PORMAL NA BINIGYANG-LINAW ng Student Discipline Formation Office (SDFO) at Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being (LCIDWell) ang pagsasabisa ng mga bagong panuntunan ng pananamit sa Pamantasang De La Salle (DLSU) sa isinagawang University Attire Policy Forum sa Br. Andrew Gonzalez Multi-Purpose Hall, Hulyo 5.
Matatandaang inaprubahan ito ng Student Handbook Revisions Committee noong Agosto 27, 2021 at ng Academic Council noong Setyembre 16 ng kaparehong taon. Sa kabila nito, nagdulot ng kalituhan sa mga estudyante ang pagsasawalang-bisa ng lumang dress code kasabay ng muling pagbubukas ng kampus ngayong akademikong taon.
Bagong polisiya sa university attire
Nagsilbing inspirasyon para sa bagong panuntunan ng university attire ang Oregon National Organization for Women Model Dress Code na pinahahalagahan ang identidad ng mga estudyante para sa paglikha ng epektibo at komportableng kapaligiran. Saklaw ito ng Policy on Self-Expression, Self-Identity, & Safe Spaces na mahahanap sa panibagong student handbook.
Panimula ni Dr. Leni D. Garcia, associate provost ng DLSU, isinaalang-alang ang mandato ng LCIDWell, University Mission-Vision, Lasallian Guiding Principles, Safe Spaces Act, at Expected Lasallian Graduate Attitude (ELGA) 2.0 upang matiyak ang kapakanan ng bawat estudyante, partikular na sa mga nasa laylayan ng lipunan, na kasalukuyang pinaninindigan ng Pamantasan.
Ayon sa kaniya, higit na malawak sa mga person with disability (PWD), kasapi ng LGBTQIA+ community, miyembro ng race o ethnic minority, nagmula sa hindi tradisyonal na pamilya, at hindi Katoliko ang naaapektuhan nito. Sambit niya, “If you have to give an extra explanation for being who you are and for doing what you’re doing, you can be sure that at some point in some aspect, you are marginalized.”
Bunsod nito, pinapayagan na ang may kulay na buhok at piercing. Tanging ang pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan at pagsusuot ng mga damit na nagpapahayag ng malisyosong teksto at larawan o nagpapakita ng anomang ilegal na gawain ang ipinagbabawal sa loob ng kampus. Maliban na lamang dito ang mga classroom at event dress code para sa mga espesyal na aktibidad.
Pagsusuri sa dating dress code
Tahasang pinuna ni Garcia ang dating dress code para sa panghihikayat ng seksismo at pagpapalaganap ng stereotyping ukol sa nararapat na hitsura ng mga babae. Pagsisiwalat niya, eksklusibo sa kababaihan ang sampu sa 16 na patakarang nakapaloob dito. Itinuturing nitong mas mababa at isang kagamitan para sa seksuwalisasyon ang katawan ng babae at likas na walang moralidad at kontrol ang lalaki. Samakatuwid, itinutuon nito ang sisi sa biktima imbes na sa nagkasala.
Paliwanag pa ni Garcia, ipinagkakait ng dating dress code ang kalayaan sa pagiging malikhain at pagsasabuhay ng indibidwalismo o gender identity. Ginagawa rin nitong seksuwal ang mga bagay na walang relasyon sa seksuwalidad at hindi pinahahalagahan ang komplikadong konsepto ng pagkatao. Aniya, higit ang isang tao sa isinusuot niyang damit.
Pagsasaboses naman ni Christian Derek Guerra, coordinator ng LCIDWell, puno ng kamalian ang pagdidiin sa paraan ng pananamit bilang sanhi ng krimen. “Cases have shown na kahit balot na balot ka, nare-rape ka. . . So, may nare-rape kasi may rapist [at] may nababastos kasi may taong bastos. Nothing less, nothing more,” pagbibigay-diin niya.
Ipinahayag din ni Garcia ang kaniyang pagkadismaya sa pagbibigay-pokus sa haba ng pambabang kasuotan ng mga babae. Karaniwang eksena bago ang pandemya ang paggamit ng mga gwardiya ng panukat upang makumpirmang hindi mas iikli sa isang pulgada ang distansiya ng pinakamahabang daliri sa hemline. Mahigpit itong sinisiyasat sa harapan ng tarangkahan habang saksi ang ibang estudyante at kawani.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Garcia ang kahalagahan ng pagsusulong ng virtue development upang baguhin ang mga nakasanayang pumapahamak sa mga estudyante. Pagpapatuloy niya, hindi rin praktikal ang pagbabawal ng athletic shorts. Limitado lamang ang 15 minutong pagitan ng mga klase at posibleng hindi ito sapat na oras upang magpalit ng damit.
Ayon pa kay Garcia, nabigong isaalang-alang ng dating dress code ang estadong panlipunan at pang-ekonomiya ng mga estudyante sapagkat hindi maiiwasan ang hindi pag-ayon ng estilo o kalagayan ng mga pamana at lumang damit dito.
Isinasawalang-bahala din nito ang pang-akademyang salik ng isyu dahil sa matagal na pagpoproseso ng mga dokumento upang pahintulutan ang estudyante sa loob ng silid-aralan. Bukod sa pagkaliban sa klase ng nanlabag, nadaragdagan din ang trabaho ng mga propesor dahil sa mga estudyanteng kailangan nilang ihabol sa gawain.
Taliwas din ang dating dress code sa pagkilala ng lumang student handbook sa kakayahang magdesisyon para sa sarili ng bawat Lasalyano. Alinsunod ito sa misyon ng Pamantasang hubugin ang mga lider ng kinabukasan. Iginiit ni Garcia na nag-uugat ang lahat ng dress code sa kakulangan ng pagsusuri sa mga paniniwalang nakasanayan at hindi naiiba rito ang kawalang-batayan ng dating DLSU dress code.
Diyalogo sa Pamantasan
Pinuri ni Department of Theology and Religious Education Associate Professor Dr. Marilou S. Ibita ang pagbibigay-diin ng University Attire Policy sa dignidad ng tao at pagkilala nito sa kahalagahan ng Lasallian Reflection Framework at ELGA upang paigtingin ang bukas na diyalogo. Wika niya, “It would be great to listen to the students who are the ones impacted by this change in the dress code. . . What are some of the difficulties because of the cultural divides [and the] generation gap that we’re having?”
Ayon naman kay LCIDWell Director Dr. Estesa Xaris Que Legaspi, isinusulong ng polisiya ang layunin ng Pamantasang pahalagahan ang kalusugang pangkaisipan ng mga estudyante. Hinihikiyat nito ang malayang ekspresyon sa gawi ng pananamit at malampasan ang negatibong pananaw sa sariling katawan o body shaming.
Isinaad din niyang bagaman komplikado ang paggamit ng kasuotan bilang gender expression sa mga Katolikong paaralan, matagumpay na itinataguyod ng bagong polisiya ang gender affirmation. “We have a [gender-affirming] space like the university—[and] sometimes it’s the only space—that the student will have, so I’m very happy. . . and I’m very proud that we are that kind of learning institution.”
Pagpapalawig pa ni Ibita sa usapin ng relihiyon, nararapat basahin ang Bibliya sa konteksto ng panahon at lugar nito at hindi baluktutin ang salita ng Diyos upang gawing sandata ng diskriminasyon. Nilinaw din niyang walang iisang doktrina ng pananamit ang Simbahang Katoliko at higit pa rito, binubuo ang Pamantasan ng mga estudyante ng iba’t ibang paniniwala. Komento ni Garcia, pinagtitibay din ng kanilang inisyatiba ang diwa ng Katolisismong mahalin ang kapwa.
Nagbalik-tanaw naman si Arts College Government Director for Student Welfare John Matthew Nolasco sa inaning kontrobersiya ng DLSU Green Archers sa Animo Pep Rally noong Oktubre matapos mag-crossdress ang mga rookie nito bilang bahagi ng kanilang tradisyon.
Matatandaang kinondena ito ni dating University Student Government President Giorgina Escoto dahil sa paggamit aniya sa gender identity at expression para sa aliw at katatawanang taliwas sa misyong maging ligtas at inklusibo para sa lahat ng Pamantasan.
Tiniyak ni Legaspi na nagkaroon ng malalim na diyalogo sa pagitan ng mga panig, kabilang na ang DLSU Prism at Office of Sports Development, upang kilatisin ang pinagmulan ng opensa. Subalit, wala siyang maibigay na konkretong polisiyang nagbabawal sa similar na mga aktibidad. Sa kabila nito, kaniyang isinigurong magkakaroon ng mga hakbang upang hindi na ito maulit.
Paglilinaw naman ni Garcia, maaaring magpahayag ng pagtutol ang pamayanang Lasalyano rito, ngunit hindi matatawag na paglabag sa mga regulasyon ang nangyari sapagkat may kalayaan ang lahat para sa ekspresyon ng kani-kanilang estetika. “We’re not asking people to change their aesthetics. We’re asking people to change the way that they think and act.”
Itinuturing niyang halimbawa ng bukas na pakikipagdiyalogo ang pagtugon sa naturang isyu dahil sa iba’t ibang pananaw na kasangkot dito. Ani Garcia, matatawag itong pagtatanghal dahil drag show ang orihinal na inihanda ng koponan. Nagiging problema lamang ito bilang initiation rite. Pagpapaunawa niya, may konsepto ng pagpapahiya ang mga initiation na sumasalamin sa paniniwalang nakababawas sa dignidad ng tao ang pagko-crossdress.
Hinamon ni Garcia ang koponang suriin at baguhin para sa ikabubuti ang pinakalayunin ng pagsasagawa nila ng mga naturang tradisyon. Bunsod nito, patuloy pa rin ang diyalogo upang bigyang-linaw ang pangyayari.
Ikinabahala naman ni DLSU Senior High School Student Council Environmental Concerns Officer Jared Pacheco ang kawalan ng malinaw na dahilan sa pagpapanatili ng dating dress code sa integrated school (DLSU-IS) student handbook gayong bahagi rin sila ng kampus ng Maynila. Paglalahad niya, may mga dumedepensa rito bilang pagkilala sa hurisdiksiyon ng Department of Education o sa kadahilanang menor de edad pa ang malaking populasyon ng mga estudyante rito.
Kinompirma ni Legaspi na may iba pang student handbook ang DLSU-IS ngunit ang pakikipagdiyalogo pa rin ang kaniyang maipapayo, lalo na sa mga estudyanteng lider katulad ni Pacheco.
Ibinalita naman ni SDFO Director Michael G. Millanes na pinili nilang magsimula sa isang talakayan tungkol sa polisiya bago pa man mailathala ang bagong student handbook dahil una pa lamang ito sa serye ng mga diyalogo ukol sa adbokasiya ng ligtas at inklusibong komunidad.
Ibinahagi rin ni Garcia ang kanilang mga plano para sa kaginhawahan ng mga PWD at ang pagsasapormal ng mga lived name na isasakatuparan gamit ang pagpapakalat ng mga form. Ipinaalam niyang kasalukuyan na silang nasa proseso ng pagpili ng opisinang mamamahala sa dokumentasyon.
Maaakses ang kabuuan ng University Attire Policy bilang bahagi ng pinal na bersyon ng Student Handbook 2021–2025. Ilalabas ito sa isang Help Desk Announcement sa oras na maisaayos na ang lahat ng mga probisyon kagaya ng pagsusog sa honors program. Gayunpaman, makaaasa ang mga estudyanteng agarang ipatutupad ang mga polisiyang naaayon sa kanilang kapakanan.