SINISIMULAN na ang sentro ng pagsasalin tungo sa intelektuwalisasyon ng wikang Filipino sa Pamantasang De La Salle (DLSU) sa paglunsad ng Sentro para sa Pagsasalin at Intelektuwalisasyon ng Wikang Filipino (DLSU SALITA).
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Dr. Raquel Sison-Buban, direktor ng DLSU SALITA, ibinahagi niyang naaprubahan ang hangaring magkaroon ng sentro para sa programa noong Agosto 2022.
Simulain ng sentro
Nagsagawa ng maraming pagpupulong at pagtitipon sa DLSU simula pa noong dekada ‘90 sa pangunguna ni Br. Andrew Gonzalez, FSC. Layon nitong ipagpatuloy ang intelektuwalisasyon at pagsasalin sa wikang Filipino.
Bukod dito, naging rason din ang pandemya sa pagbuo ng sentrong nagpapahalaga sa wikang Filipino, nang maglunsad ang iba’t ibang unibersidad ng mga inisiyatiba ukol dito. Ibinida ni Sison-Buban ang University of the Philippines at Polytechnic University of the Philippines na nangalap ng mga tagasalin para sa mahahalagang impormasyon ukol sa COVID-19.
Nais ng DLSU SALITA na sumunod sa yapak ng pagbabantay at pagpapalaganap ng tamang impormasyon na may kinalaman sa COVID-19 at sa kalusugan. “Hopefully ngayon, kapag nagkaroon ng ganoon, prepared na tayo,” pag-aasam ni Sison-Buban.
Paghahanda para sa inisyatiba
Naglunsad ng dalawang malaking proyekto ang DLSU SALITA matapos ang pagsisimula nito noong Setyembre 2022. Una rito ang Salitaan, isang diskusyong tumalakay sa prosesong isasagawa upang palaganapin ang mga pag-aaral sa wikang Filipino. Pinairal din ang isang buwang programa para sa mga exchange student mula Japan, na layong ilubog sa kultura at pagkatuto ng wikang Filipino.
Ibinahagi ni Sison-Buban na hindi pa lubusang masimulan ang programa sapagkat inaaral pa ang sistema, badyet, mga taong magiging kabahagi, at kagamitan para rito. Nagsisimula pa lamang din ang sentro bilang opisina, pagdadahilan ng direktor.
Balakid ring maituturing ang kasalukuyang pagharap ng sentro sa pagbabago sa paraan ng pag-iisip ng mga tao, ayon kay Sison-Buban. Paghihikayat ng direktor, “Gusto ba [nating] bigyan ng malaking papel ang wikang Filipino sa pagkatuto natin, sa pananaliksik natin, sa pag-aaral natin?” Aniya, nararapat na “solved and sold” tayo sa ideya ng inisyatiba ng sentro at may kapakinabangang mapapala sa pagpapatupad ng proyektong ito.
Isinaad ni Sison-Buban na bilang lamang ang mayroong interes sa pagsasalin sa wikang Filipino. “Hindi talaga siya [iyong] mayroong isang program na kaya mo ginagawa dahil you adhere to a particular program kasi mayroon kang nakikita na goal and visions kaya watak watak,” tingin ng direktor.
Subalit, naniniwala ang direktor na may iilang taong interesado sa pagsasagawa ng pag-aaral at publikasyon gamit ang wikang Filipino. Sa kabila nito, hindi pa rin masasabing organisado at nagtatrabaho para sa isang partikular na programa ang mga taong ito.
Nilinaw din niyang para sa buong pamayanang Lasalyano ang sentro ng pagsasalin—hindi lamang para sa College of Liberal Arts. Ayon sa kaniya, nararapat lamang ito sapagkat hindi lamang para sa iilang komunidad na nagsasalita ng Filipino ang nais paglingkuran ng sentro.
Pag-iistruktura ng serbisyo
Nagsasagawa na ng konsultasyon sa kasalukuyan ang DLSU SALITA para sa mga opisinang nais magpasalin ng kanilang sarbey sa wikang Filipino at mga wika sa Pilipinas. Isa na rito ang Office of Counseling and Career Services (OCCS) na nagpasalin ng mga katanungan patungong Taglish na may halong Visayan.
Pinapili ni Sison-Buban ang OCCS ng tatlong opsyon sapagkat wala pang tukoy na patakaran ang opisina. Una rito ang pagbibigay ng tagasalin upang maisagawa ang pagsasalin sa Filipino. Libreng paggabay naman para sa mga magsasalin o sa naisalin ang pangalawang opsyong binigay ng sentro. Samantala, inihain din ang pagkonsulta sa varayti ng Filipino na gagamitin sa sarbey.
“‘Yung pagbibigay ng serbisyo na may kinalaman sa pagsasalin, madali naman iyang ibigay kasi ginagawa naman natin iyan,” ayon kay Sison-Buban. Gayunpaman, kinahaharap ng sentro ang mga paunang problema bilang nagsisimulang opisina, bukod sa sistema. Bahagi nito ang pagsasaayos ng mga dokumento para sa kanilang operasyon dahil wala pang sekretarya ang DLSU SALITA.
Naghahanap din ang sentro ng mapagkukunan ng pondo kaya ilulunsad ang mga income generating project upang malutas ito. Bukod naman sa operasyonal na sistema, nahaharap din ang bagong opisina sa pagsasaayos ng kanilang pisikal na istruktura. Ani Sison-Buban, pansamantalang namamalagi muna ang sentro sa kuwarto sa ikatlong palapag ng Faculty Center, na kadalasang nakalaan para sa mga panandaliang propesor sa ilalim ng Faculty of Exchange Program.
Pagkalap ng mga tagasalin
Naniniwala si Sison-Buban na isang hakbang sa pagresolba ng kasalukuyang istruktura ang pagtukoy sa “pool of translators” na makatutulong sa pagsasakatuparan ng layunin ng DLSU SALITA. Manggagaling ito sa sinomang bahagi ng pamayanang Lasalyanong nais sumali—empleyado man, estudyante, o maging guro.
Sisiguruhin ng sentro na maipapahayag sa paraang hindi masyadong preskriptibo ang panghihikayat sa mga naghahangad na lumahok. Pagdidiin ng direktor, “Dahan-dahan lang din ang [operasyon sa] center, hindi dahil sa walang pang tao na tututukan, kundi dahil sa kailangang maingat din tayo.”
Tutukuyin din ang kanilang linguistic profile o mga wikang sinasalita, sinusulat, at nauunawaan. Kasama na rito ang pagtitimbang sa kakayahan sa pagsasalin ng mga wika at mga varayti ng mga ito.
“Kapag nakapag-identify na tayo ng mga kasama sa program, ite-train ‘yun. So kapag na-train na sila, hopefully ay magagawan na sila ng mas magandang support,” pagtutuloy ng direktor sa hakbang ng mga mapipiling tagasalin.
Papahalagahan din ang pagbibigay-kompensasyon at insentibo sa mga magsasalin para sa sentro. Paliwanag ni Sison-Buban, hindi magiging libre ang lahat ng serbisyong ibibigay bilang paraan sa propesyonalisasyon ng industriya ng pagsasalin.
Inaasam din ng direktor na magkaroon ng malinaw na repositoryo ng mga gawa ng DLSU SALITA upang mapalaganap ang kaalaman sa pagsasalin. Magagamit ang mga naturang materyal ng mga tagasalin at ng kapwa Lasalyano para sa kanilang hustong pagsasalin. Aasahang ilalabas ang paanyaya o sarbey na mangangalap ng mga interesadong miyembro ng pamayanang Lasalyano sa susunod na termino.
Pinaalala rin ni Sison-Buban na pagbutihin ng mga Lasalyano ang kanilang pag-aaral upang magamit ang wikang Filipino sa pagbabahagi ng kanilang mga kaalaman mula sa kanilang mga pananaliksik. Kaakibat nito, magagamit at mapakikinabangan ng mga kapwa Pilipino ang impormasyon upang paigtingin ang patuloy na kontribusyon ng Pamantasan sa intelektuwalisasyon ng ating wika.