Namumuting pisarang puno ng tisang upos na sa kasusulat. Namimintig na mga binti sa maghapong pagtayo at paglakad sa silid-aralan. Kasabay nito ang mga kamay na hindi mapakali dulot ng sangkaterbang papel na kailangang markahan. Pagod man sa pagtatrabaho, galak naman ang gantimpala sa bawat estudyanteng natuto sa mga aral. Kaya para sa mga propesor na ilang dekada nang haligi ng pagkatuto at paghubog ng kabataan, higit pa sa hanapbuhay ang pagtuturo.
Sa paglaon ng panahon, unti-unting mabubura ang marka sa pisarang deka-dekadang nalapatan ng leksiyon. Mababakante rin ang puwestong kinatatayuan sa bawat sulok ng silid-aralan. Kinalaunan kukupas na rin ang lapat ng tinta sa mga papel na sukatan ng pag-unawa. Subukan mang ikutin ang kamay ng orasan, mahirap nang ibalik ang mga nagdaang taon. Sa gayon, humaba man ang panahon ng pagturo dahil sa pagkaantala ng paglisan, nananatili pa rin ang kalungkutang tangan ng nalalapit na pahimakas. Gayunpaman, patuloy ang masidhing pananabik na magturo dulot ng hindi masukat na pagmamahal sa propesyon.
Patuloy na pag-agos ng kaalaman
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Dr. Eric Punzalan mula sa Department of Chemistry ng Pamantasang De La Salle na nagbahagi ng saloobin ukol sa kaniyang nakaambang pagreretiro. Inilahad niyang nagsimula siyang magturo sa Pamantasan matapos ang kaniyang pagkuha ng Bachelor of Science in Chemistry. Subalit, bago niya ipinagpatuloy ang propesyon, lumuwas siya tungong Estados Unidos noong 1988 upang tapusin ang kaniyang PhD. Sa kasalukuyan, 27 taon na siyang full-time professor ng chemistry mula 1996 at sa edad na 59—malapit nang magwakas ang kaniyang kuwento bilang propesor.
Talino sa larangan, sigasig sa propesyon, at ligaya sa pagtuturo ang mga naging puhunan ni Punzalan bilang propesor. Aniya, “Masaya ako habang nagtuturo. . . masaya akong nakakahalubilo ang mga kapwa ko guro [at] estudyante na nakikita mong natututo dahil sa ginagawa ko.” Labis ding nagbibigay-sikhay sa kaniyang nagiging bahagi siya ng buhay at kinabukasan ng kabataan. Inihayag din niyang mga estudyante ang kaniyang hahanap-hanapin sa oras ng kaniyang pagretiro.
Dulot ng kaniyang nagbabadyang paglisan, nagsimula na siyang maghanda noong 2017 subalit naudlot ito nang nagbago ang edad ng pagreretiro sa Pamantasan—naging 65 sa halip na 60 taong gulang. Nakaramdam siya ng ligaya kahit binago niya nang husto ang kaniyang mga susunod na plano sa buhay nang malamang may limang taon pa siyang nalalabi upang ipagpatuloy ang kaniyang pagtuturo. Dagdag pa niya, sa panahong mawala ang nakatakdang edad ng pagreretiro, pipiliin niya pa ring magturo hanggang sa kaniyang makakaya.
Bilang isang scientist at guro na halos tatlong dekadang nagpamalas ng kaniyang kaalaman sa chemistry, inihayag niya ring hindi rito natatapos ang pagkatuto. “Isang bahagi lamang ng edukasyon [ang pagpasok] sa eskuwela. . . pagkalabas mo ng classroom tuloy-tuloy ‘yan,” ani Punzalan.
Kaugnay din nito ang kaniyang personal na pananaw ukol sa patuloy na pagbabago ng siyensiya. Sa mundo ng agham, isinalaysay niyang marami pang matututuhan ang mga gurong katulad niya. Bagamat mga bihasa na sa asignatura, nahasa ng taon-taong pagsasanay—patuloy pa rin silang nag-aaral sa ilalim ng naturang paksa.
Panghabangbuhay na inspirasyon
Palasak magkaroon ng matayog na adhikain ang mga estudyante ngunit madalas bantilaw ang plano sa buhay habang namamalagi sa Pamantasan. Gayunpaman, hindi maikakailang dito pa rin nahuhubog ang kanilang pagkakakilanlan at karunungan. Sa silid na binabalot ng kuryosidad at motibasyong matuto, suot-suot ng mga estudyante ang lab coat at safety goggle. Pamilyar sa ganitong eksena si Bethena Balanon, estudyante ni Punzalan, sa Organic Chemistry Lab.
Sa panayam ng APP, isinaad ni Balanon na sa kabila ng kabigatang tangan ng asignatura, nabatid niyang gumaan ito sapagkat masaya at puspos ng buhay ang pagtuturo ni Punzalan. Malimit ding parang kuwentuhan ang nagaganap sa klase na mas nagpadali sa pag-intindi sa mga komplikadong konsepto at paksa. Gamit ang karanasan ng kaniyang propesor sa pagtuturo at pagiging konsultant sa isang pagawaan, mas naintindihan din nila ang aplikasyon ng asignatura sa tunay na buhay. Batid nga niyang makamasa ang paraan ng pagtuturo ng propesor dahil nahinuha niyang nais ni Punzalan na dumali ang kanilang pag-unawa upang makatulong sa kanilang darating na propesyon.
Sa kabilang banda, hindi rin makalilimutan ni Balanon ang insidente ng pag-apaw ng kumukulong mantika sa kanilang eksperimento. Sambit niya, nataranta man ang mga estudyante, nanatiling kalmado at malumanay pa rin si Punzalan sa pagresponde. “[Makikita mong] sanay na sanay na siyang gawin ‘yun, at doon mo talagang makikita na dekada na siyang [nasa larangan],” paglalahad ni Balanon. Inihayag din niyang masuwerte sila sa haba ng pasensya at pagkakaroon ng bukas na kalooban ng propesor kaya hindi sila nag-aalangang humingi ng alalay sa oras na makaranas ng hamon sa laboratoryo.
Para kay Balanon, dadalhin din niya sa lakbay ng buhay ang paulit-ulit na payo ni Punzalan na, “Stay curious, work hard, and collaborate with others.” Naniniwala rin siyang patuloy na mapalalaganap ang kaalaman ng propesor pagkatapos nitong magretiro dahil saksi siya sa mataimtim na pag-irog nito sa pagtuturo.
Maliban dito, taos-puso rin ang pasasalamat ni Balanon sa mga leksiyong kaniyang natutuhan. Aniya, “Maraming salamat kasi marami akong natutunan sayo. . . mas na-inspire ako na i-pursue ‘yung degree ko [dahil sa] mga possibilities na puwede kong patunguhan.” Sa inspirasyong inukit ng mga nagtuturo, nailalabas ni Balanon ang mahusay na bersiyon ng sarili sa loob at labas ng silid-aralan.
Pagtatag ng mga bagong pangarap
Sa milyon-milyong propesor at estudyante sa mundo, ilan lamang sina Punzalan at Balanon sa mga guro at mag-aaral na pinagtagpo. Sa pamamagitan ng asignaturang chemistry, nagbahagi ang dalawa ng kuwento ng pagkatuto at paglalakbay tungo sa nagbabadyang pagpapaalam. Para kay Punzalan, layon nilang mga propesor na maturuan ang mga estudyante ng tamang pag-uugali sa pag-aaral at sa karerang kanilang tatahakin. Wika niya, “Kinukuha mo [ang kursong] ‘yan dahil diyan mag-uumpisa ‘yung panghabangbuhay na proseso ng pagkakatuto.” Hindi naman nabigo ang propesor dahil bitbit ni Balanon ang mga aral na kaniyang inihandog.
Sa maikling panahong naging parte ang mga guro sa paglago ng mga estudyante, nagbigay sila ng matibay na pundasyon sa susunod nilang kabanata. Ngayon, panahon naman upang ibahagi ng mga mag-aaral ang kanilang kasanayan sa bagong pangkat ng sangkatauhan—nangangahulugang hindi mapapawi ang pagsisikap ng mga guro sa propesyong kanilang lubos na minahal.
Mabura man ang kanilang marka sa mga pisara, maiiwan pa rin ang bakas ng kanilang mga aral. Mabakante man ang puwestong kinatatayuan, maaaninag pa rin ang anino ng mga leksiyong kanilang inihandog. Kumupas man ang lapat ng tinta sa mga markadong papel, mamamalagi pa rin ang kaliwanagang kanilang ipinagkaloob.