribadong sasakyan sa kalsada. Maaaring maglaan ng mga alternatibong ruta na hindi sasabay sa buhos ng pampublikong sasakyan upang maibsan ang traffic,” mungkahi ng propesor.
Iminungkahi rin ni Villanueva na, makatutulong ang programang libreng sakay tuwing rush hour upang bawasan ang pasanin na nararanasan ng mga komyuter. Higit niya ring ipinababatid ang karampatang paglalaan ng pondo ng pamahalaan para sa patuloy na ayuda sa mga tsuper at transport groups nang matustusan nang masidhing pagtaas ng presyo ng gasolina.
Isa lamang si Villanueva sa mga Pilipinong naghahangad na maging pangunahing priyoridad ng administrasyon ang mga sektor na labis na tinatamaan ng problema sa pampublikong transportasyon. Nagkakaisa ang kanilang mga tinig upang maiparating ang hangarin ng mga panukalang tunay na pinag-isipan at hindi na makadaragdag pa sa mga pasakit na pinapasan.
Busina laban sa pagsasapribado
Sa nakabinbing plano ng gobyerno sa pagsasapribado ng NAIA at EDSA Carousel, nakataya ang trabaho ng mga miyembro ng mga transportation group at maging ang mga komyuter. Nangangamba ang maraming transportation group sa maaaring masamang epekto nito sa sektor ng transportasyon at sa nakaambang pagtaas ng presyo ng pamasahe.
Mariing kinokondena ng mga naturang grupo ang pagtaas na ito at inilarawang magiging “against the people” ito sa kadahilanang hindi garantisado ang mas magandang serbisyo. Sa kabilang banda, sinasabing mas mabibigyan ng pagkakataon ang mga pribadong industriya na mapaganda ang mga pasilidad at pamamahala sa sistema ng transportasyon.
Samakatuwid, hinihikayat ng mga transport group ang DOTr na masinsinang pag-isipan ang planong pagsasapribado. Ayon sa Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), nag-ugat ang krisis sa transportasyon sa Metro Manila bunsod ng labis na pagtitiwala ng gobyerno sa mga pribadong sektor. Sinasabing makikita lamang ang pagpapabuti ng mass transport sakaling bumuti na ang pamamalakad ng gobyerno sa mga pampublikong utilidad. “What is the guarantee of businessmen that they will serve the public interest if the public interest is affordable and effective service?” giit ni Mody Floranda, presidente ng PISTON, sa kaniyang panayam sa Philstar.
Bitak sa daan ang nakahaing pribatisasyon na nakasandig lamang sa mga makakapangyarihan na may absolutong kontrol sa manibela. Nagbabanggaan ang interes ng mga dambuhala at masang maralita. Gayunpaman, iisa ang tugon ng masang Pilipino: “Para!” Hanggang dito na lamang ang destinasyon ng pandudusta.