Kahit nakatungtong sa banyagang lupain, masisilayan pa rin ang tatak ng pawis, tiyaga, at sakripisyo ng mga Pilipino. Ilan lamang ito sa markang iniiwan ng libo-libong Overseas Filipino Workers (OFW) sa iba’t ibang bahagi ng mundong nararating nila bilang eksport ng bansa.
Malalim ang implikasyon ng isang kagawarang nakatutok sa mga OFW, sapagkat ipinakikita nito ang kahalagahan nila sa pagpapatakbo ng bansa. Kaugnay nito, itinatag ang Department of Migrant Workers (DMW) nitong 2022 upang pagsilbihan at bigyang-tuon ang kondisyon ng mga OFW, at paigtingin ang pagpapaluwas ng mga lakas-paggawa mula sa Pilipinas.
Isinisiwalat nito ang tunay na katayuan ng mga lokal na industriyang humihina sa bawat pag-alis nila at ekonomiyang nadagdagan ng kanilang ipinapadalang sahod. Bagamat bagong tatag pa lamang, sinisiguro nito ang kaayusan at kahandaan sa palabas na direksyong tinatahak ng ating mga kababayan.
Produkto ng pangingibang-bansa
Hindi nauubos ang mga Pilipino na nagbabakasakaling makipagsapalaran sa banyagang lupa. Sininsin ni Roland Simbulan, Secretary ng IBON Foundation, ang penomena at mga datos sa pangiibang-bansa ng mga OFW sa panayam niya sa Ang Pahayagang Plaridel (APP). Ibinahagi ni Simbulan na tinatayang nasa 4,000 hanggang 6,000 mga OFW ang lumalabas ng bansa kada araw.
Ayon sa IBON Foundation, hindi na sapat ang natatamong minimum wage sa ilang oras ng paggawa upang mapantayan ang batayang pangangailangan ng bawat miyembro ng pamilya. Bunsod nito, napipilitang mangibang-bansa ang mga Pilipino dahil sa mataas na alok sa pasahod at oportunidad sa lakas-paggawa. Bagamat hindi akma ang kanilang kasanayan sa aktwal na trabaho, mas tinatanganan nila ito sa halip na lumahok sa trabahong kakarampot lamang ang kabayaran.
Sa kabilang banda, ipinahayag ni Simbulan na may epekto rin sa ekonomiya ang kanilang mga padala na pumapalo sa $35 milyon kada taon, sapagkat isinasalba nito ang ekonomiya tuwing may krisis. Taliwas sa binitawang pahayag, ibinahagi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi nito natutulungan ang ekonomiya dahil lumalabas ito at hindi napakikinabangan. “Hindi natin sila masisisi. . . sa ganitong sitwasyon dahil. . . sa kakulangan ng absorbing capacity [ng iba’t-ibang sektor] at malaking pagkakaiba ng sahod sa [loob at labas ng] bansa,” pagpapaliwanag niya.
Nadadagdagan man ang perang umiikot sa ekonomiya dahil sa kanilang padala, hindi naman tuluyang napupunan ang abilidad na nawawala sa kanilang pag-alis. Kapag titimbangin ang epekto nito, mistulang hangin lamang ang ibinabalanse ng Pilipinas.
Tunay na ginhawa
Itinatag ang DMW upang pangasiwaan ang pangangalaga sa karapatan at kapakanan ng mga OFW. Bunsod nito, ang nasabing ahensya na ang nangunguna sa mga tungkuling dating ginagampanan ng mga ahensyang tulad ng Philippine Overseas Employment Administration. Kabuhol nito, binigyang-diin sa APP ni Juanito Anot Jr., dating Pilipino na guro sa Jeddah, Saudi Arabia, na patunay lamang ang pagkatatag sa DMW na patuloy ang pagpapanatili at panghihikayat sa mga Pilipino na ialay ang kanilang serbisyo sa mga dayuhan.
Bukod pa rito, inihayag ni Anot na mga pang-ekonomiya na isyu ang nagdudulot ng eksportasyon sa lakas-paggawa ng bansa. “Dagdag pa ang mababang pasahod o maliit na kita ang nagtutulak sa mga Pilipinong maghanapbuhay sa ibang bansa,” pagbibigay-diin niya. Samakatuwid, nagsisilbing susi tungo sa kaginhawaan ang pangingibang-bayan habang patuloy na iginagapos ng kahirapan sa sariling bansa ang taumbayan.
Gayunpaman, nanindigan si Anot na hindi siya pabor sa eksportasyon ng murang lakas-paggawa sa bansa. Aniya, “Tungkulin ng pamahalaan na lumikha ng trabaho at iangat ang kalidad [ng] buhay ng [kaniyang] nasasakupan na taliwas sa kalagayan ng mga migrante.” Dagdag pa niya, hindi natatapos sa paglikha ng mga trabaho ang pagpapayabong sa sektor ng serbisyo at paggawa ng Pilipinas sapagkat malaki rin ang gampanin ng kasalukuyang sistema ng edukasyon sa pagtutuwid ng umiiral na sistema sa lakas-paggawa ng bansa.
Batay sa pagsisiyasat ng World Economic Forum noong 2019, 52.9% ng kabataang Pilipino ang inaasam na makapagtrabaho sa ibang bansa para sa mataas na sweldo at karagdagang kasanayan bilang propesyonal. Kaugnay nito, nanindigan si Anot na sa halip na maging pagawaan ng mga kabataang nagnanais na makapagtrabaho sa ibang bansa para sa pansariling kaunlaran, mahalagang siguraduhin din ng pamahalaan na hinuhulma ng bansa ang mga estudyanteng maging kritikal at may pakialam sa bayan.
Maliban sa pagpapaigting ng sistema ng edukasyon, nanindigan din si Anot na ang paglikha ng trabaho sa loob ng bansa ang pinakamainam na solusyon sa naturang penomena. Muli, huwad ang ginhawang hatid ng isang pamamaraang nagiging panakip-butas lamang sa atrasadong sistema ng paggawa sa Pilipinas.
Serbisyo at sakripisyo
Kalakip ng mga daing ng pangungulila ng bawat manggagawang Pilipino ang ginhawa sa buhay ng kanilang mga mahal sa buhay pati na rin ang pagsipa ng ekonomiya ng Pilipinas. Batay sa nakuhang gross domestic product ng Pilipinas, nakapagtala ng dagdag na 10% ang mga OFW sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga ipinadadala nilang pera para sa kanilang pamilya.
Hangarin ng bawat OFW ang ikabubuti ng kanilang pamilya. Bunsod nito, walang pagdadalawang-isip na isinakpripisyo ng iilan tulad ng ama ni Benny Barrameda, isang estudyanteng Lasalyano, ang buhay kasama ang kaniyang pamilya upang makipagsapalaran sa ibang bansa. Pagbabahagi niya sa APP, iisa lamang ang kaniyang ninanais—ang umunlad ang kanilang pamumuhay. Aniya, kulang na kulang ang sahod dito sa Pilipinas upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Patuloy na nangangarera ang Pilipinas upang makipagsabayan sa larangan ng ekonomiya at labor. Subalit, hind tayoi makasabay dahil sa kawalan ng mga manggagawang Pilipino na mas pinipiling lumuwas sa ibang bansa sapagkat kapos ang kanilang kinikita sa pagtatrabaho sa sariling bayan. Hiling ng mga OFW ang walang tigil na suporta mula sa gobyerno lalo na sa panahon na dinudusta sila ng mga banyaga. Pagbali-baliktarin man ang mundo, Pilipino ang nagiging dayuhan kapalit ng magandang buhay na inaasam at pusong nangungulila sa pamilya.