PATULOY NA PINAGTITIBAY ng University Student Government (USG) ang pagsulong ng kaligtasan at karapatan ng mga estudyante sa Pamantasan sa pangangasiwa ng mga komisyong binuo sa ilalim ng Office of the President.
Alinsunod ito sa Executive Order No. 2022-01: Implementing the University Student Government Commissions Establishment o pagtatag ng mga komisyong mangunguna sa pagsusulong ng mga adbokasiyang mangangalaga sa kapakanan ng mga Lasalyano. Binuo ang mga komisyon para sa espesyal na sektor sa ilalim ng administrasyon ni dating USG President Giorgina Escoto.
Nagkakaisang adhikain
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay USG President Alex Brotonel, inilahad niya ang mga kahalagahan at pangunahing gampanin ng mga komisyoner sa Pamantasan. Aniya, responsibilidad ng mga komisyoner ang pagbuo ng mga patakaran at proyektong tutugon sa iba’t ibang isyung kinahaharap ng kani-kanilang espesyal na sektor para sa pamayanang Lasalyano.
Kabilang sa anim na komisyong itinatag ang Commission on Socio-Political Development (CSPD), Commission on Environmental Protection (CEP), Commission on Mental Health and Well-Being (CMW), Commission on Anti-Sexual Misconduct and Violence (CASMV), Commission on Gender Equality and Empowerment (CGEE), at Commission on Disability Inclusion (CDI).
Layon ng CSPD na lumikha ng isang henerasyong may kamalayan sa politika habang tungkulin naman ng CEP ang pangangalaga ng kapaligiran sa loob at labas ng Pamantasan. Itinatag naman ang CMW bilang pagtugon sa mga usapin sa kalusugang pangkaisipan ng mga Lasalyano. Inaasahang magsasagawa ang komisyong ito ng mga proyekto katuwang ang Lasallian Center Inclusion, Diversity and Well-Being. Itataguyod naman ng CASMC, CGEE, at CD ang ligtas na espasyo at inklusibidad sa Pamantasan.
Ibinahagi ni Brotonel ang mga hakbang na kanilang isusulong upang itaas ang kamalayan ng mga Lasalyano hinggil sa kahalagahan ng pagkakapantay-pantay, at pagpapatibay ng inklusibidad at kaligtasan sa Pamantasan. Aniya, “. . . kami po ay maglalatag ng mga proyekto at mga [patakarang]. . . makakatulong sa [pagtaas] ng kamalayan. . . sa kahalagahan ng isang [Pamantasang] para sa bawat Lasalyano kahit sino man sila.”
Binigyang-diin niyang patuloy silang magtutulungan upang maisakatuparan ang kanilang layunin sa Pamantasan. Makaaasa ang pamayanang Lasalyano na makikiisa ang mga komisyong ito sa pagdiriwang ng Pride Month, Women’s Month, Araw ng Kalayaan, at EDSA People Power Revolution. Samantala, titiyakin naman ng USG sa pangangasiwa ni Hannah Cosing, director para sa Student Relations, na magtatrabaho ang bawat komisyon bilang bahagi ng USG.
Nagpabatid naman ng paninindigan sa kaniyang tungkulin si Brotonel sa pamayanang Lasalyano. “. . . bilang inyong USG President, [maaasahan ninyo] po ako at ang buong USG na hindi po kami titigil sa laban para mas mapabuti ang mga karanasan [ninyo] sa ating Unibersidad,” saad niya.
Sanib-puwersang pagtugon
Sinisiguro ng mga itinalagang komisyoner ang maayos na pangangasiwa sa mga inisyatiba at adbokasiyang isinusulong ng USG. Matatandaang umusbong ang usapin ukol sa naganap na cross-dressing sa isang pagtatanghal noong nagdaang Athletes’ General Assembly at Animo Rally 2022, Setyembre 28.
Mariin agad itong kinondena ni Moi Pulumbarit, komisyoner ng CGEE. Pahayag niya, “Hindi pinanggagalingan ng aliw ang bagay na hanggang ngayon [ay] patuloy naming hinaharap, patuloy naming [nilalabanan], na buhay ang nakataya.”
Nakiisa naman si Dennis John Gomez, komisyoner ng CSDP, sa isinagawang EDSA Commemoration Walk sa Pamantasan nitong Pebrero 27. Naghatid siya ng isang talumpati at inilahad ang laganap na paggamit ng disimpormasyon sa politika para sa pansariling kapakanan ng mga nasa posisyon. Gayundin, binigyang-diin niya ang gampanin ng kasalukuyang henerasyon sa pagsalungat sa agos ng disimpormasyon upang mapanatili ang katotohanan at integridad sa lipunan.
Samantala, siniyasat din ng APP sa isang panayam kay Jenmond Alphine Guno, komisyoner ng CEP, ang mga proyektong ihahain ng komisyon. Pauna niyang inilahad na itinatag ang CEP upang bigyang-pansin ang mga isyung pangkalikasan sa Pamantasan, lalo na ang kakulangan sa mga organisasyong mangangasiwa sa mga ito.
Ipinaliwanag ni Guno na bibigyang-pansin ng kanilang komisyon ang mga isyung nag-uugat sa pang-aabuso sa kalikasan tulad ng maling pamamahala ng basura, pagmamalabis sa paggamit ng enerhiya, at polusyon. Gayundin, nais bigyang-tuon ng kanilang komisyon ang kakulangan sa mga inisyatibang nakasentro sa pagpapatibay ng mga polisiyang tumutugon sa mga problemang kinahaharap sa sektor ng kapaligiran sa loob ng Pamantasan.
Plano nilang ilunsad ang Paper Recycling Initiative at Recycling Art Fair na layong ikintal sa kaisipan ng mga Lasalyano ang kahalagahan ng pag-aalaga at pagliligtas sa kalikasan. Aniya, layon nilang maging bahagi ng pagsusulong ng inisyatiba ang mga Lasalyano at hindi lamang mga kasapi ng komisyon ang kumikilos sa proyekto.
Sinubukan din ng APP na makapanayam sina Lucas Antonio Tujan at Ginger Erin Swa, mga komisyoner ng CDI; Jorin Victoria Revil at Julean Palpallatoc, mga komisyoner ng CASMV; Patricia Ang at Michiyo Matsumura, mga komisyoner ng CMW; Marlon Dayo, komisyoner ng CGEE; Felipe Ramon Alejo at Dennis John Gomez, mga komisyoner ng CSPD, upang siyasatin ang mga layunin at plano ng kani-kanilang mga komisyon. Subalit, nabigong makatanggap ang Pahayagan ng mga kasagutan mula sa mga nabanggit na komisyoner.