Sa pagpapalit ng administrasyon, marami ang umaasang matatapos na ang mahigit tatlong taong pamumuhay na may pangamba. Subalit, muli na namang binalot ng agam-agam ang mga mamamayang Pilipino dulot ng mga pagbabago sa pagtugon sa COVID-19 ng bagong Pangulo ng Pilipinas. Napagdesisyonan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na isailalim sa state of calamity ang bansa batay sa bumabang bilang ng positibong kaso ng naturang sakit, ayon sa Department of Health (DOH).
Ipinatupad din ng Pangulo ang Executive Orders No. 3 at 7 na nagsasaad ng boluntaryong pagsusuot ng face masks sa mga pampubliko at pribadong espasyo. Bunsod ng mga polisiyang ito, panganib sa pampublikong kaligtasan ang bulag na pagsipat sa estado ng krisis pangkalusugan. Samakatuwid, mahirap mabatid ang kahandaan ng bansa sa pagpapatupad ng mas maluwag na polisiya laban sa patuloy na kumakalat na sakit.
Manipestasyon ng pagkakampante
Sa patuloy na pagpapatupad ng mas maluwag na panukala laban sa COVID-19, tila nasa endemic na estado ang sakit sa bansa. Gayunpaman, naninindigan si DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing noong Setyembre 2022 na hindi pa maituturing na endemic disease ang COVID-19 sa bansa sa kabila ng patuloy na lumuluwag na mga health protocol. Aniya, maituturing lamang na endemic disease ang COVID-19 sakaling masusunod ang mga pamantayan sa pagtatala ng mababang bilang ng mga nagpopositibo at namamatay sa sakit, at ang pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19 sa bansa.
Sa inilabas na tala ng ahensiya nitong ikalawang linggo ng Marso, iniulat nito na tanging 75.70 milyong Pilipino ang nabakunahan kontra COVID-19, samantala, 24.18 milyon naman ang nakatanggap ng booster shots. Kinompirma naman ni Vergeire na tanging ang bilang na lamang ng mga nabakunahan, partikular sa booster shots, ang hindi nasusunod ng bansa sa mga inilahad na pamantayan. “Mababa pa ang booster shots natin so kailangan pagtrabahuhan natin yung coverage ng bakuna—tumaas ang wall of immunity,” paliwanag ni Vergerie sa parehong press briefing.
Bunsod nito, mananatiling banta sa kalusugan ng publiko ang patuloy na pagluwag ng mga polisiyang umiiral. Kinakailangan pa ring mag-ingat sa kabila ng pagbabalik ng dating takbo ng kabuhayan bago ang pandemya. Kabuhol nito, hindi maikukubling taliwas ang mga ipinatutupad na batas na pinaluluwag ng mga health protocol, tulad ng opsyonal na pagsusuot ng mga facemask, sa pangamba at pagkabagabag ng lahat.
Pagbabalik sa dating gawi
Nilagdaan kamakailan ni Bise Presidente Sara Duterte ang Department of Education (DepEd) Order No. 034, series of 2022 na tinatanaw ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga paaralan sa elementarya at sekondarya. Gayundin, ipinatupad naman ni Commision on Higher Education (CHED) Chairperson Prospero De Vera III ang CHED Memorandum No. 16 na naglalahad sa pagbabawal ng full online classes para sa mga higher educational institutions noong Nobyembre 2022.
Ayon kay Mayor Honey Lacuña-Pangan, sa isang panayam ng Philippine Information Agency noong Agosto 2022, nakahanda na ang mga pampublikong paaralan sakaling magkaroon ng mga positibong kaso ng COVID-19 sa paaralan. Aniya, “May isolation rooms po tayo, mga medical frontliners, and magpapalagay tayo ng vaccination team just in case po na mayroong gustong magpabakuna habang nandito po sila, tutal nandito na lahat ng mga bata, puwedeng magpabakuna.”
Nagbubunga ng potensyal na panganib ang mga ipinatutupad na polisiya sapagkat taliwas ito sa pagbagtas patungo sa bagong normal—kabilang na ang ligtas na pagbabalik-eskuwela. Dulot ng Executive Order No. 7, tuluyan nang ginawang boluntaryo ng DepEd at CHED ang pagsusuot ng facemask sa loob ng paaralan.
Bagamat may mga protokol at mga gabay na nakalatag para sa pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante, hindi pa rin ito nakasasapat. Mayroong labis na kakulangan upang ilatag ang hinog na kondisyon para sa tunay na ligtas na pagtahak sa bagong normal.
Bulong ng pangamba
Sa kabila ng lumuluwag na mga restriksiyon sa bansa, ilang mamamayan ang patuloy na naniniwalang laganap at nananatili pa rin ang COVID-19. Isa na rito ang gurong si Gng. Aileen Jorduela. Inamin niya sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel, na hindi pa rin nawawala ang pangamba na maaaring mahawa siya at ang kaniyang pamilya sa virus dulot ng pakikisalamuha sa maraming tao. Pabor man sa kaniya ang pagbabalik-eskuwela at pagkakaroon ng malakihang pagtitipon, madalas pa ring nagsusuot ng face mask si Jorduela kahit boluntaryo na lamang ito. Katuwang nito, sinusunod pa rin niya ang social distancing sa paniniwalang mas mabuti ang pag-iwas kaysa sa pagpapagaling.
Mayroon mang pagbabago sa kasalukuyang estado ng COVID-19 at proteksiyong pangkalusugan, hindi pa tuluyang tapos ang pandemya para sa mga katulad ni Jorduela. Higit na kinakailangan ngayon na maging mapagmatyag sa mga hakbangin ng pamahalaang inaasahang mangalaga sa mamamayang nasasakupan nito.
Hangga’t hindi nakapaghahain ng tiyak at konkretong mga plano ang kasalukuyang pamahalaan patungkol sa susunod na yugto ng krisis na kinahaharap, patuloy na mangangamba ang bayan sa kanilang kaligtasan at kalusugan. Maituturing na isang peligrosong virus ang pagsasawalang-bahala sa mga pagsubok na naghahatid ng matinding hamon para sa bansa kaya patuloy ang panawagan na mapuksa ang sakit na ito bago tuluyang malamon ang mga Pilipino.