“Bakit hindi ka marunong magluto? Paano na ‘yung mga magiging anak mo?”
Karaniwang bukambibig ito ng aking mga magulang tuwing simpleng putahe lamang ang inihahain ko sa mesa. Paulit-ulit akong sinasampal ng kanilang mga salita sa kaibuturan ng aking pagkababae. Tangan nito ang kirot na hindi masukat na sa sobrang hapdi, hindi ko maiwasang mayamot. Subalit, masisisi ko ba sila sa kanilang paniniwalang hinubog ng buktot na lipunan?
Aminin na natin ang katotohanang marami pa ring pananaw ang nakaangkla sa patriyarkal na kaisipan. Kadalasang hindi mawari ng sentido kumon na kahit sa kabila ng progresibong mundong ginagalawan, nananatili pa rin ang mga makalumang perspektiba ng iilan.
Sa panahon ng globalisasyon, mas tumaas ang bilang ng kababaihang nakikipagsapalaran sa ibang bansa. Tanda ito ng pagbuwag sa tradisyonal na istrukturang lalaki lamang ang naghahanapbuhay. Maliban dito, may mga karampatang aksiyon ding isinagawa sa bansa upang makalaya sa mapaniil na kultura. Noong 2018, nagkaroon ng panawagan sa social media na tinawag na #BabaeAko. Layon nitong labanan ang mga pag-atake sa kababaihan na ginawa ng dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas. Sa parehong taon, ipinarangalan ng TIME Magazine ang mga bumubuo ng kilusan bilang bahagi sa hanay ng 25 Most Influential People sa Internet.
Mahihinuhang lubhang umaarangkada na ang pagsulong sa peminismo, ngunit malayo-layo pa rin tayo sa pag-alpas ng kababaihan sa pagtinging nakasentro sa kalalakihan. Mahirap humagalpos sa paniniwalang pilit na nagkukulong sa mga babae sa kanilang kasarian sapagkat nakatanim na ito sa kulturang Pilipino. Para sa iba, bahagi na ng kanilang sistema at pang-araw-araw na buhay ang pagmamaliit at diskriminasyon sa kababaihan.
Mapanglaw itong realidad sapagkat kalakip nito ang pagtitiis, pagdarahop, at pagdurusa ng kababaihan hinggil sa marayang katotohanan. Totoo rin namang may ibang babaeng hindi kinikilala ang nakasanayang pagtrato bilang kapuna-puna. Subalit, hindi dapat maging instrumento ang hating pananaw upang tapyasin ang nabibigatang kalooban ng iba. Nararapat na pagtibayin ng lahat ang paglaban sa pagyurak sa pagkatao ng mga babae.
Upang mas maunawaan ang hinaing ng kababaihan, kailangang itatak sa isipan na kasarian ‘yan, hindi basehan ng kakayahan at buong pagkatao. Hindi dapat maging bilangguan ang kasarian pagdating sa kinakailangang tugunan ng mga babae. Alalahanin nating hindi kailanman magiging patas ang pag-alis sa kalayaan ng kababaihang pumili ng kanilang ninanais gawin.
Sa patuloy na paglansag sa lipunang patriyarkal, hindi na sapat ang mga kilusang umaalingawngaw lamang sa mga piling daluyan. Panahon na upang pagtuunan ng pansin ang bawat sulok ng lipunan dahil kinakailangan ang lahat upang makausad ang pagsulong sa peminismo.
Itigil na ang paulit-ulit na pagsambit ng peminismong walang katumbas na gawa at aksiyon. Nararapat na itong panindigan araw-araw. Itaga ninyo sa inyong kaluluwa—hindi lamang kami palamuti sa tabi, tagalinis ng bahay, at tagaluto ng pamilya. Walang labis, walang kulang. BABAE KAMI!