PINANGUNAHAN ng mga progresibong organisasyong Anakbayan Vito Cruz at DIWA sa Pamantasang De La Salle (DLSU) ang panawagan sa paglahok ng mga estudyante sa Student Government Elections (SGE) sa harapan ng Agno Food Court, Hunyo 30.
Layon ng iglap-protestang maiparating ang kahalagahan ng pagkakaroon ng tunay na representasyon ng mga estudyante sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte. Iginiit ng mga grupong kailangan ng susunod na mga lider-estudyante na tumindig laban sa mapanupil na rehimen.
Dagdag pa rito, mariin din nilang kinondena ang pagbibigay-priyoridad sa Maharlika Investment Fund, isang sovereign investment fund, at ang kawalan ng kagyat na aksiyon ng kasalukuyang administrasyon sa lumalalang suliraning panlipunan tulad ng implasyon, mababang sahod ng mga manggagawang Pilipino, at problema sa edukasyon.
Bunsod nito, hindi nagpapigil ang Anakbayan Vito Cruz at DIWA na ilantad sa publiko ang kalapastanganan ng pamahalaan at mga suliraning kinahaharap ng kabataan.
Pagkilos ng mga progresibong kabataan
Pangunahing hinaing ng mga Lasalyano ang pagbuwag sa Mandatory Reserved Officers’ Training Corps at pagpapaliban ng pagtaas ng matrikula sa isinagawang igla-protesta. Kasabay nito ang magiging responsibilidad ng bagong mahahalal na University Student Government (USG).
Inihayag ni Anakbayan Vito Cruz Vice Chairperson Jose Mari Cueto, sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ang mga kahalagahan ng pangangampanya ng student government pagdating sa usaping pambansa. Aniya, nakatala na sa kasaysayan ang paglahok ng mga estudyante hinggil sa isyung pambansa. Isang halimbawa ang ibinahagi ni Cueto na pangangampanya ng Coalition for the Urgent Resignation of Estrada (UP-CURE) noong EDSA II. Binubuo ang UP-CURE ng mga organisasyon ng mga lider-estudyante mula sa Unibersidad ng Pilipinas gaya na lamang ng STAND-UP, All-UP Workers Union, at CONTEND upang patalsikin sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada.
Kinikilala ng Anakbayan Vito Cruz at DIWA ang kapangyarihan ng mga lider-estudyanteng maimpluwensyahan ang kapwa nito estudyante sa paglahok sa mga suliraning pambansa. Hinimok ng mga grupong ito ang administrasyon ng Pamantasan upang palakihin ang espasyo para sa mga estudyante. Makakatulong ito upang makalahok ang mga estudyante sa mga gawaing may kinalaman sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa. Hinaing din nilang magkaroon ng mas mabilis na proseso ng pag-apruba ng mga aktibidad sa loob ng Pamantasan.
Pagtindig sa loob ng Pamantasan
Naging dahilan ang pagtaas ng matrikula upang umaklas ang Anakbayan Vito Cruz at DIWA laban sa administrasyon ng DLSU. Ani Cueto, ipinagsawalang-bahala lamang ng Pamantasan ang pagsisikap at mga hakbang ng kasalukuyang USG upang mapigilan ang pagtaas ng matrikula.
Bukod pa rito, nanawagan din ang Anakbayan Vito Cruz na magkaroon ng malinaw at malinis na proseso para sa nalalapit na eleksiyon ng susunod na USG. Inihayag ng isang estudyante ng DLSU at miyembro ng Anakbayan Vito Cruz sa APP ang kagustuhang kapwa nila estudyante ang mamahala sa nalalapit na eleksiyon at hindi panghihimasukan ng administrasyon. Para sa kaniya, nagsisilbi itong ugnayan sa pagitan ng mga estudyante at mga lider upang malayang makapagbigay ng ideya sa mga dapat isaalang-alang upang matiyak ang kaunlaran ng Pamantasan.
Dagdag pa niya, “Paraan ito para makipag-ugnayan hindi lang sa loob ng Pamantasan dahil malaki ang magiging papel ng kung sinong uupo na student government sa kung paano din naiimpluwensyahan ang kabataan sa buong bansa bilang isang national significant school ang DLSU.”
Kaugnay nito, isa sa mga kampanya ng Anakbayan Vito Cruz ang tumindig ang administrasyon laban sa paniniil at katiwalian. Nais nilang hikayatin ng Pamantasan ang mga Lasalyanong lumahok sa mga pagkilos hinggil sa usaping panlipunang nakaaapekto sa lahat. Isang abenida ang pagsasagawa ng kilos-protesta upang maipahayag ng mga estudyante ang kanilang perspektiba at mga hinaing upang mabigyang-linaw ang mga nakaluklok. Ating himukin ang mga nasa kapangyarihan gamit ang pinagsama-samang boses na may ipinaglalaban para sa kaayusan ng hinaharap ng mga progresibong estudyante ng bansa.