Habang patuloy ang paglipas ng panahon, kasabay nito ang paglubha ng mga pasanin ng mga Pilipino sa kanilang pang-araw-araw. Ramdam ng karamihan ang pagtaas ng gastusin mula sa pagkain at tubig maski sa transportasyon, gasolina, at kuryente. Bagaman bumaba ang antas ng implasyon ng Pilipinas mula sa 8.7% noong Enero hanggang 6.6% nitong Mayo, batay sa naitalang datos ng Philippine Statistics Authority, malayo pa rin ito sa inaasahang target na antas na 2% hanggang 4% lamang.
Taliwas sa pagtaas ng antas ng implasyon, mayroong minimal na pagbabago sa pasahod sa iba’t ibang sektor na pumapalo sa humigit-kumulang Php533 hanggang Php570 sa Metro Manila, at Php306 hanggang Php470 naman sa iba pang rehiyon. Bunsod ng sumisidhing sitwasyong pang-ekonomiya, naglunsad ng multisektoral na kampanya ang mga progresibong grupo na itinatampok ang panawagang “Sahod itaas, presyo ibaba” upang pagtibayin ang epektibong tugon hinggil sa kagyat at pangmatagalang solusyon sa nasabing suliranin. Bitbit ng kampanyang ito ang tila patuloy na bumibigat na pasanin ukol sa pagtaas ng presyo at pagbaba ng kalidad ng buhay. Tunay na hindi maitatangging patuloy na bumibigat ang pasanin ng mga mamamayan dahil, sa halip na pataasin ang kalidad ng pamumuhay, makasariling interes ang pangunahing binibigyang tugon ng pamahalaan.
Presyo ng pagbabago
Magkatuwang na isinusulong sa pambansang kaunlaran ang layuning maitaas ang antas ng kalidad ng buhay ng bansa. Sa inilabas na ulat ni Professor Ronald U. Mendoza, propesor sa School of Governance ng Ateneo De Manila, isa ang ekonomiya ng Pilipinas sa pinakamabilis na lumago sa buong mundo noong 2019. Utay-utay na itong lumilihis sa reputasyon nitong “Sick Man of Asia”, matapos ang ilang taong pagbabayad ng utang bunsod sa pagbagsak ng ekonomiya ng rehimeng Marcos Sr.
Naitala ang 5.9% growth rate sa unang tatlong kwarter ng 2019—bahagyang mas mababa sa lower end ng 6% hanggang 6.5% full-year growth rate ng gobyerno. Makalipas ang tatlong taon, pumalo na ang antas ng paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa 7.6%. Sa kabila ng pagtaas ng growth rate ng bansa, lumabas sa sarbey ng gobyerno na halos 33 milyong Pilipino ang nakararanas ng matinding kahirapan. Tumaas sa 8% ang year-on-year na inflation data noong Nobyembre 2022 at minarkahan ito bilang pinakamataas na inflation ng bansa sa nakalipas na 14 taon.
Sa panayam ng ANC News kay BPI Lead Economist Jun Neri, hindi lubos na naapektuhan ang growth rate ng Pilipinas sa kabila ng pagtaas ng inflation dahil nakalilikha pa rin ang ekonomiya ng relatibong mas maraming trabaho. Bunsod nito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na makakuha ng mga personal loan at credit cards na makatutulong sa growth rate ng bansa.
“The unemployment rate across the world here in the Philippines continues to be favorable. They continue to improve and that means people still have work. Maybe the quality is not the same pre-pandemic but at least they are still able to find some source of income and as long as cash flows are there. They become credit worthy and that means they can apply for loans, credit cards, and other ways in which you can mitigate or cope with the situation,” ani Neri.
Bagamat malaking hamon ang paghahalintulad sa antas ng pagkawala ng trabaho sa bansa bago ang krisis pangkalusugan, suhay si Neri na kinakailangang salubungin ang pagtaas ng mga bilihin upang maibsan ang pinsalang dulot nito.
“How long can people keep on depending on debt and credit to be able to keep up with the increasing prices? Something has to be done to slow down the pace of these price increases,” sambit ni Neri hinggil sa patuloy na pagtaas ng bilihin.
Sukling tingi
Sa gitna ng umiiral na krisis sa pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, ipinataw ang minimum na pasahod na humigit-kumulang Php500 sa mga manggagawang Pilipino. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Teddy*, isang mamamayang nagtatrabaho bilang construction worker, ipinabatid niya na hindi na nakasasapat ang sahod niya para tustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya.
“Sobrang baba ng sahod at sobrang taas ng mga presyo ng bilihin sa palengke. Malaki ang kailangang gastusin namin sa araw-araw kaya hindi talaga sapat sa aming lima,” pabatid ni Teddy. Dagdag pa niya, pinagkakasya niya na lamang ang kakarampot na sahod nila ng kaniyang asawa na labandera sa pamamagitan ng pagtitipid ng ulam at kanin, at paglimita ng pagbili sa mga araw ng Linggo at Sabado.
Sa kabilang banda, inihayag naman ng ibang mga mamamayan na hindi sila apektado ng iminungkahing minimum na pasahod. Ibinahagi ni Maria*, isang breadwinner at kasambahay, sa APP ang estado ng pang-araw-araw na pamumuhay ng binubuhay niyang pamilya bilang isang minimum wage earner.
“Kung kukuwentahin, kumikita ako ng Php200 kada araw pero hindi naman ito malaking problema kasi nasa probinsya ang mga kapamilya ko kaya hindi malaki ang gastos nila roon at tsaka buwanan ang sahod ko. Pero, hindi ko maikakaila na nakakabahala talaga ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” paglalahad ni Maria.
Iisa ang hinaing nina Teddy at Maria sapagkat, ayon sa kanilang mga salaysay, hindi nila lubos na maramdaman ang mga programang isinasagawa ng pamahalaan bilang tugon sa kalbaryong dala ng mga suliranin lalo na sa paglobo ng inflation rate.
Samakatuwid, nanawagan din si Teddy sa pamahalaan na bigyang-solusyon ang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin sapagkat higit na negatibo ang naidudulot nito sa sambayanang Pilipino lalo na sa kanilang mga minimum wage earner.
Kalbaryo ng mamamayan
Sa mga kritikal na hamong pang-ekonomiya ng Pilipinas, sumailalim ang House of Representatives sa proaktibong hakbang upang palawakin ang pagkaunawa sa tugon ng pamahalaan sa pamamagitan ng isang oversight hearing ng House Committee on Appropriations. Sa pagbabahagi ng tagapagsalita ng House of Representatives na si Ferdinand Martin Romualdez, layon nitong tukuyin ang mga hakbangin ng mga tagapangasiwa ng ekonomiya ng bansa na tugunan ang krisis sa ekonomiya maging ang pagsasakatuparan ng mga solusyong kalakip nito.
“We have actually asked the leadership, particularly the appropriations committee, to conduct this oversight hearing to hear and to see how Congress and the economic managers can work together, pursuing our President’s whole-of-government approach to addressing problems of our economy,” pahayag ni Romualdez sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.
Bagamat naaaninag ang pagsulong ng ekonomiya sa taong 2023, mataas na inflation rate ang bumungad sa pagsalubong ng bansa sa unang kwarter ng taon. Humantong sa kabaligtaran ang itinalagang ekonomikong adyenda para sa bansa nang manatili sa 14.4% ang antas ng underemployment. Nangangahulugan itong laksa-laksang Pilipino ang nangangailangan ng pangmatagalang trabaho na nakahanay sa kanilang kasanayan. Makatutulong ito upang ibsan ang kawalan ng kasiguraduhan sa trabaho at kita ng mga mamamayan sa gitna ng matulin na antas ng pagtaas ng mga presyo ng mga batayang pangangailangan.
Sa kabilang dako, batay sa nakalap na datos ni Peter Cayton, propesor ng estadistika sa University of the Philippines, katumbas na lamang ng Php100 noong Disyembre 1990 o Enero 1991 ang kasalukuyang halaga ng Php500 sa bansa. Sa madaling salita, makalipas ang 32 taon, relatibong humina ang kakayahan sa pagbili ng mga konsyumer sa merkado.
Mayroong hangganan ang pagsisikmura ng sambayanan sa pandudustang tumatagos hanggang sa buto at laman. Binubutas ng kakulangan sa ekonomikong tugon ang kanilang bulsa upang makatikim ng tunay na ginhawa, habang nilulustay ang kanilang buwis sa kabundatan ng mga buwaya. Nananatiling malubhang suliranin ang mababang kalidad ng buhay bunsod na rin ng mababang pasahod ng mga Pilipino. Pagtaas ng sahod, pagbaba ng presyo, ito ang sinsilyong pagbabago na pangakong hatid sa nilinlang na mga Pilipino.
*hindi niya tunay na pangalan