SOLIDONG KUMPIYANSA AT DETERMINASYON—ito ang mga bitbit ni Xiandi Chua at ng Lady Tankers sa kanilang paglangoy sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Swimming Tournament. Buhat ng masidhing pagnanasang tuldukan ang pagkalunod ng koponan sa loob ng 19 na taon sa naturang torneo, buong-puso nilang ipinamalas ang kanilang galing at dedikasyon upang maisakatuparan ang kanilang layunin na ibalik ang kampeonato sa Taft.
Binansagan si Chua bilang Most Valuable Player matapos kumolekta ng dalawang ginto sa 100-meter freestyle at 200-meter individual medley sa naturang torneo. Hindi na bago para kay Chua ang magbulsa ng parangal dahil nanguna rin siya sa 100-meter freestyle sa naganap na Philippine Swimming Inc. (PSI) National Selection noong 2021. Abot-langit na ngiting inihayag ng Southeast Asia (SEA) Swimfest gold medalist ang kaniyang naging karanasan, gayundin ang buong koponan, sa pagbingwit ng titulo.
Dedikasyong hindi naupos
Halos dalawang dekadang nasalat sa ginto ang Lady Tankers sa larangan ng languyan sa UAAP. Sa loob ng mahabang panahong ito, marami ang nagsumikap at nagtangkang buhayin ang kislap sa baul ng medalya. Subalit, patuloy ang pagtangay ng malakas na alon sa pag-asang makamit ito. Nagsisilbi itong ugat ng mas malalim na pagkasabik ng Lady Tankers na makamtan ang kanilang mithiing makabalik sa tuktok ng talaan. “Coming to the UAAP we really wanted to be champion,” wika ni Chua sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel.
Sa bawat laban na susuungin, matinding preparasyon ang puhunan upang matikman ang tamis ng panalo. Pinatunayan ito ni Chua sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaniyang naging paghahanda bilang isang Lady Tanker na binubuo ng pagsasanay nang walong beses sa isang linggo kaakibat ang dalawang gym session. Sa kabila ng puspusang pag-eensayo, namutawi kay Chua ang taglay na kumpiyansa para makamtan ang hinahangad na tagumpay.
Ibinahagi ni Chua ang kaniyang doble-kayod na paglangoy sa pitong swimming events makapagtala lamang ng maraming puntos para sa koponan. “I had to swim events that I don’t normally swim. . . It’s like out of my forte,” ani Chua. Dagdag pa ng multi-awarded Lady Tanker, hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makapaglangoy sa backstroke event kahit pa ito ang isa sa kaniyang espesyalidad upang makapagbigay daan sa misyon ng koponan na makahatak ng sapat na puntos para sa pagkamit ng kampeonato.
Saligan ng tagumpay
Sa kabila ng tatlong taong pagkahinto ng agos ng patimpalak dulot ng pandemya, hindi nagpatinag si Chua sa paghulma ng kaniyang pangarap na maabot ang ginto kasama ang iba pang Lady Tankers. Pinanghawakan niya ang pag-asang makababalik muli sila sa pakikipagtuos sa paglangoy sa pamamagitan ng dedikasyon at disiplina sa kaniyang nakagawian bilang atleta.
Bagamat nasa ikatlong taon na ng kolehiyo, maituturing pa rin na baguhan si Chua sa UAAP dahil sinulot ng pandemya ang unang dalawang taon ng kaniyang karera bilang isang Lady Tanker. Agad na ibinawi naman ito ni Chua matapos magpakawala ng alon sa torneo at siniguradong tumatak ang kaniyang pangalan sa unang taon sa kompetisyon. Kasabay ng ugong ng matagumpay na kampanya, natupad ni Chua na mapangatawanan ang pagiging dekalibreng manlalangoy para sa Lady Tankers buhat ng kaniyang mala-beteranong presensiya sa naturang laban.
Kabilang si Chua sa mga napiling manlalangoy ng national team na sumabak sa mas mataas na ranggo ng paligsahan gaya ng SEA Games. Matatandaang tinanggap niya ang hamon ng PSI National Selection mahigit dalawang taon na ang nakalipas na naging dahilan upang unang masilayan ang kaniyang kahandaan sa pagsabak sa mga kompetisyon sa labas ng bansa. Aminado siya na napadali ang kaniyang pagsabak sa UAAP buhat ng kaniyang nabitbit na karanasan bilang pambansang atleta. Binigyang-pagkilala rin ni Chua ang nagdaang oportunidad sa national pool bilang isa sa mga nagsilbing pundasyon ng natamasang tagumpay bilang Lady Tanker.
“By the time of UAAP, I kinda knew what I had to do so it’s easier for me to tackle each event one-by-one,” sambit ni Chua. Bunsod ng pagkakataong ito, nakapagtala siya ng mga solidong rekord sa UAAP upang tuluyang iukit ang pangalan sa talaan ng mahuhusay na manlalangoy sa bansa.
Kasalukuyang hawak ni Chua ang pinakamabilis na oras ng pagsisid sa 100-meter freestyle, 200-meter medley, at 400-meter medley sa UAAP. Bukod pa rito, patuloy ang kaniyang pagtudla ng tagumpay sa internasyonal na entablado kasama ang kaniyang kapwa Lady Tanker na si Chloe Isleta matapos ang makasaysayang rekord sa 2023 SEA Games women’s 200-meter backstroke finals na ginanap sa Phnom Penh, Cambodia.
Pagsilay ng kadakilaan
Sa galing at tikas na ipinamalas ni Chua, nag-uwi siya ng anim na ginto, isang pilak, at isang tanso para sa Pamantasang De La Salle sa ginanap na UAAP Season 85 Women’s Swimming Championships. Ilan lamang ang mga medalyang ito sa kabuuang 17 ginto, 14 na pilak, at 12 tansong naiuwi ng Lady at Green Tankers sa pagtatapos ng patimpalak.
Gayunpaman, isiniwalat ng 21 anyos na atleta ang posibilidad ng maagang paglisan niya sa koponan bunsod ng hindi niya paggamit ng kaniyang nalalabing playing years. Malaking parte ng desisyon ng atleta ang nalalabing termino na tangan niya sa pagkamit ng kursong Bachelor of Science in Entrepreneurship. Tiniyak naman ni Chua na ipagpapatuloy ng Lady Tankers ang nasimulang sistema sa larangan upang masundan ang makasaysayang tagumpay na kanilang sinisid nitong Season 85.
Sa bawat tapik ng mga braso sa tubig, tumatak sa puso ni Chua at ng ibang Lady Tankers ang maalab na suporta ng pamayanang Lasalyano. Nabanggit niya na isa sa mga nagsilbing pagganyak ng koponan tungo sa kampeonato ang walang patid na suporta na ipinamalas ng komunidad. Hiling niya ang patuloy na pagtangkilik ng mga Lasalyano sa kanilang koponan hanggang sa mga susunod na season ng UAAP habang bitbit ang hangarin na mapanatili ang pamamayagpag sa larangan ng paglangoy.